Inday TrendingInday Trending

Kalat sa eskwelahan nila ang mga grupo ng kabataan na sumasali sa isang kapatiran, may iba’t-ibang pangalan at iba’t-iba ang samahan. May mga magkakampi at meron ding magkaaway.

“Faye, baka gusto mong sumali sa samahan namin. Maganda ang grupo namin kasi totoong magkakapatiran kami at nagdadamayan, kapag may mga kaaway ka sa eskwelahan ay sama-samang nagtutulungan at walang iwanan,” pang-eengganyo ni Beth, ang kaniyang kaklase.

“Fraternity? Naku, Beth mas gusto ko ng tahimik na buhay at tsaka ayokong sumali sa mga ganyan,” tugon naman ni Faye.

Ang dami nang nag-aaya sa kaniyang pumasok sa ganoong samahan at lahat ng iyon ay tinatanggihan niya. Marami na kasi siyang naririnig na kwento at balita tungkol sa pagpanaw ng ilang nag nais na maging miyembro, dahil hindi nakayanan ang mga pagpapahirap at hamon upang makapasok sa samahan, dahilan upang kailanman ay hindi niya pangarapin na maging parte ng kahit anong grupo.

Isang araw habang naglalakad sina Faye at ang kaibigan na si Kimberly pauwi ay bigla siyang inaya ng kaibigan sa isang likurang parte ng eskwelahan nila. Tila ba isang bodegang abandonado na ito.

“Ano ‘to Kim?” nagtataka niyang tanong.

“Sasali kasi ako ngayon sa isang samahan Faye, sinama kita para kung anuman ang mangyari sa’kin ay maging saksi ka,” sagot ng kaibigan.

“Ano?! Bakit mo pa ako isinama rito kung may plano ka palang ganyan? At tsaka bakit ka pa sasali sa ganyang samahan? Hindi ka ba mabubuhay ng wala kang tropa? Baka hindi mo kayanin ang gagawin nila sa’yo,” nag-aalalang wika ng dalaga.

“Ang sabi nila, wala naman daw pananakit o pagpapahirap na mangyayari. Kakausapin ka lang at kapag nakapasa sa interview nila ay kasali ka na sa samahan,” wika pa ng kaibigan.

“Nahihibang ka na ba? Hindi ka naman nag-aaply ng trabaho para ganun-ganun na lang kadali ang lahat! Umalis na tayo rito, Kim,” akmang hihilain na niya si Kimberly ng bigla silang matigilan dahil may nagsalita mula sa kanilang likuran.

“Akala ko isa lang ang sasali?” wika ng isang lalaki na mukhang pinuno ng samahan.

“Ako lang po ang sasali,” matigas na sagot ni Kim.

“Naku, paano ba ‘yan, eh malaking sikreto pa naman ang gagawin natin. Kaya kung sino man iyang kasama mo ay dapat sumali na rin, kundi may parusa kayong matatanggap sakaling hindi kayo sumali o sumunod sa amin,” pananakot naman ng lalaking maangas na medyo may kalakihan ang katawan.

Labag man sa kalooban, walang magawa si Faye kundi ang sumali na rin sa samahang sasalihan ng kaniyang matalik na kaibigan. Nakaramdam lamang siya ng matinding takot na baka mapahamak o may mangyaring masama sa kanya kung hindi siya makikisali.

Hindi niya alam kung anong pinasok niya, pero alam niyang maaari silang mapahamak sa ginagawa nila ngayon, pero mas malaking kapahamakan naman kung hindi siya papayag na sumali.

Nagsimula na ritmo ng samahan. Parehas tinakon ng itim na tela ang mga mata ng magkaibigan. May kung anong sinasabi ang grupo na hindi nila maintindihan, pero panay na lamang ang sagot sila sa sobrang takot.

“Hirap o sarap?” wika ng lalaking hindi nila nakikita.

Sa lahat ng nabanggit ng lalaki ay ito lang ang naintindihan niya. Hinintay niya ang magiging sagot ni Kimberly at umaasang tama ang isasagot nila.

“Sarap!” Mabilis na tugon ni Kimberly na labis na ikinabigla ni Faye. Ang buong akala niya ay “hirap” ang babanggitin ng kaibigan, kaya hindi niya lubos akalaing iyon ang pipiliing isagot ng dalaga.

Noon pa man ay alam na niya ang kalakaran ng mga ganoong samahan, hindi naman sa nilalahat niya. Pero kapag sarap kasi ang pinili ng isang babae, karaniwan ay ginagalaw ito ng isa o ilan sa mga miyembro upang madaling makapasok. At sa palagay niya ay hindi niya iyon kaya. Gusto niyang umiyak sa inis! Sa dinami-rami ng samahang tinanggihan niya, dito siya napasubo.

“Hirap!” malakas na tugon ni Faye, matapos ang ilang minutong pag-iisip. Kung anuman ang gagawin sa kaniya ng mga ito ay handa siyang tanggapin, huwag lang babuyin ng mga ito ang kaniyang katawan.

Gaya ng mga naririnig niyang kwento ay naramdaman niya ang masakit na kahoy sa kaniyang katawan. Ang bawat palo na iyon na halos hindi na niya maramdaman, ang tanging naiisip lang niya ay matatapos din ang lahat at malalamapasan niya ang piniling hirap. Mawawala rin ang pasang kaniyang matatamo, ang mahalaga nasa kaniya pa rin ang kaniyang dangal.

Dalawang buwan na ang nakakalipas mula nang mangyari iyon, wala na ang bakas ng pagpapahirap ng nakaraan. Parang walang nangyari, ngunit ang kaniyang matalik na kaibigang si Kimberly ay labis-labis ang pagsisisi sa napili. Buntis ito at hindi kilala ang ama ng batang dinadala. Nalampasan niya ang hirap na napili, pero ang kaibigang pumili ng sarap ay hirap ang naging kabayaran ng lahat. Kasali pa rin siya sa samahan, pero hindi siya ganun kaaktibo.

Napasubo si Faye dahil kay Kimberly, pero pinanindigan niya ang kaniyang sarili at hindi natakot sa sakit na maaring maranasan.

Minsan may mga hamon sa buhay na sobra nating kinakatakutang harapin, dahil sa takot na rin na mahirapan tayo at pumalpak sa huli. Pero pakatandaan na hindi natin malalaman ang maaring mangyari kung hindi natin susubukan.

Kagaya na lamang ni Faye. Napasubo siya sa isang hamon kung saan kinaliangan niyang pumili ng isang matinding desisyon. Natakot man, ngunit sinuong niya ang kahirapan upang mapanatili lang ang kanyang dangal.

Huwag sana tayong pumares kay Kimberly na madaling daan ang pinili subalit nauwi din sa kapahamakan kinalaunan. Hindi lahat ng mahirap ay nakakatakot at hindi rin naman lahat ng madali ay madali, minsan ito pa mismo ang nagdadala sa atin sa kapahamakan.

Advertisement