“Pasensiya na ho pero, hindi kayo pʼwedeng pumasok.”
Isang PWD (Person With Disability) si Laarni at nanggagalaiti siya ngayon, dahil ayaw siyang papasukin ng sekyu slash bouncer ng isang gym na nooʼy regular niyang pinapupuntahan. Ayaw kasi siya nitong papasukin, dahil bukod daw sa wala siyang kasamang assistance ay tinatanong pa siya nito kung ano raw ang gagawin niya sa loob?!
“Sir, papasukin ho ninyo ako, dahil regular customer ako ng gym na ito, kung hindi nʼyo lang nalalaman,” sabi ni Laarni sa maayos na pananalita. Bago lang ang sekyung ito, kaya hindi pa siya kilala.
“Aba, e, ano naman ba ang gagawin mo rito? Wala ho kayong magagawa rito sa loob,” sagot naman ng sekyu.
Lalong nag-init ang ulo ni Laarni nang tingnan siya nito na animo nang-iinsulto pa! Ipinanganak kasi siyang putol ang mga kamay at paa.
Ngunit sa kabila nitoʼy hindi niya iyon itinuring na kakulangan sa kaniyang sarili. Mas natuto pa nga siyang mas magsumikap upang kahit ganoon ang kaniyang kalagayan ay walang pagdududang maaabot pa rin niya ang pangarap na maging isang weightlifter at lumaban sa ibaʼt ibang mga Olympics sa ibaʼt iba ring bansa.
“Sir, atleta ho ako, kahit ganito ang katawan ko. Bakit ganiyan ho kayo sa akin? Nasaan ho ang manager ng gym na ʼto?” mahinahon pa rin, ngunit may riing aniya na sa sekyu.
Ngunit ang siste, abaʼy humalakhak lang at pinagtawanan siya nang harapan!
“Aba, atleta ka kamo? Patingin ako ng medalya mo,” mayabang pang sagot nito na may kasama pang pamamaywang at pagngisi.
“Papasukin mo lang akoʼt ipakikita ko sa ʼyo kung anoʼng kaya kong gawin,” paghahamon naman ni Laarni sa sekyu. Taas na ang kaniyang noo. Wala siyang dapat ikahiya. Wala siyang ginagawang masama, at siya ang nasa tama.
Ang hindi alam ng dalawa ay isa na palang netizen ang nagtutok ng camera sa kanilang pagtatalo. Kitang-kita roon kung paano diskriminahin ng sekyu slash bouncer na ito si Laarni at kung gaano rin katapang ngunit nasa lugar na humarap naman siya upang ipaglaban ang kaniyang karapatan.
“Hindi ka nga pʼwedeng pumasok, dahil wala ka namang kasamang assistance. Anoʼng akala mo, por que PWD ka, bibigyan kita ng special treatment?”
“Assistance nga, hindi ko kailangan, bakit ako manghihingi sa inyo ng special treatment? Hindi ho lahat ng PWD ay kailangan ng ganoʼn. Kaya rin ho ng iba sa amin na makipagsabayan sa mga normal. Ang gusto ko lang naman ho, sir, ay makapasok. Kung gusto po ninyo, pipirma ako ng waver na kapag may nangyari sa akin diyan sa loob ay wala kayong kasalanan. Absuwelto kayo,” alok pa ni Laarni. Tila doon na nag-isip ang sekyu, ngunit sa huli ay hindi rin ito pumayag.
Ang sabi pa nito… “Hindi naman talaga bawal ang PWD rito sa amin. Ayaw ko lang sa iyo, dahil wala ka namang magagawa rito. Wala kang mga paa at kamay. Magpahinga ka na lang sa inyo,” may pagngisi pang sabi nito at tinalikuran na niya.
Malungkot na umuwi si Laarni nang umagang iyon. Halos madurog ang puso niya sa sakit ng mga salitang natanggap mula sa mapangmatang sekyu.
Dahil doon ay nagpasiya siyang lumapit na sa may-ari mismo ng gym na iyon, na siya niyang matalik na kaibigan upang isumbong ang nangyari kanina. Ang totooʼy ayaw na sana niyang humantong sa ganito, kaya binigyan niya ng napakaraming option ang sekyu upang pumayag itong papasukin siya ngunit bagkus ay tinawanan lang siya nito!
Kinabukasan ay nanggagalaiting nagpatawag ng meeting sa barangay ang may-ari ng gym upang sibakin sa trabaho ang sekyu. Bukod pa roon ay nagsampa sila ng kaso, kasama na si Laarni para sa sekyu na ngayon ay hindi na halos makaimik dahil sa pagkabiglang kaibigan pala ng boss niya ang kaniyang binully!
Sibak ang mayabang na sekyu, tanggal ang kaniyang lisensya at ngayon ay sikat pa siya sa social media dahil sa pag-upload ng isang netizen ng video nila! Labis-labis ngayon ang pagsisisi ng mayabang na sekyu, dahil sa kaniyang ginawa.
Samantala, maraming tao naman ang humanga sa ginawang paglaban ni Laarni sa diskriminasyon, maging sa pagiging magaling nitong atleta sa kabila ng kaniyang kalagayan. Nagsilbi siyang inspirasyon sa nakararami, kapwa man niya PWD o mga taong swerteng walang kakulangan sa katawan.
Nais niyang magsilbing aral ito sa mga taong mapangmata.