Inday TrendingInday Trending
Inapi ng Babaeng Ito ang Kanilang Kapitbahay na Isang Galisin, Lumipas ang Maraming Taon at Hindi Niya Inaasahan ang Narating ng Babae

Inapi ng Babaeng Ito ang Kanilang Kapitbahay na Isang Galisin, Lumipas ang Maraming Taon at Hindi Niya Inaasahan ang Narating ng Babae

Sa iisang barangay lamang nakatira ang batang sina Elaine na walong taong gulang, Georgina na sampung taong gulang, at si Angel na 15 taong gulang. Naging magkaibigan ang tatlo kahit pa nga pinapaiwas ang lahat ng bata kay Elaine.

“Georgina! Umuwi ka na dito, mananghalian ka na,” sigaw ni Baby, ang kasambahay nila Georgina at kinalakihan niyang yaya.

“Yaya, wait lang po. Maglalaro lang kami ni Elaine,” sagot ng bata at kaagad na tumakbo si Baby sa kinaroroonan nito.

“Mapapagalitan ako ng mommy at daddy mo e, alam mo namang hindi pwedeng lumapit kay Elaine dahil baka mahawa ka sa mga galis niyan!” wika ng babae sabay hatak sa bata. Yumuko na lang ang batang si Elaine at pumasok sa kanilang bahay.

“’Nay, lahat na lang ho sila iniiwasan ako. Nakakahawa ho ba itong sakit ko? Galis ho ba talaga ang tawag dito?” tanong ng bata sa kaniyang ina habang tinitingnan ang kaniyang palad na may sugat na rin.

“Anak, kahit ako hindi ko masasagot kung ano iyan. Pero nagsimula lang yan sa isang maliit na sugat at nagsunod-sunod na. Kung may sapat lang tayong pera anak e pinacheck-up na kita, pero patawarin mo ako dahil walang-wala talaga tayo ngayon,” baling sa kaniya ng ale na malalala na ang ubo.

Isa sa mga pinakahirap na pamilya ang pamilya nila Elaine, bukod kasi sa pedicab driver lang ang ama nito ay malala na rin ang sakit sa baga ng kaniyang ina na halos liliparin na ng hangin sa sobrang kapayatan ng babae. Dahil na rin sa kakapusan sa pinansiyal ay hindi na nila pa napagawang ipagamot ang anak kaya naman halos wala nang balat na maayos si Elaine at punong puno ito ng galis at peklat.

“Wala na hong gusto pang makipaglaro sa akin nanay,” saad muli ng batang si Elaine.

“Hayaan mo na anak, mag-long sleeves ka na lang at mag-aral kang mabuti dahil lilipas din ang lahat ng sugat mo at aahon ka sa hirap,” baling naman ng ale sa anak na umiiyak.

Halos buong katawan na ang galis nang batang si Elaine at naging tampulan din siya ng tukso.

“Hoy, galisin. ‘Wag ka ngang lapit nang lapit kay Georgina! Nakakadiri ka,” pahayag ng batang si Angel.

“Akala ko ba magkaibigan tayo, Ate Angel?” tanong ni Elaine.

“Walang kakaibigan sa’yo at dapat hindi ka na rin nakikipagkaibigan pa dahil nakakadiri ka!” saad namang muli ni Angel. Hindi na lang sumagot si Elaine at umuwi na lang ito. Sobrang nalulungkot ang bata dah umalis na ang tangi niyang kalaro na si Georgina at ngayon ay inaapi na siya ng lahat sa kanilang lugar.

“Hoy! Akin na yang medal mo, baka pati yan magkagalis!” saad ni Angel nang nakita niya si Elaine na pauwi at may sabit sabit na medalya.

“Ate Angel, akin yan e. First honor ako at ipapakita ko yan sa nanay ko, ibalik mo iyan sa akin,” nagmamakaawang wika ni Elaine sa babae.

