“Anong gusto mo maging paglaki mo?” tanong ni Rosario sa anak na si James.
“Maging isang pintor po, mommy!” tugon naman ng kanyang anak. Malinaw pa sa alaala ni James ang tagpong ito noong ika limang kaarawan niya ng tanungin siya ng kanyang ina tungkol sa kanyang mga pangarap.
Kaharap ang kanyang ama ay sinagot niyang gusto niyang maging isang pintor. Noon pa man ay kinakitaan na siya ng husay at talento sa pagguhit. Kaya naman hindi nagbago ang pangrap ni James simula ng bata siya. Gusto niyang maging isang sikat at magaling na pintor.
Ngunit labag ito sa kagustuhan ng kanyang amang si Atty. Romeo. Gusto niya na maging abogado rin ang kanyang anak tulad niya. Si James kasi ang magmamana ng kanilang kumpanya pag nagkataon.
Dahil bata pa, ang akala ng kanyang ama ay magbabago pa ang pangarap ni James. Kaya isang matinding alitan ang nangayari sa pagitan nilang mag-ama nang pilitin siya nito na kumuha ng kursong abugasya.
“Ikaw ang magtutuloy ng pangangasiwa ng kumpanya natin, anak. Kaya marapat na ikaw ay maging isang abogado rin. Wala kang mapapala sa pagguhit-guhit na iyan. Maaari mo naman iyang gawing libangan ngunit hindi isang propesyon. Sa tingin mo ba ay makakabuhay ng pamilya ang pagpipinta, ni sarili mo nga ay hindi mo mabubuhay riyan!” wika ni Atty. Romeo.
Nasaktan masyado si James sa sinabi ng ama. Hindi kasi niya inaasahang sa sariling magulang pa mismo niya maririnig na walang kwenta ang kanyang mga pangarap.
“Hindi ba pwedeng suportahan ninyo na lamang ako sa daan na aking gustong tahakin? Kayo pa mismong ama ko ang nagbababa sa akin,” sambit naman ni James sa ama.
“Hindi ko mapapahintulutan na kumuha ka ng fine arts, tapos na ang pag-uusap na ito! Kung hindi mo masusunod ang gusto ko ay huwag ka nang mag-aral ng kolehiyo! Kahihiyan ka sa pamilyang ito!” sumbat ng ama.
Sa sobrang sama ng loob ay minabuti na lamang ni James na umalis ng kanilang tahanan. Tutol man ang ina sa kanyang desisyon, subalit mahirap nang pumagitan sa alitan ng dalawa sapagkat buo din ang loob ng kanyang asawa sa gustong ipagawa sa kanilang anak.
Sinikap ni James na makapasok sa isang kolehiyo sa kursong Fine Arts. Pinapadalahan man ng kanyang ina ng panggastos ay hindi ito sasapat sa kanyang mga pangangailangan sa paaralan, kaya nag part time siya bilang isang magguguhit sa isang komiks. Hindi naging madali ang lahat para kay James, ngunit naitawid niya ang kanyang pag-aaral at tuluyan na siyang nakatapos.
Hindi pa rin umuuwi ng kanilang tahanan si James kahit na matagal na panahon na siyang pinipilit ng ina na magbalik sa kanila. Alam niya kasi na galit pa rin sa kanya ang kanyang ama at itinuturing siya nitong isang malaking kahihiyan.
Hindi naglaon, naging isang sikat na pintor nga si James. Ang kanyang mga ipininta ay makikita sa ibat-ibang tanyag na lugar. Kung may exhibit man siya ay palaging may mga mayayaman na handang bilhin ang kanyang mga obra. Unti-unti na ngang natutupad ni James ang kanyang mga pangarap.
Isang araw ay nakatanggap siya ng isang paanyaya mula sa kaniyang ina na umuwi saglit sa kanilang tahanan. Dali-dali niyang tinanggap ito sapagkat bukod sa nangungulila siya sa kanyang ina, maaring magandang pagkakataon na ito upang ipamukha sa kanyang ama ang lahat ng tagumpay na kanyang tinatamasa.
