Inday TrendingInday Trending
Nahihiyang Dumalo sa Reunion ang Babaeng Unano, Isang Nakakakilig na Sorpresa Pala ang Naghihintay sa Kanya

Nahihiyang Dumalo sa Reunion ang Babaeng Unano, Isang Nakakakilig na Sorpresa Pala ang Naghihintay sa Kanya

Noon pa man ay alam na ni Faye na hindi siya magkakaroon ng lovelife dahil sa kakaiba niyang kondisyon. Isa siyang unano kaya kahit kailan ay hindi na siya umaasa na mayroong forever. Masaya na siya sa pagmamahal ng kanyang mga magulang at mga kaibigan.

“Onay, lumabas ka na riyan at kakain na tayo!” siyaw ni Aling Imang.

“Inay naman , bakit palaging Onay ang tawag niyo sa akin, Onay for Onanay ganern?” aniya.

“Ikaw ang nagsabi niyan at hindi ako!” pabirong sabi ng ina.

“Alam ko naman pong maliit ako, pero naiilang pa rin po ako kapag tinatawag niyo akong Onanay, e! Lakas maka-artista!”

“Ayaw mo nun artista ka, anak! Isipin mo na lang na ako si Ate Guy,” hirit pa ni Aling Imang.

Nagtawanan na lang ang mag-ina sa biruan nilang dalawa habang nag-aalmusal.

Kahit hindi normal ang laki ni Faye ay hindi iyon naging hadlang para makapagtapos siya ng pag-aaral at makahanap ng trabaho. Dahil napagdaanan din niya ang hindi pantay na trato sa mga kagaya niya ay naghanap na lang siya ng trabaho online at ma-suwerte naman siyang natanggap bilang home based virtual assistant.

Isang araw ay may nag-message sa kanya sa facebook. Chinat siya ng isa niyang malapit na kaibigan nung high school na si Briana at iniimbitahan siyang dumalo sa gaganaping reunion ng kanilang batch.

“Ano, pupunta ka ba?” tanong ng kaibigan sa chat.

“Bahala na!” tanging sagot niya.

Alam naman niya kasi ang posibleng mangyari sa reunion na iyon. Siguradong pag-uusapan siya at posibleng pagtawanan kaya nagdadalawang isip siyang pumunta.

“Sige na, Faye. Minsan lang naman iyon mangyayari at saka dadalo rin ang mga kaibigan nating sina Chanele, Moira, Luisa at Clara!”

“Talaga, pupunta rin sila?” biglang natuwa si Faye nang malamang dadalo rin sa reunion ang matatalik niyang kaibigan.

“Ano payag ka na?”

“Hmm…oo na, payag na ako. Pupunta na ako!”

Sumapit ang araw ng reunion at dumalo nga roon si Faye. Nang makita siya ng mga dating kaibigan at kaklase ay laking tuwa ng mga ito at kinamusta siya.

“Uy, Faye kumusta ka na? Na-miss ka namin, sobra!” masayang wika ni Luisa.

“Mas lalo kang gumanda friend! Anong secret mo?” ani Clara.

“Grabe, ilang taon lang tayong hindi nagkita-kita, sumobra na ang pagka-bolera niyo ha!”

“Di nga, Faye. Mas gumanda ka nga ngayon. Hindi kami nagbibiro!” sabi ni Moira.

“Ikaw naman kasi, ayaw mong aminin sa sarili mo na maganda ka,” ani Chanele.

“Alam niyo naman ang kaibigan nating iyan, sobra ang pagka-humble,” hirit pa ni Briana.

Napatigil sila sa kanilang pag-uusap nang may makita silang pamilyar na mukha sa reunion nila.

“S-si Henry ba iyon?” manghang tanong ni Luisa.

“Oo siya nga iyon! Napaka-guwapo pa rin niya ‘no!” ani Moira.

Ang tinutukoy nila ay ang kaklase nilang si Henry na crush ng buong campus. Maraming babae noon ang nagkakagusto at nahuhumaling sa lalaki ngunit sa isang babae lang tumibok ang puso ng lalaki.

Nang makita nito na nag-uusap ang magkakaibigan ay agad itong lumapit.

“Good evening, girls! Kumusta na kayo?” anito.

“Okay lang naman kami, Henry. Si Faye hindi mo ba kukumustahin?” kinikilig na sabi ni Clara.

Nang muling magtama ang mga mata nina Faye at Henry ay bumalik sa kanilang alaala ang mga nangyari sa nakaraan.

Silang dalawa ay dating magkasintahan na pinaghiwalay ng pagkakataon. Mula nang makilala ni Henry si Faye ay nagustuhan na niya ito kahit pa kakaiba ang kondisyon ng dalaga. Kahit marami sa mag-aaral at mga kaklase nila ang nagpapahiwatig sa lalaki ay hindi iyon umubra rito at tanging kay Faye lang umikot ang mundo nito ngunit hindi boto ang mga magulang ni Henry sa dalaga dahil isa itong unano.

Tinakot ng mga magulang ang anak na itatakwil kapag ipinagpatuloy ang pakikipagmabutihan kay Faye. Natakot si Henry sa banta ng mga magulang at sinunod ang mga ito kaya mula noon ay iniwasan na nito ang dalaga, hanggang sa maka-graduate sila ay hindi na sila nag-usap pa.

“F-Faye, maaari ba tayong mag-usap?” seryosong tanong ng lalaki.

