Inday TrendingInday Trending
Muling Nagkita ang Mag-Asawang Hiwalay na, Natuklasan ng Gwapong Mister ang Masakit na Lihim ng Dati Niyang Misis

Muling Nagkita ang Mag-Asawang Hiwalay na, Natuklasan ng Gwapong Mister ang Masakit na Lihim ng Dati Niyang Misis

Marahas na bumuntong hininga si Aya. Kinakain ng kaba ang dibdib niya at para namang hinahalukay ang sikmura niya, hindi niya alam kung ano ba ang dapat na maramdaman. Isang taon na rin ang nakalipas mula nang maghiwalay sila ng mister, si Karl.

Akala niya noon ay wala nang mas sasaya pa sa samahan nila, perpekto kumbaga. Pero nasira ang lahat ng iyon sa mismong gabi pa ng kanilang anniversary.

Bago pa man iyon ay nakakahalata na siya sa mister, palagi itong may kausap sa cellphone at tila malalim ang iniisip. Pag naman tinatanong niya ay hahalikan lang siya nito sa noo at iibahin ang usapan.

Mas tumindi ang pagdududa niya nang palagi na itong ginagabi ng uwi. Hanggang sumapit na nga ang anniversary nila.

Alas diyes na ay wala pa ito sa bahay kaya naisip niyang puntahan sa opisina at sorpresahin. Kung marami itong meeting, siya nalang ang sasadya basta mai-celebrate lang nila ng magkasama ang espesyal na araw. Pero bumulaga sa kanya ang mister, kayakap ang isang napakagandang dalaga sa opisina nito.

“I can’t wait to meet your wife,” sabi ng babae. Ang kapal! Talagang kikilalanin pa siya! Balak pa siyang utuin!

“You will meet her soon Jessica,” masuyong sabi ni Karl.

Naibagsak ni Aya ang hawak na cake kaya sabay na napatingin ang dalawa. Gulat ang ekspresyong rumehistro sa mukha ng kanyang mister at akmang pupuntahan siya nito pero nagtatakbo na siya.

Sumakay siya sa kotse na hilam ang mga mata, nasa kahabaan siya ng highway noon at di niya napansin na wala na pala siya sa linya. Dahil doon ay nabangga siya sa isa pang kotse, buti nalang at nakapagpreno ang kasalubong kaya hindi niya ikinamatay.

Pero pagkatapos ng gabing iyon, nagbago na ang lahat.

Umuwi siya ng probinsya kung saan sinundan siya ni Karl pero di niya ito kinakausap. Tulala lang siya at palaging umiiyak.

“Karl, bigyan mo muna ng oras na makahinga ang anak ko. Pag ayos na siya, ako pa mismo ang co-contact sa iyo,” sabi ng nanay niya.

“Huy! Ano ba girl, nagga-gown ka ba dyan?!” Nagising sa pagbabalik-tanaw si Aya nang marinig ang malalakas na katok ng kanyang pinsan.

Pinahid niya ang mga luha, “Oo na, eto na nagpa-plantsa na ng damit!”

Sobrang mapaglaro talaga ng tadhana. Ang tita niya kasi, nais magpagawa ng bahay. Gusto ng ginang na matupad ang dreamhouse nito bago pa man ito, at si Karl ang kinuha nitong architect na tutulong rito upang mag-plano.

Diyos ko, paano naman siya tatanggi sa hiling ng babaeng nagpalaki sa kanya? Wala na naman siyang problema dahil na-contact na raw nito ang lalaki. Ngayon ito bibisita sa kanila at magdi-dinner at heto siya, alas sais palang ng hapon hindi na magkandaugaga sa isusuot.

Nais niyang ipakita kay Karl na ayos na siya kahit wala ito. Na hindi na siya nasasaktan, na maganda siya. Na masaya siya. Kahit ang totoo ay hinahanap-hanap niya ang dating mister.

“Ano ba, pink o blue?” naguguluhang tanong niya, nakaharap siya sa dalawang bestida na sa tingin niya ay parehong maganda. Sampung minuto na ang nakalipas ay naka-bra at panty pa rin siya, hindi makapili.

Napasulyap siya sa mga baryang nasa ibabaw ng tokador, kumuha ng piso. “Okay, pag kara blue ang isusuot ko, pag krus, pink,” sabi niya.

Inihagis niya ang barya pero hindi niya iyon nasalo, sa halip ay gumulong iyon sa balkonahe ng kanyang kwarto. Para siyang batang hinabol iyon sa labas, wala naman sigurong tao pa sa baba, tsaka nasa itaas naman ang balkonahe. Wala namang titingala diba? Alas otso pa raw ang dating ng mga bisita.

Ang haba ng iginulong ng piso kaya tuwang tuwa siya nang mahuli iyon.

“Krus!” masayang sigaw pa niya at nagtatalon. Pero nawala ang kulay sa mukha niya nang marinig ang boses ng kanyang tiya mula sa ibaba.

“Karl, ang aga mo naman! Kanina kapa hijo?”

Unti-unti niyang ibinaba ang paningin at nangyari na nga ang kinatatakutan niya. Naroon si Karl, nakatingala sa kanya at tila pinipigil ang mangiti.

