Hindi makapaniwala si Alma na sa loob ng isang taon ay pitong trabaho na ang kaniyang napapasukan at ni isa sa mga ito ay hindi man lamang siya tumatagal. Kung hindi kasi nalulugi ang mga ito ay natatanggal siya sa trabaho. Tila kakambal na ata niya talaga ang kamalasan.
“Nay, alam niyo malapit na kong maniwala sa mga kapitbahay na may balat daw ako sa pwet. Parang lagi kasing nakabuntot sa akin ang kamalasan. Mantakin niyo pang pitong trabaho ko na ito. Nganga na naman!” wika ni Alma sa kaniyang inang si Aling Edith.
“Hay, naku, anak! Huwag kang sasang-ayon sa mga iyon. Tandaan mo tayo ang gumagawa ng ating kapalaran,” sagot ng ina.
“Eh, anong tawag niyo, nay, dito sa mga nangyayari sa akin? Grabe naman kung nagkakataon lamang! Kasi pito, nay! Hindi dalawa kung ‘di pito!” Gusto nang maiyak ni Alma ngunit dinadaan na lamang niya ang lahat sa biro.
“Eh, magtiis ka na lamang muna. Pasasaan din at makakakita ka rin ng bagong trabaho. Tapos magsasara ito!” pang-aasar ni Aling Edith sa anak.
Naisip ni Alma na kung wala siyang swerte dito ay baka sa ibang bansa niya matatagpuan ang kaniyang kapalaran kaya agad siyang humanap ng trabahong mapapasukan sa ibang bansa.
“Anak, sigurado ka na ba riyan sa gusto mo? Ako ang nangangamba sa iyo. Alam mo namang…” Hindi pa man nakakatapos si Aling Edith sa kaniyang sasabihin ay binara na siya agad ng anak. “Malas ako, nay? Nay, naman! Sabi niyo nung una ay magtiyaga ako at pasasaan rin ay makakahanap ako ng trabaho. Ngayong narito na ayaw niyo naman akong payagan,” sambit ng dalaga.
“Iba na kasi, anak, kapag malayo ka. Nakita mo naman ang mga balita sa telebisyon. Maraming karumal-dumal na pangyayari ang nagaganap sa ibang bansa. Lapitin ka pa naman ng kamalasan! Kung ako sa iyo huwag ka na lang umalis,” pakiusap ng ina.
Ngunit buo na ang desisyon ni Alma na mangibang bansa. Labag man sa kalooban ng ina ay wala na itong nagawa kung ‘di ipagdasal na lamang ang kaligtasan ng anak. “Diyos kong mahabagin, ingatan niyo po ang aking anak. Diyos ko, ipatawas ko muna kaya siya bago umalis.”
Nang nakarating sa ibang bansa si Alma ay dali-dali siyang tumawag sa kaniyang ina. Habang nagkukwento kay Aling Edith tungkol sa pagkamangha niya sa paligid ay hindi sinasadya na nalaglag niya ang telepono sa isang balon. Sa lalim ng balon ay inabot pa ng halos isang minuto bago niya narinig ang paglaglag nito sa tubig.
“Diyos ko po! Ngayon pa talaga? Bakit kasi kung saan-saan pa ako tumitingin, eh! Paano na iyan ngayon? Pwede kayang mag-wish na lang ako. Tutal nalaglag naman ang selpon ko sa balon. Aba! Apat na libo iyong telepono ko, ah!” kinakausap na naman ni Alma ang kaniyang sarili.
At hindi pa rito nagtatapos ang kapangyarihan ng tila balat niya sa pwet sapagkat ang trabaho na kaniyang inaasahan ay hindi pala totoo. Niloko lamang siya ng agency na kaniyang pinag-applyan.
Hindi alam ni Alma kung paano niya sasabihin sa ina ang sinapit niya sa ibang bansa ngunit ang mas iniintindi niya ngayon ay kung paano niya pagkakasyahin ang salapi na hawak-hawak niya. Ni wala man lamang siyang matutuluyan.
“Naku! Mga hay*p na manggagantso na iyon! Lahat ng ipon ko naibigay ko sa kanila. Paano na lamang ang inutang kong sa bumbay?” daing ng babae.
Mataimtim na nanalangin ang dalaga. Matapos nito ay bumili siya ng pagkain sapagkat sadyang kumakalam na ang kaniyang tiyan. Tinitipid niya ang nalalabi niyang salapi. Pinag-isipan niyang maigi kung ano ang kaniyang kakainin. Kailangan ito ay mura at mabigat sa tiyan upang hindi siya madaling magutom. Alam niya na kapag siya ay gutom ay hindi siya makakapag-isip ng maayos. Bumili siya ng isang malaking tinapay.
“Grabe itong tinapay na ito. Kulang na lamang ay maging bato sa tigas!” wika niya. “Pero ayos lang kasi siguro ay mabagal itong masira,” pagpapatuloy ng dalaga.
Sa hindi kalayuan ay may isang madungis na binata. Pilit itong nanghihingi ng tulong sa mga nagdaraan na tao ngunit walang pumapansin sa kaniya dahil sa kaniyang itsura.
“Ano ba iyan! Bakit ako naaawa sa lalaking iyon, eh, ilang araw lamang ay baka kasama na niya ako sa pormahang taong grasa! Hay naku, Alma. Huwag mo siyang bigyan kasi baka ikaw naman ang mawala sa sariling katinuan kapag nagkataon,” pakikipag-usap ni Alma sa sarili.
