Naging Gahaman sa Ginto ang mga Magsasaka, sa Bandang Huli ay Nganga Silang Lahat Dahil Peke Pala ang Kanilang Nakuha
Ang pagtatanim ng palay at mga gulay ang ikinabubuhay ng mga taga-Barrio San Jose. Mataba ang lupa kaya maganda ang tubo ng mga itinatanim nila rito.
“Fabian, kay aga mong nagising ah!” sigaw ni Roman.
“Maaga kasi akong magtatrabaho sa bukid. Alam mo naman, malapit na ang anihan at mag-aaral na rin ang anak ko sa kolehiyo kaya dapat doble kayod.”
“Buti na lang at biniyayaan tayo ng matabang lupa. Ang ganda ng mga tanim natin at tiyak na malaki na naman ang kikitain natin sa palayan at gulayan.”
Narinig ni Teban ang pag-uusap na iyon ng dalawa. Para sa kanya ay hindi pa sapat ang tulong na naibibigay ng kanilang lupa sa pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya.
“Kung di nga lang maganda ang ani ng mga pananim ay hindi ako magtitiyaga sa pagtatanim lang ng palay at gulay,” anito.
Isang araw, habang nagbubungkal ng lupa si Teban ay may nahukay siyang kakaiba.
“Teka, ano ba itong nahukay ko?” taka niyang tanong sa sarili.
Nang pulutin niya iyon ay laking mangha niya.
“G-ginto? Ginto nga!”
Napasigaw si Teban at tinawag ang mga kasamang nagtatanim ng gulay. Ipinakita niya sa mga ito ang nahukay na pira-pirasong ginto. Pinagmasdang mabuti ng mga kasama ang napulot na mga bato na nahahawig sa ginto dahil sa kulay nito.
“Oo nga, ginto ng ito! Nakahukay si Teban ng ginto!” sigaw naman ni Berting.
Mabilis na kumalat sa buong barrio ang balita na nakahukay ng ginto si Teban habang nagtatanim ng gulay.
“Totoo ba iyong nangyari kay Teban, nakapulot raw ng ginto?” tanong ni Roman.
“Oo. Usap-usapan na ng mga taga-San Jose maging ng mga taga-kalapit na barrio,” sagot ni Fabian.
“Aba, kung ganoon ay baka marami pang gintong nakabaon sa lupa. Tara, maghukay tayo at baka makakita ulit tayo ng ginto. Kapag marami tayong nakuha ay hindi na natin kailangan pang magpakahirap magtanim,” yaya nito.
“Paano ka nakakasiguro na may mga nakabaon pang ginto roon? At isa pa ay hindi pa napapatunayan na ginto nga ang nahukay ni Teban. Ipapasuri pa iyon sa mga eksperto.”
“E, paano kung totoo nga? Basta ako, sisimulan ko nang maghukay. Sina Crispulo nga ay naghuhukay na rin ng ginto. Imbes na maghapon raw silang magtanim ng palay ay magbabakasakali na lang sila na makakuha rin ng ginto.”
Naging abala ang mga magsasaka at mga nagtatanim ng gulay sa Barrio San Jose, hindi dahil sa pagtatanim ng palay at gulay kundi abala sa paghahanap ng ginto.
“Hoy, Berting ano may nahukay ka na ba?” tanong ni Crispulo.
“Wala pa nga, pero tiyaga-tiyaga lang at makakahukay rin tayo ng ginto!” anito.
Mayamaya ay nagsisigaw si Roman dahil sa nahukay niya.
“Ginto, ginto! Nakakuha rin ako ng ginto!” malakas na sabi ng lalaki habang nagtatalon pa sa galak.
Hindi makapaniwala ang mga kasama na nakahukay rin ng ginto si Roman.
“Ang suwerte mo naman, nakahanap ka agad!” ani Crispulo.
“Saang banda mo ba nahukay iyan at dyan din kami maghuhukay,” sabi naman ni Berting.
Maging ang mga kababaihan ay na-engganyo na ring maghanap ng ginto.
“Uy, Celia tara at maghanap rin tayo ng ginto. Malay mo gaya nina Teban at Roman ay makahukay rin tayo!” yaya ni Adora.
“Sige, ikaw na lang, hindi ako maaaring umalis ng bahay dahil uuwi ang asawa ko galing sa bukid at manananghalian,” aniya.
Di nagtagal ay dumating na si Fabian. Pagod na pagod ang lalaki sa pag-aararo sa bukid.
“O, mahal buti at dumating ka na? Halika na sa loob para makakain ka na ng pananghalian,” yaya ni Celia sa asawa.
“Salamat, mahal ko. Hay, alam mo ba na iilan na lamang kaming nagtatrabaho sa bukid? Ang karamihan sa mga magsasaka ay naghahanap na rin ng ginto,” anito.
“Niyayaya nga ako ni Adora na maghukay rin. Nagdahilan na lang ako na hindi ako makakasama dahil uuwi ka at manananghalian.”
“Sana ay maisip nila na kung gaano kahalaga ang pinalalampas nilang oras. Imbes na nagtatanim sila ng palay at gulay ay naroon silang lahat at nagpapakahirap maghanap ng ginto,” wika ng lalaki.
Makalipas ang isang linggo ay lumabas na ang resulta ng pagsusuri ng mga eksperto kung tunay nga bang ginto ang nahukay ni Teban at ni Roman. Agad na tinipon at pinulong ang mga taga-Barrio San Juan.
“Narito na po ang resulta ng aming pagsusuri. Ang nahukay ninyo ay hindi totoong ginto,” sabi ng eksperto.
“Ano?” sabay-sabay na sabi ng mga taga-Barrio.
“Hindi tunay na ginto ang mga nahukay ninyo. Ito ay ordinaryong bato na nagkulay ginto lang. Kahit isangla o ibenta niyo ito ay hindi niyo rin mapapakinabangan. Kaya hindi po totoo na nakahukay kayo ng ginto,” paliwanag pa ng eksperto habang ipinapakita ang hawak na mga bato.
Nanlumo ang buong Barrio sa ibinunyag ng eksperto. Hindi pala tunay na ginto ang kanilang nahukay. Ang dalawang nakapulot na sina Teban at Roman ay halos maiyak nang malamang hindi tunay na ginto ang kanilang nakuha. Laking panghihinayang ng mga ito dahil inubos nila ang oras sa kahuhukay ng lupa sa paghahanap ng peke imbes na inilaan nila ang kanilang oras at panahon sa pagtatanim ng palay at gulay.
“Sabi ko na nga ba, e! Buti na lang at hindi ako na-engganyo sa paghahanap ng ginto. Hindi tuloy ako na-peke. Mas mainam talaga na itinuon ko ang atensyon ko sa pagtatanim. Ang tunay na ginto ay mahahanap sa bukid at sa gulayan dahil ito ang nagbibihay ng kabuhayan sa atin,” sabi ni Fabian sa asawang si Celia.
“E, di ikaw na ang maraming aanihin,” anito sa asawa sabay kurot sa tagiliran.
Mula noon ay natuto na ang mga taga-Barrio San Jose. Mas pinahalagahan na nila ang pagtatanim na pinagkukunan nila ng ikinabubuhay at kinalimutan na ang tungkol sa huwad na ginto.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!