Inday TrendingInday Trending
Mga Kumakalat na Tsismis Tungkol Kay Fe

Mga Kumakalat na Tsismis Tungkol Kay Fe

“Fe, gusto mo ba sumama sa amin? Kakain lang sa labas,” aya ng isang katrabaho ni Fe sa kaniya. “Naku, pasensiya ka na at kailangan kong umuwi agad, eh. Sa susunod na lang,” sagot ni Fe.

“Ganiyan din sinabi mo noong nakaraan. Hanggang ngayon hindi ka pa rin nakakasama,” sagot ng katrabaho nito.

“Hindi ba single ka? Daig mo pa kaming mga may anak sa aga mong umuwi,” dagdag ng isa pang katrabaho ng babae.

Ngumiti na lang si Fe bilang sagot sa pagbibiro ng kaniyang kaibigan. Ilang beses na kasi siyang hindi sumasama sa kanila sa tuwing may lakad ang mga ito pagkatapos ng trabaho sa opisina. Madalas ay binibiro siya ng mga ito na parang may asawa at anak dahil lagi itong nagmamadaling umuwi.

Ngunit walang kaalam-alam si Fe na nagiging tampulan na siya ng tsismis.

“Hoy! Alam mo ba si Fe hindi na naman sumama sa lakad namin kahapon,” bulong ng babae sa mga katrabaho habang nagkakape sila.

“Sa tingin ko talaga hindi siya single. Pakiramdam ko may anak na siya at nahihiya lang siyang aminin kasi siguro walang ama,” saad ng isa pang katrabaho.

“Ay, oo nga! Lagi siyang maaga umuuwi. Panigurado may nag-aantay sa kaniyang bata kayo ganoon,” pagsusulsol pa ng isang katrabaho.

Nagpatuloy ang pagtsitsismisan ng mga ito hanggang sa nakagawa na sila ng iba’t ibang kwento. Saksi sa mga tsismisan na ito ang malapit na kaibigan ni Fe na si Melda.

Nais umiwas sa gulo ni Melda kaya madalas ay mas pinipili nito na huwag pansinin ang mga tsismis lalo na at wala namang katotohanan ang mga ito. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na niya kayang palagpasin ang pagkakalat ng tsismis ng kaniyang mga katrabaho dahil ang tunay na dahilan kung bakit agad umuuwi si Fe sa kanila ay dahil sa mga magulang nito.

Nag-iisang anak si Fe ng kaniyang mga magulang. Lumaki ang babae sa isang masagana at masayang pamilya. Hindi sukat akalain ng pamilya ni Fe na susubukin ng panahon ang tatag at tibay nila bilang isang pamilya.

Nasa kolehiyo noon si Fe nang magkaroon ng malubhang sakit ang kaniyang ina. Dahil sa pagtaas ng presyon nito ay naparalisa ang kalahati ng katawan nito na nagdulot ng pagkabaldado nito.

Nung mga panahong ‘yon ay ang tatay lang ni Fe ang nagtatrabaho para sa kanilang pamilya. Si Fe naman ay nag-aaral at siya ang nakatokang mag-alaga sa kaniyang nanay. Bagama’t may kaya sila sa buhay hindi na kumuha pa ng kasambahay ang pamilya dahil makakadagdag lamang ito sa kanilang gastusin.

Lumipas ang ilang taon nagpatuloy ang mga-ama sa pagsisikap na maitaguyod ang kanilang pamilya at maalagaan ang kaniyang ina.

Hanggang sa nakatapos na si Fe sa pag-aaral at nakakuha na ng trabaho sa isang magandang kompaniya. Nais na sana niyang pahintuin ang ama sa pagtatrabaho ngunit hindi sukat akalain ng kaniyang pamilya na may pagsubok na naman na ibibigay sa kanila.

Foreman ang ama ni Fe sa isang construction company at sa kasamaang palad ay naaksidente ang kaniyang ama noong nakaraang taon. Nabagsakan ng semento ang kaniyang ama at napuruhan ang binti nito. Dahil dito ay kinailangang ipaputol ang binti ng ama at kinailangan na rin nitong tumigil sa pagtatrabaho.

Mula noon ay kinailangan na ni Fe na magsikap lalo dahil parehas niyang inaalagaan ang kaniyang mga magulang. Kaya kahit napapagod ay tinitibayan ni Fe ang kaniyang loob dahil sa kaniya na lang sumasandal ang kaniyang mga magulang. Kahit na ganoon ang nangyari kailanman ay hindi ipinararamdam ni Fe sa kanila na siya ay nahihirapan.