Ngunit hindi niya napigilan ang sarili at dali-dali niyang pinuntahan ang lalaki at inalok ng tinapay na hawak niya. Sa gutom ng lalaki ay halos maubos na niya ito.
“Teka, teka, teka, kuya! Ano ba yan, PG lang? As in patay-gutom? Magtira ka naman! Sa akin yan, eh. Parang gusto mo yata na dalawa tayong maging patay-gutom ng lansangan, eh!” wika ni Alma sa lalaki. Halos mahirinan kasi ito sa pagkain.
“Kuya, nginunguya iyan!” bati ni Alma ngunit kahit anong sabihin ng dalaga ay hindi siya nito naiintindihan.
Matapos na mapagsaluhan ang tinapay ay agad kinausap ni Alma ang lalaki upang malaman kung saan ito nanggaling. Ang sinabi ng lalaki ay isa itong anak ng sultan sa isang mayamang bansa at kinidnap lamang siya. Nagawa niyang tumakas ngunit hindi niya alam kung paano makakauwi. Matagal na siyang pagala-gala at nanghihingi ng tulong ngunit walang naniniwala sa kaniya dahil na rin sa kaniyang itsura.
“Sa totoo lang kasi, ginoo, mas mukha kang ermitanyo o hindi kaya naman ay miyembro ng sindikato kaysa sa anak ng sultan. Ano ba iyang sinasabi mo? Dala ba ng gutom mo iyan? Dapat kasi nagkakakain ka. Heto, uminom ka naman para mabawas-bawasan iyang amats ng utak mo,” natatawang alok ni Alma sa lalaki.
Kahit na nagdadalawang isip na baka mapahamak siya ay sinamahan pa rin ni Alma ang lalaki sa embahadang tinutukoy nito sapagkat nagpupumilit ang lalaki. Ang natitira niyang salapi ay muling nabawasan. Doon ay iniwan na lamang ng dalaga ang lalaki at hindi na niya muling nakita pa.
Tatlong araw ang lumipas at gusto na ring isuko ni Alma ang kaniyang sarili sa embahada ng Pilipinas upang siya ay makauwi. Ilang araw na rin niyang naging tahanan ang lansangan. Halos ubos na rin ang kaniyang pera.
Kahit na siya ay problemado ay pinipilit pa rin ni Alma na mag-isip ng paraan. “Nandito naman ang aking pasaporte, pumunta na kaya ako sa embahada. Naaawa na ako sa sarili ko. Para lang akong sosyal na namamalimos. Sosyal kasi nasa ibang bansa ako!”
Tumatawang mag-isa si Alma nang biglang huminto ang isang lalaki sa kaniyang harapan. Isa itong mayamang binata at ang lalim ng titig sa kaniya.
“Ah, maaari po bang huwag niyo po akong paalisin? Nag-iisip naman ho ako ng paraan kung paano ako makakaalis rito. Sa ngayon kasi kailangan ko talaga ng matatambayan para kahit papaano ay hindi naman ako pagala-gala rito. Pakiusap!” pagmamakaawa ni Alma.
Ngumiti lamang sa kaniya ang lalaki at umupo ito sa kaniyang tabi. Inilabas nito ang isang tinapay at inalok siya na pagsaluhan nila.
“Teka lang. Baka naman may gayuma ito o kaya sinisindikato mo na ako, ha! Sinasabi ko sa iyo wala kang mapapala sa akin. Hindi ako kagandahan!” saad ni Alma.
Tumawa nang malakas ang lalaki. “Nakakatuwa ka talaga. Hindi mo na ba ako natatandaan? Ako iyong lalaking natulungan mo noong isang araw. Nakabalik na ako sa aming bansa at agad akong bumalik rito upang ikaw naman ang aking tulungan. Mabuti ang iyong puso at karapat-dapat na ikaw ay gantimpalaan,” wika ng lalaki.
Laking gulat ni Alma nang mapagtanto niyang totoo pala ang mga sinabi sa kaniya ng lalaki. Isa nga itong anak ng sultan at matagal na itong nawawala. Tinulungan siya ng lalaki at dinala sa kanilang bayan. Sa wakas din ay natawagan na niyang muli ang ina na alalang-alala na sa kaniyang kalagayan. Ikinuwento niya ang lahat ng nangyari mula nung malaglag ang kaniyang telepono sa balon.
Binigyan ng anak ng sultan si Alma ng trabaho. Ginawa niya itong personal niyang tagapangalaga. Naging malapit ang loob nila sa isat-isa hanggang sa tuluyan ng nahulog ang loob ng binata kay Alma. Hindi naglaon ay niyaya niyang maging asawa si Alma.
Sa pagkakataong iyon ay hindi na tumanggi pa ang dalaga sapagkat gusto na rin niya ang lalaki. Ika nga niya magiging mapili pa ba siya? Namuhay ng masaya at masagana ang dalawa. Makalipas ang ilang taon ay biniyayaan sila ng anak. Pagkapanganak ni Alma ay agad niyang tinignan ang puwet ng kaniyang anak para malaman kung may balat ito.
Halos tanggapin na noon ni Alma na walang swerte ang kaniyang kapalaran. Ngunit ibang maglaro ang tadhana. Sino ba naman ang mag-aakala na sa dami ng kamalasan dumating sa kaniyang buhay ay mayroon palang swerteng naghihintay sa kaniya?