Nilooban ng Magnanakaw ang Bahay ng Isang Lalaki; Hindi Niya Lubos Akalain ang Iginanti Nito sa Kaniya Matapos Siyang Mahuli
Ang paglaki sa hirap, kakulangan sa tamang gabay at pagmamahal ng magulang ang nagtulak kay Bret na pasukin ang maduming mundo ng mga kriminal. Bata pa lamang ay napabarkada na siya sa masasamang impluwensya na naging dahilan upang maligaw siya ng landas.
“Oh Bret yosi,” alok ni Ivan.
“Salamat tol, san raket natin mamaya?” tanong niya.
“May papasukin tayong malaking bahay mamaya tol, tiba tiba tayo don kase balita ko nakaalis na ang may-ari at walang maiiwan doon hanggang Sabado.”
“Tamang tama yan tol, para may pera na naman tayo sa bertdey ko.”
Kagaya ng kanilang nakagawian ay nagkita sila alas otso ng gabi sa isang bakanteng lote at pinaghandaan ang panloloob na gagawin. Sabay silang naglakad patungo sa malaking bahay at umikot sa likuran upang doon akyatin ang mataas na bakod.
“Doon ka sa kwarto sa kaliwa, ako sa kanan,” bulong ni Ivan.
“Sige, tingnan mong mabuti kung may tao ah,” bilin ni Bret.
Sinuyod ng dalawa ang buong kabahayan, sa silid na pinasok ni Bret ay nakakuha siya ng mga mamahaling alahas, dalawang laptop at mga gadgets. Tila nanalo naman sa lotto si Ivan sa silid na kaniyang sinuyod dahil nakatagpo siya ng isang maliit na bag na puno ng pera.
“Psst! Bret tara na! Panalo na ‘tong dala ko tama na ‘yan,” pagaaya niya.
“Sige, tara. Marami na din ‘tong nakuha ko,” pabulong na sagot ni Bret.
Dali-dali silang lumabas at inakyat muli ang bakod sa likuran saka humarabas ng takbo sakay ng motorsiklo na itinago sa isang damuhan.
“Woooooh! Mayaman na naman ako!” sigaw ni Bret habang nakaangkas.
“Gag* wag kang maingay!”
Pagkadating sa kanilang hide out ay inilatag ng dalawa ang mga nanakaw sa bahay. Nanlaki ang mata ni Bret nang makita ang makapal na perang inilabas ni Ivan sa lamesa.
“Tol, ang dami niyan ah, mga magkano kaya ‘yan?”
“Bilangin natin para magkaalaman na, kontakin mo bukas yung tagabili natin ng mga alahas para mapresyuhan na din ‘yang mga nakuha mo ‘tol.
Kulang kulang isang daang libo ang nakuha ng dalawa sa kanilang pagnanakaw. Dagdag pa rito ang halaga ng mga alahas at gadgets na nakuha nila. Pinaghatian nila ang pera at sa sumunod na araw ay ginamit ni Bret ang iba rito upang ipagdiwang ang kaniyang kaarawan kasama ang iba pa nilang barkada.
“Mukang nakaraket ka na naman Bret ah, bumabaha ng alak,” wika ng isa.
“Diskarte lang tol, kumain lang kayo diyan at uminom! Ako’ng bahala.”
Wala pang isang buwan ay naubos na ni Bret ang kaniyang pera. Kung saan-saan lamang niya kasi ito ginagastos at hindi niya nagagamit ng tama. Dahil wala nang maipang-tustos sa kaniyang bisyo ay naisipan niyang looban muli ang naturang bahay. Ilang araw niya itong minanmanan upang makakuha ng tyempo. Hindi na niya niyaya si Ivan upang masolo ang makukuhang salapi.
Isang gabi ay isinakatuparan niya ang kaniyang plano, tuwing Sabado ng gabi ay umaalis ang mag-asawa kaya’t nang makitang nakaalis na sila ay inakyat niya ang bakod. Tuloy tuloy niyang pinasok ang bahay at sinuyod ang kwarto na pinasok noon ni Ivan. Bawat sulok ay hinalughog niya gamit ang isang maliit na flashlight. Laking gulat niya nang pumasok ang isang malaking lalaki.
“Wala kang kawala sa’kin ngayon!” wika nito.
Hindi naman natakot si Bret at inilabas ang balisong na nasa kaniyang tagiliran.
“Padaanin mo ko kundi paglalamayan ka bukas!” pananakot niya.
Maliksing kumilos ang lalaki at sinunggaban siya, sinubukan ni Bret na manlaban ngunit masyadong mabilis ang mga pangyayari at hindi na niya nagawa pang makalaban. Kaliwa’t kanang suntok at tadyak ang nakuha niya mula rito. Nang siya ay mabugbog ay dinala na siya ng lalaki sa presinto.
“Bakit mo ginawa ‘yon? Ikaw din ba ang unang nanloob sa bahay nila noong nakaraan?” tanong ng pulis.
“Kailangan ko lang po ng pera, opo ako din po iyon,” pag-amin niya.
Kinausap siya ng masinsinan ng may-ari ng bahay, napagalaman niyang isa itong retiradong opisyal ng army kaya’t napakagaling nitong makipaglaban.
“Iho, bata ka pa, nanghihinayang ako sa iyo. Nakita ko ang potensiyal mo kanina, sayang kung gagamitin mo lang iyan sa masamang gawain,” ayon sa lalaki.
“Boss, patawarin niyo ako, wag niyo po akong ipakulong, magbabagong buhay na po ako,” pakiusap niya.
Ngunit itinuloy ng mag-asawa ang pagpapakulong sa kaniya upang maturuan siya ng leksiyon. Makalipas ang dalawang araw ay muling bumalik ang lalaki upang kausapin siya.
“Paano mo pinaplano na magbagong buhay?” bungad nito.
“Hindi ko po alam, high school lang ang tinapos ko,” paliwanag niya.
“Iuurong ko ang kaso sa’yo kahit napakalaki ng perang ninakaw mo sa’kin, pero sa isang kondisyon, papasok ka sa army, marami akong kakilala doon na maaring makatulong sa iyo. Bibigyan kita ng pagkakataon na itama ang buhay mo. Nagkakaintindihan ba tayo?”
Di lubos makapaniwala si Bret sa kaniyang narinig. Ni minsan ay walang sinuman ang nagpakita sa kaniya ng ganoong klaseng pagpapahalaga, naiyak na lamang siya sa harap ng lalaki bago tanggapin ang inaalok nito.
“Opo, opo maraming salamat po,” sagot niya.
Pumasok na nga si Bret sa kampo upang simulan ang kaniyang training. Doon ay nagbago ang takbo ng kaniyang buhay, nagkaroon na siya ng direksyon sa buhay at natutong mangarap. Laking pasasalamat niya sa lalaking nagsukli sa kaniya ng kabutihan sa kabila ng kasamaang ginawa niya rito.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.