“Kahit pa anong honor ang makuha mo, galisin ka pa rin at wala kang mararating sa mundo. Tandaan mo yan! Walang lugar sa Pilipinas o kahit sa universe ang mga tulad mo,” baling ni Angel sabay dura kay Elaine at hinagis sa malayo ang medalya.

Hindi na lang sumagot pa ang bata at umiyak na lang ito nang umiyak, hinanap din niya ang medalya na tinapon ni Angel sa kanal.

Hindi lamang ito ang unang pagkakataong inapi si Elaine, kahit nga magaling sa eskwela ang bata ay hindi ito napapansin dahil mas napupuna ang mga sugat niya sa katawan.

Lumipas ang maraming taon at napalitan ang mga kapitbahay ni Elaine, ipinagpapasalamat na rin niyang umalis ang mga ito dahil hindi na siya masyadong pinapansin ng mga bagong lipat dahil parati na itong nakasuot ng long sleeves at pajama.

Nagkasupling na rin ang dalagang si Angel sa edad na 30 anyos at ngayon ay pumapasok na ang kaniyang anak na sa elementarya,

“Anak, bakit hindi ka nagiging honor?” tanong ni Angel sa batang si Amanda na nasa grade four na.

“Nako mama, hindi ko kasi close si teacher. Tapos may favorite siyang ibang estudyante,” sagot naman ng bata na nakikipaglaro sa kaniya ng baraha.

“Siya, ihahatid kita bukas at kakausapin natin yang si teacher ha,” wika namang muli Angel.

Kinalakihan na nang mag-ina ang pagiging sipsip sa mga guro para maging honor ang anak, ngunit nitong taon ay hindi pa nabibigyan ng award ang bata.

“Hello teacher, ako nga pala si Angel,” pakilala ng babae sa isang magandang guro.

“Napakaganda niyo naman ho,” dagdag pa ng babae at tinitigan ang mukha nito na tila ba pamilyar sa kaniya.

“Ate Angel? Ikaw na ba iyan? Si Elaine ho ito, yung galisin dati,” nakangiting sagot ng babae.

Natulala si Angel sa guro dahil napakaganda at napakakinis nito, tila isang artista ang kaniyang kaharap.

“Oh, nga pala hindi na ako galisin at isa pa hindi galis ang dumapo sa akin dati. Kati-kati lang sa balat dahil doon sa lugar natin at nadaan ko naman ho sa sabon,” dagdag pa ng dalaga kay Angel dahil nakatulala pa rin ito.

“Guro ka na?” tanong ni Angel.

“Opo, nag-aral pa rin akong mabuti kahit na inaasar niyo ako dati. Swerte ko naman na nakakuha ako ng scholarship at sinagot nito ang lahat kaya heto ako ngayon,” sagot ni Elaine sabay ngiti.

“Anak niyo po pala yan si Amanda, mabuti naman ho at andito kayo. Sasabihin ko ho sanang ipatutor natin siya lalo na sa math dahil mahina ang bata doon, para hindi siya mapag-iwanan sa klase,” pahayag muli ni Elaine.

“Hindi ka galit sa akin?” baling ni Angel sa babae.

“Hindi po, bata pa tayo nun at kung hindi dahil sa pang-aapi niyo sa akin ay hindi ako magiging matagumpay ngayon,” sagot naman ni Elaine.

Parang nabuhusan si Angel ng mainit na tubig sa narinig, hiyang-hiya siya na ang dating batang inapi-api niya ay guro na pala. Samantalang siya ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral at tamad na turuan ang kaniyang anak na si Amanda. Hindi na niya sinubukan pang suhulan si Elaine at umuwi ito kaagad, doon binuklat niya ang mga kwaderno ng bata at tiningnan kung ano ang mga dapat niyang ituro. Ayaw niyang mapahiya kay Elaine kaya naman kahit sa anak man lang niya ay makabawi ito.

Advertisement