Inday TrendingInday Trending
Limpak-Limpak na Salapi ang Nakulimbat ng Pekeng Albularyo Mula sa Mga Pobreng Pasyente; Isang 12-Anyos na Bata Lamang Pala ang Kaniyang Magiging Katapat

Limpak-Limpak na Salapi ang Nakulimbat ng Pekeng Albularyo Mula sa Mga Pobreng Pasyente; Isang 12-Anyos na Bata Lamang Pala ang Kaniyang Magiging Katapat

Isang maletang puno ng pera ang pinakaiingatan ni Mang Nestor sa loob ng kaniyang silid. Hindi niya ito mailagay sa bangko sapagkat mabibisto siyang naniningil ng malaki sa mga desperadong kaanak ng mga may malalang karamdaman sa kanilang lugar. Kadalasan nga’y dinadayo pa ito ng mga taga malalayong lugar at mayroon pang mga taga ibang bansa.

Dati itong doktor ngunit tinanggalan ito ng lisensiya dahil sa patong-patong na kaso. Hindi ito nagbabayad ng buwis, may pagkakataon ding sobra-sobra ang nirereseta nitong gamot sa mga pasyente upang lumaki lamang ang kita. Pinalalala niya rin ang simpleng sakit ng mga ito upang magpabalik-balik sa kaniya.

Nakulong na ito ngunit dahil mautak ito’y pinalaya rin makalipas ang tatlong taong pagpapakitang gilas sa loob ng bilangguan.

Lumaking may kaya si Mang Nestor, katunaya’y doktor din ang mga magulang nito. Nang malaman ang mga kabulastugang ginagawa nito’y itinakwil siya ng mga magulang. Nabalitaan na lamang ni Mang Nestor na yumao na ang mga magulang. Pumunta lamang siya sa burol ng mga ito upang siguruhing hindi nga siya pinamanahan ng mga ito ni singkong duling. Nang mapatunayan niyang ibinagay nga ng mga magulang ang ari-arian sa ibang mga kamag-anak at sa mga tinutulungang bahay ampunan ay agad itong lumayas. Kahit isang patak ng luha’y walang lumabas mula sa mga mata nito.

Kaya’t nagpasya itong mamundok at magpanggap na ordinaryong mamamayan lamang doon. Dahil nakapag-aral nga ng medisina ay marami itong napagaling sa kanilang bayan.

Palibhasa’y nasa liblib na lugar at hindi pa talamak ang mga ospital at klinika doo’y pinagkakaguluhan ito ng mga kapitbahay at taga karatig nayon.

Habang tumatagal ay dumarami ang pakulo ni Mang Nestor. Lalo rin namang dumarami ang nagpapagamot dito.

“Napakagaling niyo hong manggagamot, sugo ho kayo ng Panginoon” Wika ni Aling Pransya, isa itong matandang napagaling ni Mang Nestor. Simpleng vertigo o hilo lamang ang sakit nito ngunit ayon kay Mang Nestor ay may sumanib daw ditong masamang espiritu.

Sa dami ng taong nagpapagamot dito sa loob ng pitong taong pagpapanggap na faith healer ay milyon-milyon na ang ipon nito. Minsan lamang siya tumanggap ng mga ani gaya ng mga prutas at gulay. Pahirapan kasing ibenta ang mga ito.

“Mang Nestor, parang awa na ninyo. Ito lang ang mayroon ako. Isang linggo nang nilalagnat ang lola ko’t may halong dugo ang kaniyang ihi.” Pagmamakaawa ng binatang si Jose sa manggagamot habang hawak ang isang tiklis ng mangga at dalawang sakong bigas.

“O, siya. Sige! Ipasok mo na iyang mga ‘yan.” Inis na utos ng manggagamot sa kanang kamay nitong si Ignacio.

“Sa susunod, hindi ko na tatanggapin ang lola mo kung wala kang dalang pera!” Pinandilatan pa nito si Jose.

Bilang layunin ni Mang Nestor na bumalik ang mga ito’y sinabi niyang may lihim na may galit daw sa matanda at kinukulam ito. Kailangan daw niya ng mahaba-habang panahon upang kontrahin ang kulam. Ang totoo’y UTI ang sakit ng matanda at kailangan nitong makainom ng antibiotic. Sa halip bigyan ng gamot ay kung ano-anong dahon ang pinainom ni Mang Nestor dito at pinababalik ito sa susunod na lingo.

