“Jon, tara muna sa department store diyan sa malapit. Tayo’y magpagpag at galing tayo sa lamay.”
Napataas ang kilay ni Jon sa narinig. Nakipaglamay kasi sila ngayon sa kapapanaw lang nilang kaibigang si Gio na naaksidente sa daan habang sakay ng motorsiklo nito. Alas kuwatro na ng umaga’t malapit nang sumikat ang araw tapos iyon pa ang sinasabi sa nito kaniya.
“Anong pagpag? Twenty-nineteen na naniniwala ka pa sa ganiyan?” natatawa’t may pang-aasar namang sagot ni Jon sa kaibigang si Kelly sabay kagat sa sandwich na hawak niya.
“Tignan mo itong taong ‘to. Wala namang masamang sumunod sa mga pamahiin ng matatanda. Wala rin namang mawawala sa iyo kung gagawin mo ‘yon. Tsaka iwanan mo na nga ‘yang pagkain! Bawal mag-uwi niyan,” paglilitanya pa ni Kelly.
Hindi naman iyon pinakinggan ni Jon. “Ewan ko sa’yo, pare. Napaka-old school mo naman. Huwag ka na ngang manonood ng mga horror movies para hindi naaapektuhan ‘yang utak mo,” tatawa-tawa pang sagot ni Jon na tinugon na lang ng pag-iling ni Kelly.
Dahil doon ay hindi na nagsabay pa ang dalawa sa pag-uwi. Talaga raw kasing dadaan pa muna si Kelly sa sinasabi nitong department store para magpagpag habang si Jon naman ay didiretso na ng uwi.
“Gusto mo lang makalibre ng pamasahe kaya ka sasabay sa akin, eh,” ngising bulong ni Jon habang papalayo na si Kelly at siya naman ay papasakay na rin sa kaniyang motorsiklo.
Isinuot ni Jon ang kaniyang helmet at sinimulan nang ii-start ang motor bago ito paandarin.
Nasa kalagitnaan na ng highway noon si Jon nang makaramdam siya ng tila pananakit ng kaniyang likuran, baywang at tiyan. Pakiramdam niya ay may kaangkas siya na mahigpit ang pagkakayapos sa kaniya. Pilit namang iwinawaglit ni Jon sa utak niya ang ganoong isipin dahil hindi nga siya naniniwala sa mga pamahiin. Talagang desidido siyang diretsong umuwi pagkatapos makipaglamay.
Magbubukang-liwayway pa lamang kaya’t hindi pa gaanoon kaliwanag ang daan. Ngunit ano’t tila may naaaninag si Jon sa side mirror ng kaniyang motorsiklo? Bakit parang mayroon talaga siyang kaangkas at nakikipagtitigan ito sa kaniya ngayon sa salamin?!
“Pare?!” agad na naibulalas ng binata nang makilala ang hitsura ng kaniyang kakaibang kaangkas. Ito rin mismo ang bangkay ng kaibigang dinalaw nila ngayon sa lamay! “Pare, anong… ‘Di ba, wala ka na?!”
Ngunit hindi siya nakatanggap ng tugon mula rito. Bagkus ay lalo pang humigpit ang pagkakayapos sa kaniya ng kung sino mang nasa kaniyang likuran na naging dahilan upang kapusin sa hininga ang binata.
Nawala na sa daan ang kaniyang focus. Binalot ng matinding takot ang kaniyang dibdib at halos hindi na siya makahinga sa higpit ng pagkakayakap sa kaniya.
Gumewang-gewang ang manibelang sinasakyan ni Jon na naging dahilan upang bumundol siya sa kung saan-saan.
Biglang bumalik sa kaniyang alaala ang mga sinabi ni Kelly kanina. Sana pala nakinig na lang siya.
Dahil sa patuloy na paggewang niya’y humampas ang ulo niya sa isang posteng nabangga niya. Medyo malakas ang impact niyon at talagang umikot ang buong paligid ng binatang si Jon. Nasapo na niya ang kaniyang ulo at nakita ang likidong kulay pula na masaganang umaagos mula roon.
Nang mag-angat ng mukha ang liyo-liyo ng binata ay mas lalo pa siyang nahintakutan dahil nakita niyang nakatayo sa kaniyang harapan ang kaniyang pumanaw na kaibigang si Gio! Dinuduro nito ang mukha niya. Tila napakalaki ng galit.
Hindi naman na nagulat pa si Jon dahil alam niya ang tunay na dahilan ng galit nito.
Galing din sila noon sa lamay na magkakabarkada. Kaniya-kaniya silang dala ng sasakyan. Noo’y inaya rin sila ni Kelly na magpagpag muna bago dumiretso nang uwi ngunit agad niyang pinigil si Gio na sumama sa mga ito dahil hindi nga siya naniniwala roon. Bilang pagbibigay ay sinunod naman siya ni Gio para na rin may makasama siya sa pag-uwi dahil medyo lasing pa siya noong panahong iyon. Ngunit naaksidente ito’t natuluyan nang gabing iyon!
“Pare, patawarin mo ako!” iyon na lang ang tanging nasambit ni Jon bago tuluyang magdilim ang kaniyang paningin. Humandusay siya sa kaparehong lugar kung saan nakitang nakahandusay din noon ang kaibigan niyang si Gio na ngayon ay pumanaw na.
Nagising si Jon na siya’y nasa ospital at may tahi sa ulo. Ang buong akala niya’y katapusan na niya ngunit laking pasasalamat niya’t hindi ganoon ang nangyari! Nagsilbing aral kay Jon ang pangyayaring iyon kaya naman matapos nito’y naging mas maingat na si Jon. Totoo nga namang hindi masamang subukang sundin ang pamahiin lalo pa’t para naman ito sa ikabubuti mo.