Sa sobrang bait ni Aling Martha ang palagay ng panganay na anak niyang si Gleen ay inaabuso na siya ng mga kapatid niya o ng ibang tao. Sa tuwing nangangailangan kasi ang mga kapatid nito ng tulong ay walang ibang bukambibig ang mga ito kung ‘di ang pangalan ng kaniyang ina.
“Ate Martha,” nag-aalalang tawag ng tiyahin ni Gleen na si Mae. “Ate, tulungan mo naman ako. Nagsuka ng dugo si Calvin. Kailangan ko siyang madala agad sa hospital,” mangiyak-iyak na wika nito.
Dali-dali at walang pagdadalawang isip na kinuha ng ina ni Gleen ang pitaka at sinamahan ang kapatid sa ospital upang maipagamot ang pamangkin na may sakit.
Marami pang ginagawang kabutihan ang ina ni Gleen hindi lang sa mga kapatid nito kung ‘di pati na rin sa mga kapitbahay nilang nangangailangan. Minsan nga ay naiisip na ng anak na pwede nang tumakbo bilang chairwoman ng barangay ang nanay niya.
Masakit nga lang isipin na ang palaging nangyayari ay kilala lang ng mga tao ang nanay ni Gleen tuwing may kailangan lang sila sa kaniya ngunit kapag wala ay parang hangin lamang ang babae para sa lahat ng taong natutulungan niya.
Katulad na lang ngayon. Kaarawan ng kaniyang pinsan ngayon pero ang abutan sila ng kahit kaunting pagkain ay hindi magawa ng mga kamag-anak nila.
“Ma, birthday pala ng pamangkin mong si Brix. Hindi ka man lang nila naalalang imbitahan. Samantalang kapag sila ang nangangailangan ay ang bango-bango ng pangalan mo sa kanila,” naiinis na wika ni Gleen sa ina na tanging ngiti lamang ang naging tugon sa kaniya.
“Dapat kasi tinitiis mo ang mga kapatid mo. Ang kakapal ng mga mukha, eh,” naiiritang dagdag ng binata.
“Gleen, tama na iyan! Hindi kita pinalaking ganiyan, ah. Hayaan mo sila kung naaalala lang nila ako kapag may kailangan sila sa’kin. Ang mahalaga ay naaalala pa nila ako,” ani ni Martha sa anak.
Bilib din talaga si Gleen sa kabaitan ng kaniyang ina. Hindi niya alam kung bakit ganito kalambot ang puso nito. Kahit sa mga kapatid niyang mga pasaway ay hindi niya nakitaan ang ina na nagalit ng sobra sa mga ito. May pusong mamon nga raw ito ayon sa lahat ng nakakakilala rito.
“Pero kasi, ma, nakakapikon, eh! Kapag sila ang may kailangan sa’yo para silang mga tuta na sobrang bait ang itsura ng mga mukha pero kapag wala na silang kailangan at walang mga problema akala mo ay mga leon ang mga ito kung umasta at hindi man lang mailingon ang leeg upang tignan ka,” reklamo ni Gleen.
“Gleen, ganun naman talaga ang tao. ‘Di ba nga humihiling lang tayo sa Diyos Ama kapag may nais tayong hilingin sa kaniya? Naaalala lang natin siya kapag nasasaktan tayo, kapag hindi na natin kaya ang buhay at kapag may malubha tayong sakit. Pero kahit ganun nagalit ba siya sa’tin? Nagagalit ba ang Diyos kapag hindi ka nakakapagsimba kahit isang beses sa isang linggo man lang? Nagalit ba siya sa’tin kasi nakakalimot tayong kumustahin siya araw-araw? ‘Di ba nga kapag masaya tayo hindi natin naaalala ang Diyos Ama pero kapag malungkot tayo doon natin naiisip na may Diyos pala? Ganun lang din iyang mga tiyahin at pinsan mo. Kaya unawain mo sila ng maigi at huwag magmaktol,” mahabang paliwanag ng ina dahilan upang kahit papaano ay maunawaan niya ang kanilang mga kamag-anak.
“Kahit hindi nila ako naaalala ang mahalaga ay nandito ako para kanila,” dugtong pa ng ina.
“Bakit ang bait mo, ma? Siguro kung ako ang nasa sitwasyon mo hinding-hindi ko sila tutulungan kapag nagipit sila. Ipapamukha ko sa kanila ang ginawa nila sa’kin nung wala silang problema,” ani ni Gleen.
“Gleen, huwag ganun dahil masama iyon. Hangga’t may maitutulong ka tumulong ka nang walang hinihinging kapalit. Darating ang araw na iyong mga taong tinulungan mo ay tutulungan ka din kahit hindi mo iyon hinihingi sa kanila,” wika ng ina.
Isang araw ay umuwi si Gleen na nagkakagulo ang buong barangay nila. Ang sabi ay may sunog daw. Kaya agad siyang tumakbo upang hanapin ang kaniyang pamilya. Malapit lang sa bahay nila ang sunog. Nag-aalala siya kung nasaan na ang mama at papa niya. Habang abala ang mga bumbero sa pagp*tay ng malaking apoy ay may mga kalalakihan namang nagbabayanihan sa itaas ng bubong nila upang basain iyon para hindi hagipin ng apoy. Mainit ang paligid dahil sa malaking sunog na naganap pero walang pakialam ang mga lalaking nagtutulungan.
Nakita niya ang mama niya na yakap-yakap ng mga kapatid nito. “Kumusta ang bahay natin, Gleen? Nasunog na rin ba?” mangiyak-iyak na tanong ni Martha.
“Alam mo bang ayaw pang umalis ng mama mo sa bahay niyo kahit na nasusunog na ang katabi niyong bahay. Kung hindi siya kinarga ng Tito Alfonzo mo ay baka hanggang ngayon ay nandun pa rin siya,” mangiyak-ngiyak rin na sumbong ng kaniyang tiyahin na si Mae.
Nais umiyak ni Gleen sa sinabi ng tiyahin. Tama ang kaniyang mama tumulong ka hangga’t may maitutulong ka dahil darating ang araw na ibabalik sa’yo ang lahat ng naitulong mo hindi mo man iyon hinihingi. Ligtas ang kaniyang ina dahil sa mga kapatid nito. Hindi pa nasusunog ang bahay nila hanggang ngayon dahil sa bayanihan ng mga kapitbahay nila.
“Hindi pa po nasusunog ang bahay, ma. Salamat sa mga kapitbahay natin,” ani ni Gleen at agad na niyakap ang ina.
Ngayon ay napagtanto ni Gleen ang lahat. Ang salitang tulong ay dapat talagang nanggagaling sa puso ng tao. Gaya ng nanay niyang si Martha. Sobra siyang matulungin, mabilis lapitan at walang hinahangad na kapalit kaya nung dumating ang araw na siya naman ang nangailangan, kahit hindi niya hiniling ay kusa itong ibinigay sa kaniya ng lahat.