“Kuya Jose, huwag kayong maniwala sa lalakeng iyan. UTI ang sakit ni Lola! Dalhin na natin siya sa ospital para mabigyan ng gamot!” Sambit ng 12 anyos na batang si Kulas. Mahilig itong magbasa at pangarap nitong maging doktor. Ibang klase ang talino ng batang ito kaya’t lagi itong top 1 sa maliit nilang eskuwelahan sa probinsya.

“Kulas, huwag ka namang bastos. Napakalayo ng ospital dito sa atin. Kailangan pa nating magbangka. Wala namang ibang tutulong sa atin kung hindi si Mang Nestor.” Pananaway ni Jose sa nakababatang kapatid.

Galit na galit na nagdabog si Kulas at inilabas ang dila sa harap ni Mang Nestor. “Belat mo! May araw ka din!” Pagbabanta nito sa manggagamot.

Tatawa-tawa na lamang na umiling si Mang Nestor, “Tignan lang natin kung anong mangyari sa lola mo.” Pabulong na saad nito.

Sa sobrang galit ay nag-isip ng paraan si Kulas kung paano bubukingin ang mukhang pera at pekeng manggagamot. Hanggang sa nakaisip siya ng paraan.

Agad siyang bumalik sa bahay nito at sakto namang nagpapanggap itong sinasaniban ng anito’y banal na espiritu. Napakagaling ng akting ni Mang Nestor at paniwalang paniwala ang lahat. Maya-maya’y dali-daling lumapit si Kulas at pinatakan ng kandila ang mga paa nito.

“Ako ang banal na espiritu… Walang makapananakit sa akin… Lahat ng inyong karamdama’y aking papawiin!….” Hawak pa ng alalay nito ang isang pekeng kutsilyo na tinatarak nito sa leeg ng matanda ngunit hindi ito tinatablan.

Maya-maya’y tila nakakaramdam na ito ng sakit ngunit tuloy ito sa pag-arte.. Kaya’t sunod-sunod at wala nang humpay ang pagpatak niya ng tunaw na kandila sa paa nito hangga’t hindi na ito nakatiis.

“ARAY!!!!!! Ang sakit!!! Sino yon? Namimilipit na sa sakit si Mang Nestor” Nakita nito ang batang si Kulas. Tawa ito ng tawa at nagtawanan na rin ang lahat.

“Akala ko ho ba’y sinasaniban kayo ng banal na espiritu? May espiritu bang nasasaktan at may pakiramdam? Di ba ho kaluluwa lang kayo?” Tatawa tawang sambit ni Kulas.

Sa sobrang taranta ni Ignacio ay nabitawan nito ang pekeng kutsilyong itinatarak sa leeg ng matanda, pagbagsak nito sa lupa’y nilipad pa ito ng hangin. Gawa lamang pala ito sa papel. Lalong naghagalpakan ng tawa ang lahat ng nanonood.

Galit na galit si Mang Nestor at akmang uundayan ng suntok si Kulas ngunit agad itong hinarang ni Ignacio.

“Matagal-tagal na rin ho akong nagtitiis sa kasamaan ng ugali ninyo! Sa kakarampot na ibinabayad ninyo sa akin ay hindi ko man lamang magawang maipasok sa eskuwelahan ang aking mga anak!” Panunumbat ng pobreng lalake sa kaniyang amo.

At dahil hindi na alam ang gagawin ay agad na pumasok si Mang Nestor sa kaniyang kubo. Ngunit kinuyog na siya ng taumbayan at itinali. Maya-maya’y may dumating nang mga pulis at pinosasan ito.

Sa pagkatuwa sa batang si Kulas ay pinagtulungan ng mga taumbayan ang lola nitong madala sa pinakamalapit na ospital.

Makalipas ang ilang araw ay magaling na ito at nakakapagluto nang muli ng kanilang panindang cassava.

“Pasensiya na kung hindi ako naniwala sa iyo nang umpisa. Tama nga si Lola, malayo ang mararating ng katalinuhan at kapilyuhan mo.” Pagbibiro ni Jose sa kapatid habang hinihimas ang ulo nito.

Maya-maya’y may mga dumating na kawani ng gobyerno sa kanilang lugar. Ang perang nalikom daw ni Mang Nestor ay napagdesisyonang gamitin upang makapag-aral ang mga kabataan sa kanilang lugar at maipagamot ang mga may karamdaman.

Para namang bayaning binuhat ng mga kalalakihan si Kulas at itinaas. “Mabuhay ka, Kulas!” “Salamat, iho!” Maluha luha pang sambit ng mga taumbayan.

Naranasan mo rin bang mabiktima ng pekeng manggagamot? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? Ibahagi sa amin ang iyong karanasan.

Advertisement