Nais niyang ipakita rito na mali ang lahat ng kanyang sinabi tungkol sa pangarap niyang maging isang pintor.
Nang makarating sa tahanan ng mga magulang ay dali-dali niyang pinuntahan ang kanyang ina upang yakapin. Matagal na panahon na kasi mula nang huli niya itong mayakap. Kita na rin sa itsura ang katandaan ng ina.
“Kay tagal kong inasam na dumating ang araw na ito, anak!” wika ni Ginang Rosario. “Kaya kita pinauwi rito ay dahil sa iyong, daddy,” wika ng kanyang ina.
“Mahina na ang iyong ama. Matagal na siyang nakaratay at sa tingin ng mga doktor ay hindi na magtatagal ang kanyang buhay,” umiiyak na pagtatapat ni Ginang Rosario. Hindi alam ni James ang kanyang mararamdaman, dahil puno ng sama ng loob ang kanyang puso para sa kanyang ama.
“Ngunit bago mo siya puntahan ay may nais muna akong ipakita sa iyo,” sambit ng kanyang ina. Dinala ni Ginang Rosario si James sa isang kwarto ng kanilang tahanan at doon tumambad sa kanya ang ilang piraso ng larawan na kanyang nilikha. Nang makarating sa isang silid at binuksan ito ng ina ay lalong nagulat ang binata. Tumambad sa kanya ang halos lahat ng obra na kanyang ipininta.
“Binili lahat ng ama mo ang mga larawan na iyan. Hindi mo lamang alam anak kung gaano siya nagsisisi sa mga nasabi niya sa iyo noon at kung gaano siya humahanga sa iyong mga gawa,” pahlalahad ng ina. “Sinubaybayan niya ang bawat pag-unlad mo. Nais niyang ipaalam sa iyo na lubusan ang paghanga niya sa tibay ng iyong loob na tuparin ang iyong mga pangarap. Ipinagmamalaki ka niya, anak!” saad ng kanyang ina.
Halos hindi makapagsalita si James sa kaniyang narinig. Buong akala niya ay walang pakialam sa kanya ang kanyang ama. Lingid sa kanyang kaalaman pala ay binibili nito ang halos lahat ng kaniyang mga obra.
Tumakbo si James patungo sa kwarto ng nakaratay na ama. Nang maaninagan siya ni Atty. Romeo ay hindi napigilan nito ang kanyang mga luha.
“Muli kang nagbalik, anak,” nahihirapan man sa pagsasalit ay lubusan ang kanyang kaligayahan ng makitang muli ang anak. “Patawarin mo ako sa aking mga nasabi sa iyo noon. Matagal ko rin dinala sa aking dibdib at pinagsisihan ang mga nabitawan kong salita sa iyo. anak, patawarin mo ako. Hindi ako nagtiwala noong una sa kakayahan mo!”
“Dad! Patawarin ninyo rin po ako! Patawarin ninyo po ako kung hindi man ako agad bumalik sa piling ninyo ni mommy. Maraming panahon ang lumipas na wala ako sa inyong tabi, dahil sa kagustuhan kong patunayan ang aking sarili. Mali na sinuway ko kayo!” umiiyak na pahayag ng binata.
“Huwag mong ihingi ng paumamhin ang paghabol mo sa iyong mga pangarap. Wala kang dapat pagsisihan. Ipinagmamalaki kita, anak,” sambit naman ng kanyang ama.
Tuluyan na ngang nagkapatawaran ang mag-ama. Napawi ng kanilang mga yakap ang mga taon na hind sila magkakasama. Binigyan pa ng Diyos si Atty. Romeo ng ilang buwan upang makasama ang kaniyang mag-ina hanggang sa binawian na ito ng buhay.
Muli namang bumalik si James sa kanilang tahanan upang samahan ang kanyang ina. Ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang pagpipinta. Sa pagkakataong ito, ang larawan naman ng kanyang ama ang kanyang susunod na obra.