Dahil sa Mahal ng mga Bilhin ay Dinugas ng Tinderong Ito ang Kaniyang Timbangan, sa Huli ay Doble Rin ang Singil sa Kaniya ng Karma
Alas tres pa lang ng madaling araw ay gising na si Mang Pedro para mag-ayos ng kaniyang mga paninda, siya lang naman kasi ang nag-iisang tindero ng mga mamahaling isda at iba’t-ibang lamang-dagat sa talipapa. Wala na kasing bumalak pang kumalaban sa matanda dahil siya rin ang namamahala sa mga pwesto doon. Manugang kasi nito ang may-ari ng palengke.
“Oh Salmon kayo diyan!” sigaw ni Mang Pedro sa palengke dahil wala pang bumibili sa kaniyang tinda alas otso na ng umaga.
“Matumal ang isda ngayon dahil sa mahal ng mga bilihin, kawawa naman tayong ganito ang hanap buhay,” saad ni Mang Gringo, ang katabing pwesto ng lalaki na nagtitinda ng mga buhay na tilapia.
“Mabuti ka pa nga’t nabebentahan ka, e ako mukhang walang gustong gumastos ngayong araw para mag ulam ng tuna,” baling naman ni Mang Pedro sabay buhos ng tubig sa kaniyang tinda.
“Oh siya, maniningil muna ako ng mga upa, paki bantayan mo naman muna itong pwesto ha,” dagdag pa ng lalaki at tiningnan ng masama si Mang Gringo.
Napansin niyang maraming bumibili ng gulay, hindi naman niya masisisi ang mga tao dahil napakamahal nga naman talaga ng bilihin ngayong panahon. Kahit nga ang siling labuyo ay pumapatak ng isang libo ang isang kilo kaya’t kahit silang mga tindero ay umaaray na rin sa presyo.
“Mang Pedro, sabayan ko na po kayo sa paniningil, mag che-check ako ng mga timbangan natin. Baka marami ang hindi tama ang timbang ngayon lalo na’t mataas ang presyo ng mga bilihin,” wika ni Bryan, ang tao mula sa kanilang munisipyo na nakatalagang magbantay sa mga timbangan ng talipapa.
“Naku! Totoo yan Bryan, sa akin nga ay wala pang bumibili. Oh siya, sasabihan mo ako lagi kapag magtitingin ka ng mga timbangan at iiikot kita rito, ako na rin ang bahalang magsabi sa mga tao ko na bawal ang may duga sa timbangan” sagot naman ni Mang Pedro.
“Hayaan niyo ho, sa inyo muna ako palaging didiresto tutal kayo naman ang boss dito. Salamat na rin sa tulong dahil sa mga taong katulad niyo ay laging magiging maayos ang ating lugar,” nakangiting wika ni Bryan sa matanda.
Pagbalik ni Mang Pedro sa kaniyang pwesto ay naisipan niyang dayain ang kaniyang timbangan, lalo na ngayon na matumal ang benta niya. Isa pa, alam na niya ang araw ng dalaw ni Bryan sa kanilang lugar at tiyak siyang hindi siya mahuhuli.
Natapos ang isang buong araw at masayang masaya si Mang Pedro dahil malaki ang kinita niya dahil sa dagdag timbang na kaniyang naisip. Kaya naman itinuloy pa ito ng matanda sa mga sumunod na araw.
“Mukhang malaki ang benta natin ngayon Mang Pedro ah,” saad ni Mang Gringo.
“Swertehan lang ‘yan bata,” baling naman ng matanda habang nagbibilang ito ng pera dahil kahit tanghali pa lang at marami pa siyang isdang hindi nabebenta ay lagpas limang libo na ang benta nito.
“Manong, kalahati na agad iyan?” tanong ng isang aleng bumibili ng tatlong pirasong tyan ng tuna kay Mang Pedro.
“Aba, kitang kita mo naman sa timbangan. Kalahati na, mahal talaga ang tuna hija at siksik itong isda ko sa laman kaya kalahati na ‘yan agad,” baling naman ng matanda.
“Nako! Mukhang may duga ho yata ‘yang timbangan niyo e, akin na yang isda at ititimbang ko ho dito sa katabi,” wika pa ng ale.
“Baguhan ka lang dito, ano? Ako ang may-ari ng talipapang ito at wala pang gumagawa sa akin niyang asal mo, hindi mo kailangang timbangin ang isda ko sa iba. Kung hindi mo kayang bilhin e umalis ka na rito at minamalas mo lang ang araw ko!” pasigaw na pahayag ng matanda at agad din namang umalis ang ale dahil sa bwisit.
“Malas na ‘yon, ako pa yata ang susubukan!” bulong pang muli ni Mang Pedro at nakita niyang napa-iling-iling lamang ang si Mang Gringo sa tabi, hindi na lamang niya ito pinansin.
Natapos na ang araw at nagbibilang nang muli ang matanda ng pera, nang mapansin niyang parang may mali sa mga ito. Itinapat niya sa ilaw ang isang libong papel.
“P*tang*na! Napeke pa ako!” sigaw ng matanda at nagtinginan ang ibang tindera sa kaniya.
“Naku! Mukhang kailangan niyo na hong bumili ng money detector Mang Pedro para hindi na ho kayo nadadaya,” sagot sa kaniya ng isang aleng tindera ng mga manok.
Hindi nagsalita ang matanda, “’Pag nga naman tinamaan ng lintik, lalakihan ko na lang ang adjust ko sa timbangan para mabawi ko kaagad itong isang libo, bwisit!” saad ni Mang Pedro sa kaniyang isipan.
Kaya naman kinaumagahan ay dumating siya sa palengke katulad ng mga normal na araw at dinagdagan pa nga lalo nito ang kaniyang timbang. Kung dati ay dalawang guhit lang ngayon ay malapit na itong mag ¼ kilo, tinatanggal lamang niya ang plato para hindi mahalatang may dagdag ang kaniyang timbangan. Inangat din niya ang pinakabasahan ng timbang upang siya lang ang makakita. Ngunit sa ‘di inaasahang pagkakataon, nagkaroon ng biglang inspeksyon ng timbangan at nauna ang pwesto ni Mang Pedro.
“Oh Bryan, wala naman kayong inspection ngayon ‘di ba? Bakit nandito kayo?” tanong niya sa binata.
“May mga ilang reklamo ho kasing nakarating sa amin, kaya naman biglaan ang aming pagdating,” sagot naman ni Bryan.
“Ay siya tara, sasamahan ko na kayo. Hali na kayo,” yaya naman ni Mang Pedro sabay hubad ng kaniyang apron.
“Unahin na ho natin ang timbangan niyo,” nakangiting wika naman ni Bryan.
“Naku kang bata ka, walang duga yan. Manugang ko ang may-ari ng talipapang ito kaya hindi ako mandaraya,” baling pa ni Mang Pedro.
Ngunit hindi siya nakalusot at nahuli nga ang matanda na malaki ang dagdag sa kaniyang timbangan. Bukod sa nakumpiska ang kaniyang gamit ay pinagmulta rin siya ng karampatang parusa para sa kanilang biyulasyon. Hiyang-hiya ang matanda dahil siya lamang ang bukod tanging nahuli na may duga ang timbangan. Hindi pa nga niya nababawi ang isang libong napeke sa kanya, ito na ulit at sinisingil na siya ng karma.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?