Diyos ko, bakit ba siya ubod ng tanga? Sa halip na tumakbo, o magtago sa kurtina, lumuhod siya at gumapang! Nakita naman tuloy ngayon ng lalaki ang bandang pwet niya! Letseng buhay ito.

Hindi malaman ni Karl kung ano ang mararamdaman, isang taon na rin ang nakalipas mula nang huli niyang makita ang misis. Hindi niya akalaing sa ganitong pagkakataon niya pa ito masisilayan. Pero gayunpaman, salamat pa rin sa Diyos.

Iniwasan niyang mapasulyap sa mayamang dibdib nito, sa makinis nitong katawan na minsang naging pag-aari niya. Mali! Kanya pa rin ang lahat ng iyon.

Mas lalo siyang natawa nang gumapang ito papasok sa loob. Kahit na kailan, hindi talaga nabibigo si Aya na pasayahin siya.

Ilang sandali pa ay nagsimula na ang hapunan, pag nga naman trip ka ng buhay, sa tapat pa ni Aya naupo ang dating mister. Titig na titig ito sa kanya habang pulang pula naman ang mukha ng babae.

“How long has it been? a year, Karl?” tanong ng tita niya.

“Yes Mamita, it’s been a year. Pero maganda ka pa rin,” bola rito ng binata.

“Ikaw talaga, kaya ikaw ang paborito kong pamangkin-in-law eh, ay tama ba?” biro ng kanyang tiyahin na sinundan pa ng hagikgik.

Si Aya naman ay halos natadtad na ang karneng kinakain. Hiwa siya nang hiwa rito sa sobrang tense niya. Narinig niyang tumunog ang wind chime ng pintuan.

“Sorry I’m late guys,” doon siya napatingala sa pamilyar na boses ng babae.

Halos pumutok ang ugat sa utak niya nang makita ito, si Jessica!

“H-Hi Aya, ako si Jessica,” sabi nito na nakalahad ang kamay sa kanya.

Tinitigan niya lang ang babae, paano niya naman makakalimutan? Ito ang dahilan ng lahat. Ito ang dahilan ng paghihiwalay nila. Pero nanlaki ang mata niya nang ipagpatuloy nito ang pagsasalita.

“Architect rin ako. Ihe-help ko si Karl na buuin ang bahay ng tita mo..I am Karl’s sister,”

Kitang-kita ni Karl kung paano tinakasan ng kulay ang mukha ng misis. Sa wakas, nalaman rin nito ang totoo. Sa wakas, pakikinggan na rin siya nito. Na hindi niya ito niloko, na kahit kailan ay ito lang ang minahal niya.

Pero sa halip na ngumiti ay lungkot ang bumalatay sa mukha ni Aya, tuloy-tuloy na dumaloy ang luha nito at tumayo.

“Excuse us,” sabi ni Karl. Sinundan niya ang misis. This time, hindi na siya pwedeng takbuhan nito.

Isasara pa lang ni Aya ang pinto ng kwarto nito nang iharang ni Karl ang braso niya.

“What is it this time Aya? Ngayon alam mo na ang totoo, sana naman pakinggan mo ako,” pagsusumamo niya.

Halos matumba kaiiyak ang babae, kaya lalo siyang naguluhan.”A-ano ba ang nangyayari?”

“Kasalanan ko! Kasalanan ko lahat, hindi ako nagtiwala sayo! Kasalanan ko kung bakit siya nawala!” sabi ni Aya. Naglakad siya papalapit sa isang vase na nakatabi sa gilid ng kanyang kwarto, yakap yakap niya iyong ipinakita kay Karl.

“A-anong ibig sabihin nito-” sabi ng binata pero hindi na nanlaki na ang mata nang ma-realize ang ipinakikita niya.

“B-Buntis ako noon Karl, iyon ang anniversary surprise ko dapat sa’yo. Pero dahil sa paghihinala ko, dahil sa kawalan ko ng tiwala at pagpapadalus-dalos ko, nawala ang baby natin sa aksidente,” nanghihinang sabi ni Aya.

Napaluhod si Karl at hindi na rin napigilang umiyak. Nang mahimasmasan ay niyakap ng lalaki ang umiiyak pa ring misis.

“Pareho tayong may kasalanan. Kung sinabi ko sana nang maaga-aga sayo ang tungkol kay Jessica, hindi na sana umabot sa ganoon. Anak siya sa labas ni Papa, kaya lang dahil hindi pa ako sigurado ay nagpa-DNA muna. Gusto sana kitang i-surprise dahil nga matutuwa kang magka-hipag..kasi only child tayo pareho diba?

H-hindi ko akalain na mangyayari ang lahat ng iyon. Pero siguro, pahiram lang sa atin ang anghel. Ito ay pagsubok lang, magsimula tayo ulit Aya. Tayong dalawa lang, kapit kamay na..”

Umiiyak na tumango si Aya at hinalikan ang lalaki.

Mula noon ay nagsama na silang muli, mas matibay na ang samahan dahil hindi lang pag ibig ang kanilang pundasyon kundi respeto, tiwala, at pagkakaibigan.

Di nagtagal ay muli silang biniyayaan ng anghel, kambal pa!

Advertisement