Inday TrendingInday Trending
Utang Ko Sa’yo ang Pangalawa Kong Buhay

Utang Ko Sa’yo ang Pangalawa Kong Buhay

Halos magkapatid na ang turingan ng magkaibigang Francis at Allan. Sapagkat kapwa mayaman ang kanilang mga pamilya ay parehas silang nag-aaral sa iisang prestihiyosong paaralan.

Si Francis ay isang sikat na manlalaro ng soccer sa kanilang paaralan. Maraming kababaihan ang nahuhumaling sa kaniya sapagkat bukod sa kaniyang natatanging kakisigan at kagwapuhan ay napakatalino rin nito. Madali rin ang mapalapit sa kaniya sapagkat walang hangin sa katawan itong si Francis. Bukod sa matulungin ay magalang ito at mabait sa lahat.

Kabaligtaran naman niya ang matalik na kaibigang si Allan. Sikat si Allan sapagkat dati itong manlalaro ng basketball sa kanila ring paaralan ngunit mas sikat siya sa pagiging mainitin ng kaniyang ulo. Madalas kasing mapasali ito sa gulo kaya minabuti na lamang na tanggalin siya sa team. Madalas din siyang lumiliban sa klase. Panay bagsak ang kaniyang mga aralin kaya kahit na apat na taon na siya sa kolehiyo ay hindi pa rin siya nakakapagtapos ng pag-aaral.

Hiwalay ang mga magulang ni Allan. Ang kaniyang ama ay isang tanyag na manunulat na nalulong sa alak at ang kaniyang ina naman ay sumama na sa ibang lalaki. Tinangay ng kaniyang ina ang kaniyang kapatid na babae at siya naman ay iniwan sa pangangalaga ng kaniyang ama. Dahil nga lulong sa alak ang kaniyang ama ay madalang niya itong makausap ng maayos. Madalas ay maaabutan niya itong lango sa alak na sadyang ikinaiinit niya ng ulo.

Malaki ang lihim na inggit ni Allan kay Francis sapagkat ang pamilya ng kaibigan ay kabaligtaran ng kaniyang pamilya. Kahit na matagal nang nagsasama ang mga magulang ng lalaki ay ramdam mo pa rin ang init ng kanilang pagmamahalan. Ang nakakatandang kapatid naman ni Francis ay may sarili ng pamilya kaya lubusang pagkalinga ang nakukuha ng binata mula sa mga magulang.

Batid ni Francis ang itinatagong damdamin ni Allan ngunit hindi lamang niya sinasabi. Hindi kasi ito ang paksa na madalas napag-uusapan nilang magkaibigan at napakadalang nitong magsalita tungkol sa kaniyang damdamin.

Isang araw ay nasangkot na naman si Allan sa isang malaking gulo. Away ito ng mga gang. Agad na umikot sa buong campus ang pangyayari at nakarating ito kay Francis. Nang marinig niya ang balita ay dali-dali siyang tumungo kung nasaan ang gulo at agad hinanap ang kaibigan. Nang makita niya si Allan na inuundayan ng suntok ang nakaalitan ay sinunggaban niya ang lalaki at pinagsusuntok. Nakapiglas si Allan at dali-dali siyang gumati sa lalaki. Ngunit inawat na siya ni Francis at inaya nang tumakbo.

“Bro! Tama na! Tara na. Pag nabalitaan na naman ng mommy mo itong nangyari ay baka tanggalan ka na ng allowance nun nang tuluyan. Baka hindi ka na rin niya papasukin sa eskwelahan na ito! Kaya tara na! Tama na iyan!” mariing pangungumbinsi ni Francis sa kaibigan. Ayaw mang magpaawat ni Allan ay wala rin siyang nagawa kung ‘di ang sumunod.

Narinig ni Francis ang bulong-bulungan ng mga estudyante. “Grabe, matalik ba talaga silang magkaibigan?” “Bakit sobrang magkaiba sila?” “Ipapahamak niya pa ang kaibigan niya dahil lang sa pagkabasagulero niya, ano?”

Nangliit nang husto si Allan sa kaniyang mga narinig. “Pwede ba, tsong! Sa uulitin huwag kang sumawsaw sa mga away ko! Hayaan mo lang ako! Ikaw na lang ang laging magaling!” Iniwan ni Allan si Francis at naglakad itong palayo.

Hinabol ni Francis si Allan at nang maabutan niya ito ay hindi siya makapaniwala sa sinabi sa kaniya ng kaibigan. “At ayoko nang makalapit-lapit pa sa iyo. Pagod na pagod na akong ikumpara sa isang perpektong taong kagaya mo!” mariing wika ni Allan. Dito na hinayaan ni Francis ang matalik na kaibigan.

Madalas magkasalubong ang dalawa. Gustuhin man ni Francis na lapitan si Allan ay hindi niya magawa dahil nilalayuan siya ng binata. Madalas pa rin niyang nababalitaan ang paulit-ulit na pagkasangkot ng kaibigan sa mga kaguluhan.