Tumango naman ang dalaga at pinagbigyan ang hiling nito. Iniwan muna sila ng mga kaibigan para makapag-usap ang dalawa.

“Ang totoo ikaw talaga ang sinadya ko rito, Faye,” anito.

“Ano pa ba ang kailangan nating pag-usapan, hindi ba tinapos mo na sa atin ang lahat mula nung iniwasan mo ako at hindi na kausapin?”

Bumuntong-hininga muna ang lalaki bago ipinagpatuloy ang sasabihin.

“Mahal pa rin kita, Faye. Kahit kailan ay hindi ka nawala sa puso at isip ko. Kaya nga hanggang ngayon ay binata pa rin ako at wala pang asawa dahil ang hirap makahanap ng isang kagaya mo. Inaamin ko na natakot ako noon sa mga magulang ko, pero pinagsisihan ko na iyon. Nang dalhin nila ako sa Amerika ay hindi ko nakayanan na tuluyang malayo sa iyo kaya bumalik ako dito sa Pilipinas at sinuway sina Mama at Papa.

Tinotoo nila ang banta nila at itinakwil nila ako bilang anak. Sa pagbalik ko dito ay mag-isa kong itinaguyod ang aking sarili. Pinagsabay ko ang pag-aaral sa kolehiyo at pagtatrabaho at nang makapagtapos at makapasa sa bar exam ay ma-suwerte naman akong nakahanap agad ng trabaho. Isa na akong Abogado ngayon at marami na rin akong naipanalong kaso. Sa pagkikita natin ngayon ay gusto ko namang ipanalo ang pag-ibig ko sa puso mo,” wika ni Henry.

Di namalayan ni Faye na nangingilid na pala ang luha sa kanyang mga mata. Hindi siya makapaniwala na muling babalik sa buhay niya ang kauna-unahan at kaisa-isang lalaking minahal niya.

“Inakala ko noon na sinunod mo ang mga magulang mo dahil sa kondisyon ko, na dahil isa akong unano kaya hindi ka na nagpakita sa akin. Hindi ko inasahan na mas pinili mong itakwil ka ng sarili mong mga magulang para lang sa akin.

A-aaminin ko, Henry na mahal pa rin kita. Nung panahong iniwan mo ako ay labis kong dinamdam ang ginawa mo, akala ko ay pinaasa mo lang ako dahil sa anyo ko kaya mula noon ay hindi na ako umasa na may magmamahal pa sa isang tulad ko,” hayag ng dalaga.

“Hindi totoo iyan mahal ko, dahil ikaw lang ang nandito sa puso at isip ko. Tatanggapin mo pa ba ako sa buhay mo?” anito.

Hindi na napigilan pa ni Faye ang masaganang luha na bumukal sa kanyang mga mata na agad namang pinahid ng lalaki.

“Hinding-hindi na ako aalis, mahal ko. Pinapangako ko sa iyo na habambuhay na tayong magkasama.”

Nang may biglang tumugtog na sweet music gamit ang biyolin. Napukaw ang atensyon ng mga taong naroroon sa magandang musikang iyon.

Nagulat si Faye nang makita ang lalaking tumutugtog ng biyolin sa harap nila ni Henry. Bigla siyang naguluhan sa nangyayari.

“A-anong ibig sabihin nito, Henry?”

May inilabas ang lalaki na isang maliit na kahon na dinukot nito sa bulsa ng pantalon at binuksan iyon sa harap ng dalaga.

“Matagal kong hinintay ang pagkakataong ito, Faye at sana ay hindi mo ako tanggihan,” pagtatapat ng lalaki.

“H-Henry…”

“Hindi totoo na may nagaganap na reunion dito, Faye. Plinano kong lahat itong pagkikita natin para makapagtapat ng totoo kong nararamdam para sa iyo,” bunyag ni Henry.

Laking gulat ni Faye nang malamang pinagplanuhan pala ng lalaki ang kunwaring reunion. Inimbitahan nito ang mga kaklase at kaibigan nila nung high school para ipaalam sa mga ito na tunay ang pagmamahal nito sa kanya kasabwat pa ang kaibigang si Briana. Hawak ang singsing ay lumuhod sa harap ng dalaga ang lalaki para hingin ang kamay nito.

“Please give me another chance…to be your husband. Will you marry me?”

Napahulgol nang iyak si Faye sa alok ni Henry.

“Huwag ka nang umiyak,” bulong nito habang pinapahid ang kanyang luha.

Nagsigawan naman ang mga kaibigan at mga kaklase nila. “Sasagot na ‘yan! Sasagot na ‘yan!”

Muling ibinaling ni Faye ang tingin kay Henry at sinagot ng buong puso ang tanong nito.

“Yes, yes, yes! I-Love-You!” aniya sabay yakap nang mahigpit kay Henry.

Hindi na napigilan ng dalawa ang kanilang nararamdaman at hinalikan sa labi ang isa’t isa habang masayang nagpapalakpakan at naghihiyawan ang tuwang-tuwa nilang mga kaklase at kaibigan.

Magkaiba man ang panlabas na sukat nilang dalawa ay magkapareho naman ang sukat na nararamdaman nina Faye at Henry sa isa’t isa. Para kay Henry, ang pag-ibig ay walang pinipiling anyo. Ang pinipili nito ay ang tamang taong paglalaanan nito at ang pinipili ni Henry ay ang forever na kasama ang pinakamamahal niyang si Faye.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement