Inday TrendingInday Trending
Ang Dami Kong Kaibigan

Ang Dami Kong Kaibigan

Kilalang-kilala si Riza sa kanilang lugar. Bukod sa sikat siya, dahil sa napakaraming parangal sa eskwelahan ay napakapalakaibigan din ng dalaga na namana niya sa kaniyang pamilya.

“Riza, pwede bang sabihin mo sa mama mo na sa makalawa na ako makakabayad, nagkasakit kasi ang asawa ko kaya nagkasabay-sabay ang mga gastusin namin,” saad ni Aling Dema, kapitbahay ng dalaga.

“Sige po, Aling Dema, ako na po ang bahala magsabi kay mama at tanggapin niyo na rin itong pansit, ang dami kasi ng naluto namin,” sagot naman ni Riza sa babae.

“Hulog talaga kayo ng langit, napakabait niyo. Maraming salamat, Riza,” sagot ng ale saka kinuha ang isang plato ng pansit.

Kilala na nagpapautang ng pera sa maliit na interes ang pamilya ni Riza kaya nga maraming lumalapit sa kanila upang manghiram. Kasama na rin dito ang pagiging mabait din sa kanila ng tao.

“Alam mo, anak, sana kahit wala na tayong pera, maging mabait pa rin ang mga kapitbahay natin sa atin. Alam mo naman ang negosyo, minsan nasa itaas ka minsan naman nasa ibaba.

Kaya lagi mong tatandaan na palagi kang magpakumbaba sa lahat ng tao, may pera ka man o wala. Saka huwag mo ring iiwan ang mga taong nandiyan noong walang-wala pa tayo,”pahayag sa kaniya ni Aling Ysabel, ang nanay ng dalaga.

“Panigurado namang magiging mabait pa rin sila sa atin dahil sa mga utang na loob. Kaya huwag niyo masyadong inaalala ang mga ganyang bagay, alam ko naman na hindi tayo malulugi, mama,” sagot naman ni Riza sa kaniyang ina.

“Mahina na kasi ang bentahan ng mga ginto ngayon kaya humihina na rin ang kita natin tapos ang tatay mo naman ay hihinto na sa trabaho. Nagkakasakit na kasi siya sa ibang bansa at sa tingin ko naman ay panahon na para magpahinga naman ang tatay mo,” wika muli ng ale.

“Nakapag-ipon naman na kami para sa pangkolehiyo mo kaya wala kang dapat alalahanin pa,” dagdag pa nito.

Hindi na sumagot ang dalaga at niyakap na lamang niya ang kaniyang ina. Bata pa lamang si Riza nang mag abroad na ang kaniyang ama, nagtratrabaho ito sa isang pabrika. Samantalang nagbebenta naman ng alahas ang kaniyang nanay. Alam niyang ginagawa ng mga ito ang kanilang makakaya huwag lamang niyang maranasan ang hirap ng buhay.

“Nakakainggit ka talaga, Riza. Halos lahat ng mga kaklase natin ay gusto kang maging kaibigan. Samantalang ako, ikaw lang ang kaibigan ko,” malungkot na wika ni Aimee, matalik na kaibigan ng babae.

“Pasensya ka na, Aimee, ha? Hindi na kita masyadong nasasamahan. Ang hirap kasi hindi na tayo magkaklase, nahahati ang atensyon ko sa mga bago kong kaibigan,” sagot naman ng dalaga.

“Wala iyon, Riza. Basta’t nandito lang ako palagi,” ani ni Aimee.

Hindi masabi ni Riza ang totoo na kaya hindi siya nakakasama kay Aimee dahil pinagtatawanan siya ng mga bagong kaklase. Medyo kuba kasi ang kaibigan niyang iyon at inaasar ng marami na sinumpa ng duwende dahil sa kakaiba nitong itsura.

“Ano ba ‘yan, Riza. Nakakapangilabot ka talaga kapag kinakausap mo iyong si Ulikba. Pumapangit ang imahe mo, kung gusto mo talagang manalo para sa United Nation, simulan mo na ang paglayo sa kaniya,” sabi ni Faith, bagong kaibagan ng dalaga.

“Mabait naman ‘yung si Aimee, pero sige. Kalimutan na natin siya,” sagot naman ni Riza rito.

Sa dami ng kaniyang mga kaibigan, ang pinakagusto niya ngayon ay ang grupo nila Faith, bukod kasi sa mayayaman ang lahat, napakagaganda pa ng mga ito.

Isip-isip niya’y sa mga ganoong klase siya ng grupo nabibilang. Tila kasabay din kasi ng pag-asenso nila Riza ay ang pagbabago rin ng ugali ni Riza.

Hanggang sa isang araw, umuwi siya sa kanilang bahay at naabutan niyang umiiyak ang kaniyang nanay.

“Ma, anong nangyari?” tanong ni Riza.

“Anak, ang tatay mo! Naharang sa embassy, may dala daw siyang pinagbabawal na g*mot kahit na wala naman. Ngayon ay kailangan natin ng malaking pera pang piyansa,” paliwanag ng ginang.

Hindi na nakasagot pa si Riza at basta na lamang sumama sa kaniyang nanay. Hindi niya lubos maisip kung bakit nila nararanasan ang mga ganitong pangyayari lalo pa ngayon na sasali siya sa pageant, ayaw niyang mai-stress. Pagkauwi pa nila galing sa pagsundo ng kaniyang tatay ay siya namang tumambad ang panibagong problema.

“Bakit, paano? Paano tayong napasok ng magnanakaw, ano na ang mangyayari sa atin?” lumuluhang pahayag ni Aling Ysabel.

“Ma, huwag ka na umiyak. Makakaahon din tayo, maniningil ako ng mga pautang natin para may pera na tayo,” sagot naman ng dalaga.

“Wala na, anak, nasingil ko na lahat dahil ginamit na natin para sa tatay mo,” wika ng kaniyang ina.

Alam ni Riza na pagsubok lamang ito sa kaniyang pamilya at malalapagsan din nila ang mga ito. Kaya naman kinaumagahan ay agad na tumulong ang dalaga, gumawa siya ng yema at naisipang ibenta ito sa kanilang eskwelahan.

“Riza, what do you think you’re doing!? Bakit ka nagbebenta ng ganyan, yuck! Nakakahiya ‘yung ginagawa mo,” saad sa kaniya ni Faith na tila diring-diri sa kaniyang gawang yema.

“Kung ayaw niyong bumili, eh di wag! Marami pa naman akong kaibigan, marami pang nagmamahal sa akin na bibili nito,” sagot naman ni Riza.

“Yuck, bahala ka diyan. Simula ngayon, hindi ka na namin kaibigan. Wala kaming friend na mahirap!” baling muli ni Faith sa kaniya. Ngunit hindi na lang sumagot pa si Riza dahil ayaw niyang ubusin ang kaniyang lakas sa pakikipag-away.

Inalok ng dalaga ang kaniyang mga tinda sa ibang kaibigan, ngunit imbes na bilhin ang yema niya ay mas pinagtatawanan pa siya ng mga tao.

“Akin na, ako na ang magbebenta. Hindi kasi bagay sa’yo kaya ka nila pinagtatawanan,” pahayag ni Aimee na biglang dumating at tinabihan siya.

“Punasan mo na ‘yang luha mo, nandito pa rin naman ako. Magkaibigan pa rin naman tayo,” dagdag pa nito sabay yakap sa kaniya.

Ngayon niya napagtanto na sinayang niya dati ang tunay niyang kaibigan, at mas pinakinggan niya ang maraming tao at nilait din ito. Hindi siya makapaniwala na ito pa pala ang tutulong sa kaniya sa ganitong pagkakataon.

“Aimee, sorry ha? So orry kung nawala ako bigla, alam kong naging masama akong kaibigan sa’yo,” nahihiyang sabi ni Riza.

“Wala iyon, alam ko naman na kinahiya mo ako rati dahil sa itsura ko. Pero sanay na ako, naniniwala akong nadumihan lang ‘yung isip mo dati,” nakangiting sagot sa kaniya ng kaibigan.

“Walang mali sa’yo, Aimee. Patawarin mo ako!” saad niya rito saka niya niyakap ng mahigpit ang dalaga.

Ngayon niya naalala ang sabi sa kaniya ni Aling Ysabel na huwag magbabago ano man ang estado mo sa buhay dahil hindi mo alam ang dala ng bukas. Labis na pinagsisisihan ni Riza na iniwan niya noon ang matalik na kaibigan dahil ito lang pala ang matitira sa kaniya ngayon sa panahon ng unos.

Hindi na itinuloy ni Riza ang pagsali sa pageant at mas inunang makatulong sa kaniyang magulang. Gastos lang kasi ang aabutin niya sa patimpalak na iyon. Ngayon ay magkasama silang muli ni Aimee, kung hindi nagtitinda ay sabay na nag-aaral ang dalawa. At kahit na iisa lamang ang kaniyang kaibigan ay alam naman niyang totoo ito at magtatagal haggang sa pagtanda nilang dalawa.

Advertisement