“Andrea, nakita ka raw ni Ate Sheryl na may kasamang lalaki sa palengke kanina, sino ‘yun?” pag-uusisa ni George sa asawang kagagaling lang sa palengke.
“Ah yun ba? Nagtanong lang sakin yun kung saan daw ang bilihan ng payong. Tinuro ko lang sa kanya tapos umuwi na ako,” sagot naman ni Andrea saka ibinaba ang mga pinamiling gulay.
“Talaga? Eh bakit sabi ni Ate nakakuyabit ka raw sa braso ng lalaki?” sunod na tanong naman ng lalaki, napatawa naman bigla si Sheryl.
“Kuyabit?” paglilinaw nito saka malakas na tumawa, “Naku ang ate talaga gagawin ang lahat para siraan ako sayo,” dagdag pa niya habang hindi pa rin tumitigil sa pagtawa.
“Sigurado ka ha? Kapag ikaw nakita kong may lalaki, pagbubuhulin ko kayo ng lalaki mo!” panakot ni George, na lalo namang nagpatawa sa kanyang asawa saka sabay yumakap ng mahigpit sa kanya.
Dalawang taon nang kasal ang mag-asawa. Mayroon na rin silang bahay at lupa na malapit lamang sa pamilya ng lalaki. Madalas nagpupunta ang mga ito sa bahay nila upang makihalubilo maliban na lamang sa panganay na kapatid ng lalaki na si Sheryl, dahil ayaw nito sa napangasawa ng kanyang kapatid. Palagian niya itong ginagawan ng kwento upang hiwalayan ito ng kapatid.
Tanggap naman ni Andrea na hindi talaga siya gusto ng babae para sa kanyang kapatid, kaya naman hindi niya na lamang ito pinapansin at mas iniintindi na lang ang kanyang asawa na kung minsan ay napapaniwala sa mga gawa-gawang kwento tungkol sa kanya.
“George, sino yung lalaking pumasok sa bahay niyo ngayon lang?” tanong ni Sheryl sa kapatid, tinawagan niya ang kapatid kahit pa nasa trabaho ito.
“Ay, hindi ko lang alam, ate. Nasa trabaho ako eh. Baka yung tubero yun, sira kasi yung lababo namin eh, barado,” sagot naman ng lalaki habang inaasikaso ang mga papeles na nakalatag sa kanyang lamesa.
“Sigurado kang tubero yun? Bakit parang niyakap ng asawa mo pagdating? Naku, kung ako sayo umuwi ka ngayon para maabutan mo ang kababuyan nila,” nguso pa nito, nakakaramdam na ng kaunting galit at inis si George.
“Ate, sigurado ka ba sa nakita mo?” paninigurado ni George, alam niyang tubero yun, pero hindi niya lubos maisip kung bakit yayakapin ito ng asawa.
“Oo, dalian mo nang makita mo kalandian ng asawa mo,” huling sambit ng babae saka binaba ang telepono.
Agad namang humarurot pauwi si George upang mahuli sa akto ang binibintang ng kanyang ate. Galit na galit talaga siya sa balitang narinig. Ni hindi niya magawang mag-isip ng maayos. Basta ang gusto niya lang mangyari ngayon ay masuntok ang lalaking tinutukoy ng kanyang ate at makipaghiwalay sa asawa kung tunay nga ito.
Pagdating niya sa kanilang bahay, agad niyang binuksan ang pintuan. Dumiretso siya sa kusina, sakto namang inaabutan ng kanyang asawa ang lalaki ng bimpo, lalo siyang nag-init dahil ito. Agad niyang hinila ang lalaki saka hinawakan sa kwelyo, gulat na gulat naman ang kanyang asawa at napasigaw ng malakas, “George!”
“Ito ba yung ipagpapalit mo sakin? Akala ko ba ako lang ha? May paabot-abot ka pa ng bimpo porket pawisan ang lokong ito?” nanggagalaiting tanong ni George habang nakahawak pa rin sa kwelyo ang lalaki.
“George, pwede ba kumalma ka? Kaya ko siya inabutan ng bimpo para malinis niya yung gilid ng tubo, puro dumi na kasi. Ano bang iniisip mo? Ano nalason ka na naman ng ate mo?” pagpapaliwanag naman ni Andrea, bahagya namang natauhan ang lalaki sa mga sinabi ng asawa, dahan-dahan niyang binitawan ang kwelyo ng tubero, saka humingi ng tawad.
“Manong, balik na lang po kayo bukas. Pasensya na po kayo ah?” mahinahong ika ng babae, agad naman itong umalis dahil sa takot at pagkagulat sa nangyari.
“Alam mo, George, kung lagi kang ganyan, mahihirapan tayong patagalin yung pagsasama natin. Kung lagi kang makikinig sa Ate mo, wala tayong patutunguhan. Makipaghiwalay kana lang kaya sa’kin gaya ng gusto ng ate mo, para matahimik na ang buhay ko. Hirap na hirap na rin akong umunawa at makisama,” daing ni Andrea sa tulalang asawa, bigla naman itong napatingin sa kanya nang marinig nito na gusto na niyang makipaghiwalay.
“Pasensya ka na, mahal. Hayaan mo, kakausapin ko na ang ate. Ayokong iwan mo ako…” tipid na sagot naman ng lalaki saka niyakap at umiyak sa dibdib ng asawa.
Mayamaya pa pinuntahan ni George ang kanyang ate para maliwanagan. Doon napaamin niya ito na naiinggit pala ito sa kanila dahil masaya ang pagsasama nila habang ito ay malungkot sa pagiging matandang dalaga, dahil hanggang ngayon ay wala pa ring nagtatangkang manligaw.
“Ate naman, hindi mo naman kailangang sumira ng isang relasyon para lang hindi ka na makaramdam ng inggit. Nasasaktan ko tuloy ang asawa ko, gusto na tuloy akong hiwalayan,” inis ngunit mahinahong sambit ni George, maluha-luha naman ang kanyang kapatid. Nangako na itong hindi na muli manggugulo sa kanila at bibigyang pansin na lamang ang sarili.
Tinupad nga nito ang pangako sa kapatid, nagpasya itong umalis ng bansa upang mahanap ang sarili. Dahil dito, tila natahimik ang pagsasama ng mag-asawa. Napanatag na rin ang loob ni George na walang ibang lalaki ang kanyang asawa.
Totoo nga namang mahirap makisama sa pamilya ng iyong asawa, ngunit wala nang mas hihirap pa kung naninira pa ito at nagtatangkang sirain ang binubuo ninyong pamilya. Sadyang tiwala at lubusang pag-iintindi lamang talaga ang sagot sa isang matagumpay na pagsasama.