Hanggang sa isang araw ay nabalitaan na lamang niya na ang kaibigan ay nagtangkang kitilin ang sarili nitong buhay. Nagmadali si Francis na puntahan si Allan.

Ikinagulat ni Allan ang pagpunta ni Francis. Matatandaan kasi na hindi naging maganda ang kinahinatnan ng huling nila pag-uusap.

“Alam ko na ayaw mo na akong lumalapit sa iyo ngunit nag-alala ako nang malaman ko ang nagyari sa iyo. Bakit? Ano ba ang iyong problema?” tanong ni Francis sa kaibigan. “Pagod na pagod na ako sa buhay na ito, pare. Gusto ko nang sumuko,” paglalahad ni Allan.

“Wala akong matawag na pamilya. Walang nakakaintindi sa lungkot na nararamdaman ko. Ang akala ng lahat ay matibay ako ngunit ang lahat ng iyon ay pagbabalatkayo lamang. Hindi ko alam kung paano ko mailalabas ang galit ko sa mundo! Inggit na inggit ako sa iyo, alam mo ba iyon? May maayos kang pamilya. May nag-aalaga sa iyo. Ako? Pinapadalhan ng kwarta. Ibinibili ng kung anu-ano. Para saan? Para mapagtakpan ang lahat ng kanilang pagkukulang! Bakit mas pinili ni mommy na iwanan ako kay daddy? Alam niyang hindi magiging madali ang buhay ko sa aking ama pero mas pinili pa rin niyang iwanan ako kaysa sa isama. Inggit na inggit ako sa iyo!” galit na tugon ni Allan.

“Alam mo ba na mas naiinggit ako sa iyo?” sambit ni Francis.

Hindi maintindihan ni Allan kung bakit nasabi ito ni Francis sapagkat paano naman ito maiinggit sa tulad niyang isang pariwara. At kung ikukumpara ang buhay niya sa buhay nito ay walang-wala siya sa kalingkingan nito.

“Naiingit ako sa iyo, pare, sapagkat hawak mo ang buhay mo. Ako, hindi ko alam kung hanggang kailan pa ang itatagal ko,” dagdag ni Francis.

“Anong ibig mong sabihin, pare?” pagtataka ni Allan. “Noong nakaraang buwan ay lumabas na ang resulta ng mga pagsusuri ng doktor. Mayroon akong malubhang karamdaman. Hindi nila alam kung hanggang kailan na lang ako mabubuhay. Pwedeng bukas ay wala na ako ngunit pinakamatagal na raw ang isang taon. Alam mo, pare, natatakot ako,” paglalahad ni Francis.

Naalala ni Allan ang huling pag-uusap nila ng kaibigan nung ipinagtabuyan niya ito kahit na sinapo ni Francis ang ilang mga suntok na para sana sa kaniya. May sakit na pala ang binata noong araw na iyon.

“Kung nais mong wakasan ang iyong buhay ako ang nais ko naman ay bumili ng buhay upang madagdagan ang sa akin. Ngunit ito ay imposible. Maaaring dumaan ako sa gamutan ngunit walang kasiguraduhan na ako ay gagaling. Kaya naiinggit ako sa iyo, pare. Kasi kahit na sinusukuan mo na ang buhay ay patuloy pa rin ito sa pagbibigay sa iyo ng pagkakataong masilayan ang bukas. Maaari mo pang itama ang iyong mga pagkakamali, Allan. Hindi pa huli ang lahat. Kung malaki ang hinanakit mo sa iyong mga magulang gawin mo itong inspirasyon upang mabuhay ka ng tuwid. Huwag kang mawawalan ng pag-asa,” nakangiting sambit ni Francis.

Nagulat man si Allan sa pag-aming ginawa ng matalik na kaibigan ay nalinawan naman ang kaniyang isipan. Tunay ngang hindi pa huli ang lahat para sa kaniya. Hindi man niya magawang buuin muli ang nasira niyang pamilya ay kaya naman niyang buuin muli ang sarili.

Muling bumangon si Allan sa kaniyang pagkakadapa. Binago niya ang kaniyang sarili. Pinag-igihan na niya ang kaniyang pag-aaral. Muli rin siyang nakabalik sa basketball team dahil na rin sa kaniyang pagpupursigi. Hindi na rin siya nasangkot sa kahit ano pang kaguluhan.

Napagtanto niya na walang perpekto dito sa mundo. Hindi makakatulong sa iyong pag-unlad ang pagtingin lamang sa iyong kakulangan bagkus ay dapat mong makita ang lahat ng kakayahang mayroon ka at gamitin ito upang mapabuti ang iyong kinabukasan. Sa muli niyang pagbangon ay dala niya ang mga aral sa buhay ng kaniyang matalik na kaibigan na ngayon ay masaya siyang pinapanood mula sa kalangitan.

“Nasaan ka man ngayon, kaibigan, dahil sa mga pangaral mo, alay ko sa iyo ang aking pangalawang buhay,” bulong ni Allan sa sarili.

Advertisement