Inday TrendingInday Trending
Lihim na Trabaho

Lihim na Trabaho

“Utoy, ano ba talagang trabaho mo? Bakit ang dami na naman nating grocery ngayon? May isang kabang bigas pa. Tsaka bakit minsan ka na lang umuwi ng bahay? Nag-aalala na ako sa’yo,” pag-uusisa ni Mang Pedring sa anak habang binubuklat ang mga supot na naglalaman ng mga groceries.

“Tay, huwag niyo na pong tanungin. Ang mahalaga ay may makakain kayo sa loob ng isang buwan. Tsaka huwag na kayong mag-alala. Okay naman ako sa trabaho ko. Doon na ako pinapatulog ng amo ko,” sagot naman ni Utoy tsaka tinapik-tapik ang likuran ng tatay niya.

“Nak, tandaan mo, ha. Mas mabuti nang magutom tayo kaysa may makakain nga tayo galing naman sa maruming trabaho,” pagpapaalala naman ni Mang Pedring. Bahagya namang napaisip ang anak.

“Opo, tay!” pagsang-ayon nito ni Utoy. “O, ito pa po, panggastos niyo dito. Tsaka ibili niyo po ng isang laruan si bunso,” dagdag pa ng binata tsaka inabot ang isang puting sobre na naglalaman ng pera at nagpaalam nang umalis.

Laki sa hirap ang binatang si Utoy. Ni hindi siya nakapag-aral o nakatamasa man lang ng isang laruan noong bata pa. Kaya naman ngayong nasa tamang edad na siya lahat ng trabaho ay kaniyang pinasukan para maparanas sa mga nakababatang kapatid ang sarap ng buhay.

Tulad nga ng sabi ng kaniyang tatay minsan na lamang umuwi ng bahay ang binata. Doon na siya tumitigil sa bahay ng amo niya upang kapag kinakailangan siya ay agad siyang masasabihan.

“Utoy, samahan mo nga si Banjo doon sa palengke. May nakita raw siyang mayamang kumakain sa lugawan. Kailangan niya daw ng backup,” sambit ng boss ni Utoy. Agad namang napabangon sa pagkakahiga ang binata.

“Sige, boss! Akin na po ang susi ng motor.” Tsaka humarurot si Utoy papuntang palengke.

Nakita ni Utoy si Banjo na kumakain ng lugaw sa likuran ng kanilang target. Mayamaya pa ay gumapang na ang kamay nito at mabilis na kinuha ang bag. Agad namang nag-abang sa harapan ng lugawan si Utoy. Paglabas ni Banjo ay bitbit na niya ang bag ng isang babae. Sumakay ito sa motor at tsaka mabilis na umalis ang dalawa. Rinig na rinig nila ang sigawan ng mga tao sa lugawan.

Pagdating nila sa bahay ng kanilang boss ay agad nitong binuksan ang bag at lumantad sa kanila ang sandamakmak na dolyar.

“Hanep na babae naman iyon! Kakain lang sa lugawan ganiyan kadaming pera ang dala?” pabirong tanong ni Utoy.

Ngunit tila napaisip ng malalim ang kanilang boss.

“Oo nga. Ayan tuloy nadali ng mga kawatan!” tawang-tawang segunda naman ni Banjo.

Napatigil naman ang dalawa sa kakatawa nang magsalita na ang kanilang boss.

“Saglit. Hindi talaga kayo nag-iisip! May normal na tao bang magdadala ng ganito kadaming pera sa lugawan? Peke ang mga ito. Na-setup tayo, mga gunggong kayo! Bilisan niyo umalis na tayo dito,” inis na sabi ng lalaki tsaka mabilis na kumuha ng baril at mga bala. “Doon ang daan sa likod,” dagdag pa nito.

Agad namang sumunod ang dalawa kahit pa nababalot na sila ng kaba. Ngunit pagkabukas nila ng pintuan sa likuran ng bahay ay hindi mabilang na baril na ang nakatutok sa kanila.

“Diyos ko,” sabay-sabay nilang bulong.

Tatakbo na sana sila papasok ngunit may mga pulis na rin sa kanilang likuran. Wala na silang nagawa kung ‘di sumuko at sumama sa mga pulis sa presinto.

Lumong-lumo naman ang binatang si Utoy habang pinagmamasdan ang posas na nakakabit sa kaniyang mga kamay. “Patawarin mo ako, tatay.” bulong niya sa kaniyang sarili.

Nabalitaan ni Mang Pedring ang nangyari sa anak kaya agad niya itong pinuntahan. Maluluha itong humarap sa anak.

“Utoy ko, sabi ko naman sa’yo okay nang magutom kami ng mga kapatid mo kaysa naman…” iyak ni Mang Pedring sa anak ngunit hindi nito natuloy ang pagsasalita dahil labis na itong naiiyak sa mga nakikita’t nangyayari.

“Opo, tay. Pasesnya na po kayo. Hindi ko po kayo sinunod,” paghingi ng tawad ng binata tsaka niyakap ang ama sa pagitan ng mga rehas ng selda.

Nakulong nga ng mahigit isang buwan ang binata ngunit laking gulat niya nung isang araw ay bigla na lamang siyang pinapalaya ng mga pulis.

“Piniyansahan ka ng tatay mo. Maaari ka nang lumabas! Gumawa ka ulit ng katarantaduhan, ha,” biro sa kaniya ng isang pulis.

Labis naman ang sayang bumalot sa puso ni Utoy lalo na nang makita niya ang kaniyang tatay na naghihintay sa labas.

“Tatay! Saan niyo po nakuha ‘yong perang binayad niyo? Mahigit kumulang kalahating milyon ‘yon, ‘di ba?” agad na pag-uusisa ng binata tsaka yumakap nang mahigpit sa kaniyang tatay.

“Hindi ko ginastos ‘yong perang binibigay mo sa’kin noon. Alam ko kasing balang araw kakailanganin mo iyon. Wala na tayong ni pisong pera na galing sa marumi mong trabaho dati kaya magbagong buhay ka na, ha,” pangangaral ng ama.

Nangako naman ang binata na maghahanap siya ng disenteng trabaho.

Lumipas ang mga buwan at tuluyan na ngang nagbago ang binata. Nakahanap siya ng trabaho sa isang karinderya bilang tagahugas ng plato. Hindi man malaki ang kinikita niya malinis na trabaho naman ang mayroon siya.

Dahil sa hirap ng buhay madalas napapakapit tayo sa patalim ngunit lagi nating tandaan na lahat ng aksyon at desisyong ginagawa natin ay may kaakibat na karma at responsibilidad. Mangyari lamang na maging maingat ka at gawin ang tama.

Advertisement