“Okay, Mister Vergilio, tatawagan na lang po namin kayo, ha? Salamat po.”
Nalukot ang mukha ni Edward sa narinig. Pang-ilang kompanya at agency na ang pinag-apply-an niya, ngunit lahat ng ito, puro ganoon na lang ang sagot sa kaniya. Hindi naman niya sila masisi, dahil hindi naman malinis ang records ng mga dokumentong kaniyang isina-submit.
Ex-convict kasi siya. Nakulong siya noon dahil sa salang pagnanakaw. Ang totooʼy nadamay lamang naman talaga siya, dahil itinuro siyang kasama ng isa sa mga dating kaibigan niya sa nagnakaw, sa pag-aakalang siya ang nagtimbre sa mga ito sa pulis. Sa madaling salitaʼy bunga si Edward ng kakulangan ng hustisya para sa mga katulad niyang inosente.
Halos manlumo tuloy si Edward nang siyaʼy umuwi na ng kaniyang bahay.
“Paano ako muling makakapag-umpisa kung walang gustong magbigay ng pagkakataon sa akin?” Sapu-sapo niya ang kaniyang ulo nang sabihin iyon sa kaniyang sarili. Halos siyaʼy maiyak.
Problemadong-problemado noon si Edward. Paano siyang mabubuhay kung wala siyang magiging trabaho? Hindi naman siya tamad, hindi rin naman totoo ang dahilan kung bakit siya nakulong, ngunit sinoʼng maniniwala? Wala na rin siyang pamilyang matatakbuhan dahil maging ang mga itoʼy hindi naniniwalang wala siyang kasalanan.
Sa ngayon ay may iba nang kinakasama ang kaniyang misis, ngunit ayaw naman niyang gulihin pa ito maging ang kanilang mga anak. Ayaw niyang magdulot ng trauma sa mga bata ang anumang hakbang na gagawin niya. Kailangan talaga niyang humanap ng trabaho upang kahit ang mga anak man lang niya ay makatanggap ng sustento mula sa kaniya.
Una siyang nagtungo sa simbahan upang magkaroon man lang ng kapanatagan ng loob. Pagkatapos ay sinubukan niyang maglakad-lakad sa kalsada upang makapag-isip.
Kumakalam na ang kaniyang sikmura dahil wala pa siyang kain simula kagabi. Ni hindi niya alam kung saan siya lalapit!
Sa kalagitnaan ng paglalakad niya, isang lalaking kakamot-kamot sa ulo ang nakita niyang nakatayo sa gitna ng daan. Nakatitig ito sa sasakyang dala at mukhang nasiraan.
“Sir, kailangan nʼyo ho ba ng tulong?” tanong niya sa lalaki. Nilapitan niya ito, dahil baka sakaling kailanganin nito ang kaniyang serbisyo. Dati siyang mekaniko bago siya noon makulong kaya naman tiyempo talaga ang pagkakataong ito.
“Oo sana, brad. Hindi ko alam kung paano ayusin ito, e. Hindi ko rin alam kung bakit biglang tumirik ‘tong sasakyan ko sa gitna ng kalsada,” sagot naman nito.
“Sir, kaya ko hong ayusin iyan. Bigyan nʼyo lang ho ako kahit pangkain dahil gutom na gutom na ho ako, e.” Iyon lang ang kondisyong sinabi niyaʼt tinulungan na niya ang nasabing lalaki.
“Bakit ba wala ka man lang pangkain, brad? Wala ka bang trabaho?” habang ginagawa ni Edward ang sasakyan ay hindi napigilang tanong ng lalaki sa kaniya.
“Oo, sir, e. Kalalaya ko lang kasi sa kulungan. Ang totoo hoʼy nakulong ako dahil sa salang pagnanakaw. Pero, sa maniwala ho kayoʼt sa hindi, sir, ako hoʼy nadamay lang. Tuloy ho, e, hindi ako ngayon makahanap ng matinong trabaho dahil wala hong tumanggap sa akin,” paliwanag naman niya. Napatango na lang ang lalaki.
Nang matapos sa ginagawa ay inabutan ng lalaki ng limang libo si Edward. Nagulat naman siya, dahil ang laki ng halagang iyon, e, pangkain lang naman ang hinihingi niya.
“Naku, sir, pangkain lang naman ho ang hinihingi ko. Ang laki-laki ho nitong ibinigay nʼyo,” tila may pag-aalangang sabi ni Edward matapos matanggap ang pera.
Tinapik siya ng lalaki. “Sabi ko na nga baʼt iyan ang sasabihin mo,” anito. “Hindi naman iyan bigay, brad. Bayad ko iyan para sa serbisyo mo. Gamitin mo ‘yang pera para pangkain moʼt pamasahe papunta sa opisina ko sa lunes. Ako naʼng bahala sa ʼyo.”
Tulala si Edward sa narinig. Hanggang sa tuluyan nang makaalis ang lalakiʼy napatanga na lang siya sa kaniyang kinatatayuan. Niyuko niya ang hawak-hawak na pera, na may kalakip palang calling card…
Sandro Manrique, isang kilalang negosyante.
Laking tuwa na lang ni Edward at nakilala niya ito. Nang mag-lunes ay agad siyang nagtungo sa opisina nito. Ang alam niyaʼy baka sakaling bigyan siya nito ng trabaho, ngunit higit pa pala roon ang ibibigay nito!
“Ito, pare, bibigyan kita ng pang-umpisa mo ng negosyo. Alam mo kasi, parehas tayo ng istorya. Isa rin akong ex-con, at naranasan ko rin ang lahat ng naranasan mo ngayon. Ang kailangan lang talaga natin ay pagkakataong patunayan ang sarili natin, at iyon ang ibibigay ko sa iyo,” anitoʼt pagkatapos ay iniabot ang isang sobreng naglalaman ng perang maaari niyang maipang-umpisa.
Labis-labis ang pasasalamat ni Edward kay Mister Sandro, dahil sa biyayang ibinigay nito sa kaniya, lalong-lalo na sa panginoong Diyos na siyang gumabay kay Edward habang pinatatakbo nito ang talyer na ipinatayo niya gamit ang perang ihinandog ni Mr. Sandro Manrique.
Ngayon ay nakapagpundar na rin siya ng isang maliit na grocery store, habang patuloy ang pag-o-operate niya ng kaniyang talyer.
Nagkaroon siya nang pagkakataong makapagbigay ng maayos at tuloy-tuloy na sustento sa kaniyang mga anak at napatunayan niya sa mga ito ang kaniyang sarili. Ngayon ay ibinabalik na ni Edward ang pabor na ibinigay ni Sandro sa kaniya sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa mga katulad nilang gustong magkaroon ng bagong buhay matapos makalaya mula sa pagkakasala.