Umuuwi agad si Fe pagkatapos ng oras ng trabaho dahil alam niyang hinihintay siya ng kaniyang ama at ina sa kanilang tahanan. Bago naman ito pumasok sa trabaho ay naghahanda na ito ng pagkain nila. Iniiwan niya ito sa lamesa para madali itong makuha ng kaniyang ama na naka-wheelchair. Ang ama naman niya ang nagpapakain sa kaniyang ina na nakahiga sa kanilang sala. Hindi na kasi ito nakakatayo buhat ng magkaroon ito ng sakit.

Kaya ganoon na lang bigla ang pag-init ng ulo ni Melda nang marinig ang mga katrabaho na pinagtsitsismisan ang kaniyang kaibigan. Nilapitan niya ang tatlong babae at kinausap.

“Hoy! Ikaw! Anong tsismis ‘yang pinapakalat mo tungkol sa kaibigan ko?” wika ni Melda na may pagkainis. “Wala. Bakit? Posible naman na kaya maagang umuuwi lagi si Fe ay dahil may nililihim siya. Na baka may anak talaga siya at nililihim niya lang ito para magmukha siyang single,” mataray na sagot ng isang babae.

Napangiti naman ang dalawa pa nitong kasama.

“Napakagaling niyong gumawa ng tsismis at kwento kahit hindi niyo alam ang tunay na nangyayari sa buhay niya. Ganiyan na ba talaga ang mga tao ngayon? Mapanira at mapanghusga?” matapang na sagot ni Melda.

“Bakit, Melda? Ano ba ang alam mo, ha? Eh, ‘di itsismis mo din!” sagot ng isang babae.

Hindi na nakapagpigil si Melda at tuluyan na niyang inilahad ang dahilan ni Fe kung bakit ganun ito kumilos. Kahit na ayaw ipamalita ni Fe sa ibang tao ang kaniyang sitwasyon dahil baka puro na lang awa ang kaniyang matanggap sinabi na ito ni Melda dahil hindi na niya kaya pa ang panghuhusga na ginagawa ng mga ito sa kaniyang kaibigan.

“Hindi ko ‘to sasabihin para itsismis sa inyo. Sasabihin ko ‘to kasi ito ‘yong totoo. Masyado niyong hinuhusgahan si Fe. Hindi niyo alam ‘yong hirap na dinaranas niya,” sigaw at galit na sabi ni Melda.

Natahimik naman ang mga babae na kausap niya.

“Hinihintay siya lagi ng kaniyang mga magulang. Umuuwi siya agad para sa nanay niya na may sakit at sa tatay niyang hindi na makalakad dahil sa isang aksidente,” pagpapatuloy ni Melda.

“Araw-araw ay pinipili ni Fe na makasama at maalagaan niya ang kaniyang mga magulang. Walang kahit anong lakad ang mas matimbang kaysa sa oras niya para sa pamilya niya,” dagdag pa ni Melda.

“Kung tutuusin ay napakabuti ng puso ni Fe kaya hindi niyo siya dapat hinuhusgahan. Mali ang ginagawa niyong pagkakalat ng tsismis laban sa kaniya,” ani Melda na noon ay napapaiyak na.

Matapos magkwento ni Melda ay agad na itong umalis at bumalik sa pagtatrabaho. Naiwan naman ang mga babaeng nakatulala at ‘di makapaniwala sa nalaman. Nakaramdam ang mga ito ng pagkahiya dahil hinusgahan nila at ginawan ng kwento si Fe kahit na hindi naman ito totoo. Dahil dito ay napagdesisyunan nilang humingi ng paumanhin kay Fe.

“Fe,” wika ng isang babae sabay kalabit kay Fe.

“Uy, bakit?” tanong ni Fe. “Gusto lang sana naming humingi ng tawad. Hinusgahan ka kasi namin agad at ginawan ng kung anu-anong kwento na walang katotohanan,” nahihiyang sabi ng katrabaho ni Fe. At sunod-sunod naman na humingi ng paumanhin ang iba pang mga kasama nito.

“Ganun ba. Wala ‘yon hayaan niyo na. Hindi naman ako galit sa inyo. Magsilbing aral na lang din sana ito sa ating lahat na huwag basta-basta manghuhusga ng kapwa,” nakangiting sagot ni Fe bago nagpaalam dahil kailangan na niyang makauwi agad.

Hindi nagpaapekto si Fe sa mga kwento at tsismis na ibinabato sa kaniya ng mga tao dahil ang tanging mahalaga lang sa kaniya ay ang patuloy na mahalin at maalagaan ang kaniyang mga magulang hanggang sa nabubuhay pa ang mga ito.

Advertisement