Palaging Pinapasalubungan ng Bulok na Prutas ng Lalaki ang Nagtaksil na Misis, Ikinagulat Niya ang Ginawa Nito sa Dala Niya
Eksatong alas dose ng gabi nang dumating si Dennis sa kanilang bahay. Ipinagtaka niya kung bakit bukas ang ilaw sa sala, samantalang hindi naman nagbubukas ng ilaw ang kanyang asawa sa gabi.
Dahan-dahan siyang umakyat sa kuwarto. Sosorpresahin niya sana ang misis na si Grace dahil iyon ang araw ng kanilang anibersaryo bilang mag-asawa. Subalit pagbukas niya sa pinto ng kuwarto ay siya pala ang masosorpresa. Kitang-kita niya na may ibang katalik na lalaki ang kanyang asawa.
“Mga hayop kayo!” Kailan niyo pa ako niloloko?!” pasigaw na sabi ng lalaki.
Agad na huminto ang dalawa sa ginagawa at nagmadaling bumangon sa kama.
“D-Dennis, magpapaliwanag ako!” wika ni Grace habang mabilis na tinakpan ng kumot ang hubad na katawan.
“Ang kapal ng mga mukha niyo, dito niyo pa talaga ginawa sa kuwarto ang kababuyan niyo, ha!”
Sa sobrang galit ay sinuntok niya sa mukha ang lalaki. Hindi naman ito gumanti at sa halip ay patakbong bumaba ng hagdan at lumabas ng bahay.
Halos madurog ang puso ni Dennis sa kataksilan ng asawa. Gusto niyang saktan si Grace pero hindi niya magawa dahil kahit iniputan siya nito sa ulo ay mahal na mahal pa rin niya ang babae.
“Hindi ko sinasadya, Dennis! Natukso lang ako!”
Kahit mahirap ay nagawa niyang pakalmahin ang sarili at agad hinarap ang asawa.
“Ano pa bang kulang, Grace, ano pa ba?” mangiyak-ngiyak na tanong ng lalaki.
“Patawarin mo ako, hindi ko na uulitin, pangako,huhu!” hagulgol ng babae.
Dahil sadyang marupok ang lalaki pagdating sa kanyang asawa ay nagawa pa rin niyang patawarin ito.
“Sana ito na ang huli, Grace, dahil baka kung ano na ang magawa ko sa susunod…” sabi ng lalaki sa nagtitimping boses.
Lumipas ang mga araw na parang walang nangyari. Gaya ng dati ay umaalis si Dennis para pumasok sa trabaho at naiiwan si Grace sa bahay, ngunit iba na kapag umuuwi ito sa gabi.
“O, lasing ka na naman? Gabi-gabi ka na lang yata umiinom, a!” wika ng babae sa mister.
“Oo, hik! gusto kho palagi akhong lashing kapag umuuwi ditho para makhatulog agad ako, ayoko kasing nakikita ka, e! Naaalala ko lang ang katakshilan mo, hik!”
Tila napipi si Grace sa sinabi ni Dennis. Kahit nakainom ito ay paulut-ulit pa rin nitong pinaaalala ang nagawa niyang kasalanan.
Minsan ay dumating ito galing sa trabaho na nakainom. Inalok niyang kumain ang mister ngunit bigla siya nitong sinampal ng walang dahilan at isinaboy pa sa kanyang mukha ang sabaw na nasa mangkok. Buti na lamang at hindi iyon mainit kundi ay nalapnos na ang kanyang balat.
“Dennis, parang awa mo na, huwag mo naman ‘tong gawin sa akin, huhu!” aniya.
“Dapat lang iyan sa mga kaghaya mhong takshil, hik!” lasing na sabi ng lalaki.
Kung dati ay umuuwi si Dennis na may paglalambing sa kanya at kung ano-ano pang pasalubong ang dinadala, ngayon ay halos gabi-gabi na siya nitong sinasaktan at pinagsasalitaan ng masasakit.
“Bhakit ba kashi pinagsisikshikan mo ang sharili mo dito, ha? Mahilig ka naman sa lalake at kung kani-kanino pumapathol, hik!”
“Alam mong hindi iyan totoo, Dennis, mahal kita. Minsan lang akong nagkamali sa iyo, pero bakit paulit-ulit mo pa ring pinamumukha sa akin ang nagawa ko? Pinagsisihan ko na iyon, huhu!”
Mayamaya ang nakatulog na ang lalaki. Kahit sinasaktan siya nito ay hindi niya magawang iwan ang asawa. Mahal niya si Dennis at kahit pa araw-araw siya nitong saktan ay mananatili siyang nasa tabi nito.
Alas diyes ng gabi nang umuwing lasing na lasing si Dennis. Hindi na ito halos makalakad sa sobrang daming ininom na alak. May iniabot itong supot kay Grace
“Hoy! pasalubong ko sa iyo!” wika ng lalaki.
Nagtaka si Grace kung bakit siya naalalang bigyan ng pasalubong ng mister.
Nang tignan niya ang loob ng supot ay nagulat siya sa laman niyon.
“B-bulok na mansanas?” aniya.
“Siyempre bulhok iyan, anong tawag mo sa sharili mo, di ba bulhok ka naman? hik!”
Sa sinabing iyon ng asawa ay nagsimula na namang pumatak ang kanyang mga luha. Hindi niya akalaing ganoon na ang tingin sa kanya nito, isang bulok na prutas.
Isang gabi ay umuwi na naman si Dennis na may dalang bulok na prutas at ibinigay sa kanya.
“O, para sha mga tulad mhong bulhok!” anito sa lasing na tono.
“Salamat!” sabi ni Grace at kinain ang bulok na prutas sa harap ng asawa.
Kahit nasa impluwensiya ng alak ay tila natauhan ang lalaki sa ginawa ng babae.
“B-bhakit mo kinain?” tanong nito.
“Nasanay akong tumanggap ng magagandang bagay sa iyo, Dennis, kaya ko ring tanggapin ang mga hindi magandang bagay na ibibigay mo sa akin, kahit bulok,”
Napagisip-isip ni Dennis na sobra na ang ginagawa niyang pagpapahirap sa asawa. Kung hindi pa nito kinain ang dala niyang bulok na prutas ay hindi siya matatauhan.
Nang sumunod na araw ay maagang umuwi si Denis. Hindi ito nakainom at masayang binati ang misis.
“Hi, hon!” sabay halik sa pisngi ng babae.
“May pasalubong ako sa iyo!”
Agad na tinignan ni Grace ang lamam ng supot. Puno ng oranges at hindi na iyon bulok. Hinog na hinog ang dinala nitong mga prutas para sa kanya.
“Patawarin mo ako, hon! Nagkamali ako sa mga pananakit at pagsasalita ko sa iyo ng hindi tama! Simula ngayon, kakalimutan na natin ang mga masamang pangyayari sa buhay natin at magsimula tayong muli!” wika ni Dennis.
“Matagal na kitang pinatawad, hon! Gaya nung gabing pinatawad mo ako sa nagawa kong…”
“Tama na, tapos na iyon! Ang mahalaga’y maayos na ang lahat. Pinapangako ko na mas magiging mabuti akong asawa sa iyo at sa magiging anak natin!”
“Salamat, Dennis…”
Natutunan ng mag-asawa na tanggapin at kalimutan ang masasakit nilang pinagdaanan at mamuhay ng tahimik at maligaya sa piling ng isa’t isa.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!