Inday TrendingInday Trending
Yamang Tinatago

Yamang Tinatago

Kahit hindi kaano-ano ni Willy ang lolong naninirahan sa tabi ng bahay nila, palagi niya itong binibigyan ng pagkain. Madalas niya kasi itong makita sa daan na nanlilimos sa mga tao.

Kahit na uugod-ugod na nililibot nito ang lugar para lamang makahingi ng makakain. Kapag naman nabigyan na niya ito nang makakain, napansin ng binata na hindi na ito umalis at nagpapahinga na lamang. Kaya naman lagi niya na itong dinadalhan upang huwag nang mahirapan pa.

Palagi siya nitong kinukwentuhan tungkol sa buhay niya noon. Sabi pa nga ng matanda, mayaman daw sila noon, naghirap lamang sila dahil nalulong siya sa bisyo, dahilan rin para iwan siya ng asawa’t mga anak niya.

“Alam mo, laking pasasalamat ko na lagi mo akong dinadalaw dito at binibigyan ng pagkain. Siguro mayaman ka kaya naaawa ka sakin, ano?” tanong ng matanda habang binubuklat ang supot na dala ng binata.

“Naku, hindi po Lolo. Nangungupahan lang po ako dyan sa tabing bahay. Nasa probinsya po ang pamilya ko. Andito lang po ako para magtrabaho. Mahirap rin po kasi ang buhay namin doon. Madalas nga po noong hindi pa ako nagtatrabaho dito sa Manila, halos mais at kamote lamang ang kinakain namin. Konting tulong lang naman po yung naabot ko sa inyo.” pagkukwento naman ng binata, natuwa naman ang matanda sa kabutihang loob nito.

“Naku hijo, napakabuti mo. Kapag kinuha na ako ng Maykapal, sayo na itong lupa ko ha? Wala rin naman akong napapala dito eh, wala rin namang may gusto dahil nga malas raw ang may-ari. Matagal ko nang binebenta ito kaso walang may gusto. Napagiba ko na nga yung bahay ko dito dati eh, para lang mabenta ko yung mga materyales at may makain ako,” kwento ng matanda, saka inumpisahang kainin ang dala ng binata.

“Naku, hindi na po. Inyo po iyan, saka huwag po kayo magsalita ng ganyan,” pagtanggi naman ni Willy ngunit giniiit pa rin ng matanda ang nais niyang mangyari.

“Basta hijo, dito ko ilalagay ha, tandaan mo. Ramdam ko rin naman na malapit na akong kunin. Kapag nangyari iyon, ikaw na bahala sa katawan ko ha, huwag mo na ako ipaburol, hukayin mo na lamang iyong lupa sa likuran, mga kasing-taas mo, at doon mo ako ibaon,” sumang-ayon na lamang siya sa sinabi ng matanda upang hindi na humaba pa ang kanilang usapan, mahuhuli na kasi siya sa trabaho at kailangan na ding umalis. Agad naman siyang nagpaalam pagkatapos kumain ng matanda.

Kinabukasan, maagang naghanda ng pagkain ang binata. Pagkatapos niyang kumain ay agad na siyang nagtungo sa matanda upang mapakain na rin. Ngunit nagulat siya na tulog pa rin ito. Madalas kasi nakikita niya na itong nag-aabang sa labas ng barung-barong niya.

Nilapitan niya ito at bahagyang tinapik upang magising, ngunit hindi ito umiimik. Doon na napaisip ang binata. Agad niyang tiningnan ang pulso nito, ngunit wala na siyang maramdaman. Binuhat niya ang matanda upang dalhin sa ospital, ngunit pagyakap niya, bahagya nang malamig ang katawan nito.

Maluha-luha niyang tiningnan muli ang pulso ng matanda ngunit wala na talaga siyang makapa. Lumipas ang mga oras na nakatulala lamang siya sa walang buhay na matanda, doon niya naalala ang bilin nito.

Matapos i-report sa mga pulis ang nasaksihan. Agad siyang naghukay sa likod ng barung-barong nito upang ibigay ang huling kahilingan ng matanda. Katulad ng sinabi ng matanda, maghuhukay siya ng kasing taas niya, ngunit ga-balikat niya pa lamang ang hukay, tila may natamaan siyang isang maliit na lalagyan. Naghukay pa siya at kinuha ang lalagyan na ito.

Binuksan niya ito at nawindang siya sa mga tipak ng ginto na lumantad sa kanya. May maliit na piraso ng papel siyang nakita at agad na binuklat niya ito. Binasa niya ang mga katagang nakasulat, “Para ito sa taong tunay na nagmalasakit sakin, sa aking pagpanaw nawa’y umalwan ang iyong buhay. Ikaw ang tunay na yaman ko, at hindi ang mga ito,” magkahalong emosyon ang naramdaman ng binata, wala siyang magawa kundi maiyak sa lubos na pagpapasalamat.

Sinunod niya nga ang bilin ng matanda, binaon niya ang katawan saka ipinagdasal ang kaluluwa nito. Kinuha niya rin ang titulong binilin ng matanda at sinimulan niya nang ayusin ang mga papeles ng lupa. Pinagpalit na niya rin ang mga kayamanang nahukay at nagsimula nang magpatayo ng bahay sa lupang bigay ng matanda.

Lumipas lamang ang isang taon, nadala na ni Willy ang kanyang buong pamilya sa Maynila at doon niya ikinuwento sa kanila kung paano siya biglaang yumaman. Kada araw naman lagi niyang dinarasalan ang puntod ng matanda tanda ng kanyang pasasalamat, dahil ngayon ay maginhawa na silang nabubuhay ng kanyang pamilya.

Tunay talagang mas pinagpapala ang siyang nagbibigay kaya mga Inday at Dodong, huwag kayong magsawang magbigay kahit pa konti lang ang mayroon kayo dahil balang-araw, aagos rin ang lubusang biyaya sa buhay niyo.

Advertisement