Inday TrendingInday Trending
Sinugod ng Binatang Negosyante ang Nobya Dahil Nagtaksil Ito sa Kanya; Ngunit Siya Pala Itong May Atraso

Sinugod ng Binatang Negosyante ang Nobya Dahil Nagtaksil Ito sa Kanya; Ngunit Siya Pala Itong May Atraso

“Sa iyo umiikot ang aking mundo. Ang nag-iisang babae na nagpapatibok ng aking puso. Ang nag-iisang tao na paglalaanan ko ng buong buhay ko. Will you marry me, Rina?”

“Yes! Yes! Kahit ngayon na!”

Tatlong taon na ang lumipas simula nung niyaya ni Anton si Rina na magpakasal pero hanggang ngayong ay wala pa ring nagaganap na kasalan. Matapos yayain ng binata ng kasal ang kaniyang nobya ay nagpakasubsob na ito sa trabaho. Namayagpag ang negosyong itinayo ni Anton at upang magtuluy-tuloy ang paglaki at paglawak nito ay itinuon ng binata ang lahat ng kaniyang oras at lakas dito.

Hindi na mabilang ni Rina kung ilang beses na siya hindi sinipot ni Anton sa kanilang date. Alam niyang walang ibang babae ang kaniyang nobyo pero hindi niya maiwasang magduda sa pagmamahal ng binata sa kaniya. Simula nung itinatag ni Anton ang kaniyang negosyo ay nawalan na siya ng panahon sa dalaga. Ilang pangako na ang hindi nabibigyang katuparan. Hindi na magtataka si Rina kung wala nang kasalang magaganap.

“Elijah, pwede bang ikaw na ang bumili ng regalo ni Rina? Pakideliver na rin sa kaniya. Sabihin mo sa kaniya na pasensya na. May importante akong meeting sa kliyente, eh.” Utos ni Anton sa kaniyang sekretarya.

Nasanay na si Rina sa presensya ni Elijah. Katunayan ang alam ng karamihan ay hiwalay na sila ni Anton at si Elijah na ang bago nitong nobyo. Isang bagay na hindi na tinama ng dalaga. Kung tutuusin ay madali lang mahalin ang binata. Kung walang nobyo si Rina at nililigawan siya ni Elijah ay malaki ang posibilidad na sagutin niya ito. Pero dahil wala sa bokabularyo niya ang magtaksil ay pagiging magkaibigan lang ang kaya niyang ibigay.

Matagal nang may pagtingin si Elijah kay Rina. Sa tuwing siya ang inuutusan ng kaniyang boss para bumili ng regalo para sa dalaga o maging proxy nito sa kanilang mga date ay unting-unting nahuhulog ang kaniyang loob kay Rina. At sa bawat pagkikita nila ay lalong lumalalim ang kaniyang nararamdaman. Kung hindi lang ito nobya ng kaniyang boss ay matagal na niyang niligawan ito.

Isang araw ay tinadtad ng mga tawag at mga mensahe ang cell phone ni Anton galing kay Rina ngunit dahil nakikipag-meeting siya sa kaniyang mga investors ay hindi niya ito pinansin. Nang matapos ang meeting ay binura niya ang mga mensahe ni Rina na hindi man lang ito binabasa para makapasok ang mga inaabangan niyang mensahe mula sa kaniyang mga kasyoso sa negosyo.

“Sir, magreresign na po ako. Mahihirapan lang po kayo kung manantili ako bilang sekretarya niyo lalo’t nobya ko na si Rina.” Pahayag ni Elijah kay Anton.

Matapos ang rebelasyon ng sekretarya ay agad na kinuha ni Anton ang kaniyang cell phone para kontakin si Rina at hingan ito ng paliwanag. Pagbukas niya ng kaniyang inbox ay tsaka niya lang napagtanto ng isang taong mahigit na nung huli siyang nakatanggap ng mensahe mula sa dalaga. Lumipas ang panahon na hindi man lang niya napapansin na matagal na niyang hindi nakikita o nakakausap ang kaniyang nobya.

Pumayag si Rina na makipagkita kay Anton. Sa restawran kung saan sila unang nag-date nagkita. Ang inaasahan ni Anton ay iikot ang usapan sa pagtataksil sa kaniya ng dalaga. Ngunit hindi niya inaasahan ang rebelasyong isasampal nito sa kaniyang mukha. May mas sasakit pa pala sa pag-aming ginawa ng kaniyang sekretarya.

“Anong karapatan mong akusahan akong taksil! Nasaan ka nung kailangan na kailangan kita? Nasaan ka nung nag-aagaw buhay ako sa ospital? Nag-iwan ako ng maraming mensahe sa cell phone mo! Ilang beses kitang tinawagan! Pero ni isang mensahe o tawag wala akong natanggap mula sa iyo! Ilang buwan akong naghintay na dalawin mo ako pero ni anino mo hindi ko nakita! Nasaan ka nung nakunan ako sa anak natin? Matagal na tayong wala simula nung pinakasalan mo ang negosyo mo!” Sigaw ni Rina kay Anton bago niya iniwang mag-isa ang dating kasintahan.

“Sa iyo umiikot ang aking mundo. Ang nag-iisang babae na nagpapatibok ng aking puso. Ang nag-iisang tao na paglalaanan ko ng buong buhay ko.”

Iyan ang mga katagang binitawan ni Anton nung niyaya niyang magpakasal si Rina. Mga katagang kinalimutan niya nung nagtagumpay ang kaniyang negosyo. Ang negosyong umagaw ng kaniyang buhay at oras mula sa taong nagmamahal sa kaniya. Sa kaniyang anak na hindi nasilayan ang kagandahan ng mundo. Ang ugat ng lahat ng pagdurusa niya ngayon. Ang dahilan kung bakit nawala sa kaniya ang kaniyang mundo, ang mga taong dapat pinaglaanan niya ng buong buhay niya.

Advertisement