Inday TrendingInday Trending
Ang Inakalang Tagumpay ng Isang Kabit

Ang Inakalang Tagumpay ng Isang Kabit

Isang buwan pa lamang si Iya at ang kinakasama niyang si Arman. Inakit niya lamang ang lalaki, may isa na itong anak na dalawang taong gulang at ang misis nito ay wala namang kalaban-laban sa kanya. Napaka-manang ng babaeng iyon, boring siguro sa kama kaya sinukuan ng boyfriend niya.

Pakiramdam ni Iya ay jackpot siya dahil mayaman si Arman, itinira nga siya nito sa isang condo. Pero syempre, hindi pa siya kuntento. Ang gusto niyang mapasakanya ay iyong malaking bahay nito. Napupurnada lang ang mga plano niya dahil nakatira pa roon ang misis nitong si Melanie.

“Ang bwisit na babae, siguro nagpapaawa pa. Akala niya naman uubra pa siya kay papa Arman. Syempre sis ako na ang queen ngayon no,” maarteng sabi niya sa kaibigang kausap sa telepono habang humihithit ng sigarilyo.

“Eh ano’ng plano mo? Hindi yan aalis dyan maski na anong sabihin mo. Tsaka,legal wife yan te. Kahit magtatalak ka, siya ang may karapatan.”

“Ay ewan ko sayo! Letse, nakakabadtrip lang na kausap ka. Imbes na makatulong eh, dyan ka na nga.” inis na sabi niya.

“Huy teka ang ibig ko lang namang-” hindi na nakatapos sa pagsasalita ang kaibigan niya dahil binabaan niya na ito ng telepono.

Naiinis man ay napangiti na rin siya ng kaunti, isa lang kasi ang sagot sa problema niya. Aagawin niya ang nag-iisang bagay na nagkokonekta sa mag-asawa, ang anak ng mga ito!

Pag nakuha niya ang loob ng bata, tiyak niyang lalong mahuhulog sa kanya si Arman. Idi-divorce na nito ang misis at siya na ang pakakasalan. O diba? bongga! Ang galing talaga niyang mag-isip.

“Honey, pwede ba nating mahiram rito si Jade?” lambing niya sa lalaki. Sumandal pa siya sa balikat nito.

Gulat naman itong napalingon sa kanya, “Talaga?”

“Oo naman! Tayong dalawa ang magpapalaki sa kanya rito, tutal naman ay second mommy niya na rin ako diba?” sabi niya pa.

Saglit na nag-isip ang lalaki. Dahil nami-miss na rin nito ang anak ay hiniram muna nito ang bata sa misis.

Kahit asar na asar si Iya ay inalagaan niya ang bata, kaya lang pag wala si Arman ay nakukurot niya ito. Hindi niya rin sinasagot ang tawag ni Melanie at itinatago sa babae ang anak nito.

Unti-unti niyang ini-ichapwera ang babae, konti nalang ay mawawala na ito sa eksena.

Isang gabi, habang naghahapunan ang dalawa ng inorder nila sa fast food ay naisipang maglambing ni Iya. Siguro naman, kahit papaano ay nakuha niya na ang loob ng lalaki sa pamamagitan ng pag-aalaga sa lintik na anak nito.

“Honey, kailan tayo magpapakasal?”

“H-ha?”

“Kasal, i-divorce mo na si Melanie. Tutal wala na rin naman kayo diba, hayaan mo na rin siyang lumigaya sakaling mahanap niya ang lalaking para sa kanya. At ikaw naman, dito na sa akin. Tayo na ang bagong magulang ni Baby Jade,” plastik na sabi niya. Ayaw niyang masyadong magtunog na desperadang mapakasalan nito kaya kunwari nalang, iniisip niya ang kapakanan ni Melanie.

Hindi naman umimik ang lalaki at tumayo.

Yes! Tiyak niyang aasikasuhin na nito ang annulment.

Ang ganda ng gising niya kinabukasan, nag-selfie pa siya at nagpost sa Facebook.

“Soon-to-be bride” sabi niya, syempre ay binati siya ng mga kaibigan. Abala siya sa pag-iimbento ng detalye tungkol sa kasal nang makatanggap ng tawag mula kay Arman.

“Iya, usap tayo mamaya.”

“Okay darling, saan ba?” malanding sabi niya. Uy eto na, magpo-propose na.

“Dyan nalang sa condo.”

“Sige, magluluto ako ng-” hindi na natapos ng babae ang sasabihin niya, nagmamadaling ibinaba na ni Arman ang tawag.

Hay, ang honey niya. Aligaga siguro sa pagpapapirma ng annulment papers sa walang kwentang si Melanie. Siguro di rin ito magkandatuto sa pagpili ng singsing niya.

Talagang nagpagandang mabuti si Iya, ikinulong niya lang sa kwarto ang bata at iniwan ito ng dede. Bahala itong mag-iiyak, basta maganda siya.

Inasikaso niya nalang si Jade nang pauwi na si Arman.

Pulang pula ang suot niya, mapa-lipstick hanggang panty. Buti nalang ay tulog na ang istorbong anak ni Arman kaya maso-solo niya ang nobyo.

“Iya, I have to tell you something.” seryosong sabi nito.

“Y-yes?” di makahintay na sabi niya.

Lumuhod ang lalaki. Eto na!

“Oh my gosh babe..” bulong niya, hinihintay niyang ilabas nito ang singsing pero wala.

“I’m sorry. Patawarin mo ako na dinamay pa kita. Naligaw ako ng landas Iya, maling mali itong ginagawa natin. Nang banggitin mo kagabi ang tungkol sa kasal, doon nawindang ang mundo ko. Hindi ko nakikita ang sarili ko na kasal sa iba, na tumatanda kasama ang iba, bukod kay Melanie.

H-hindi rin kinaya ng puso ko ang sinabi mo na palayain siya para kung makakahanap man siya ng ibang lalaki ay malaya siyang magpakasal. Hindi ko pala kaya. Diyos ko Iya, alam kong kasalanan ko na pinaasa kita.

Pero patawarin mo ako, mahal na mahal ko pa rin pala ang misis ko..” lumuluhang sabi nito.

Hindi makapaniwala si Iya, sobra ang pagkapahiya niya at asar kaya patakbo nalang siyang umalis habang luhaan.

Binitbit naman ni Arman ang anak, napansin niyang may mga kurot ang bata. Iyak siya nang iyak dahil sobrang laki ng pagkakamali niya.

Kinaumagahan ay nakaluhod siyang lumapit sa misis niya. Kung kinakailangang lumuhod siya araw araw ay gagawin niya mapatawad lang siya nito.

Sadyang mabuti ang puso ni Melanie, walang pag iimbot na niyakap siya ng babae. Nagsimula silang muli, lalo niyang minahal ang misis at habangbuhay siyang bumawi rito.

Advertisement