Inday TrendingInday Trending
Ang Pansit ni Nanay

Ang Pansit ni Nanay

Nag-uwi ang nanay ni Buknoy ng pansit, kaarawan kasi ng bunso niyang kapatid na si Binoy. Nalaglag pa siya sa pagkakaupo dahil sa sobrang pagmamadali na salubungin ang kanyang ina. Si Biboy naman ay nasugatan pa sa pagmamadali. Natapakan nito ang matulis na bato na nakausli sa pagpasok sa kanilang bahay.

“Aray! Buwiset na bato ‘to! Perhuwisyo!” sambit ni Binoy. Nang tingnan ang niya ang talampakan ay may sugat iyon.

“Ayan kasi, sa sobrang pagmamadali mo ay nasugatan ka tuloy. Hindi ka naman mauubusan ng pansit ni nanay,” pang-aasar pa ni Buknoy sa kapatid.

Tatlo lang silang magkasama sa bahay. Kahit kailan ay hindi niya nasilayan ang kanyang ama. Ang sabi ng nanay niya ay isang beses lang nitong nakita tatay niya. Isa iyong Indianong kustomer at dati nang nagtatrabaho sa isang club noon sa Malate. Sa madaling salita ay siya ang resulta ng kalandian ng kanyang ina. Kaya nga putok sa buho ang tawag sa kanya. Iba naman ang ama si Binoy, Pinoy daw ang lahi at naging kaibigan ng ina nang nagtrabaho naman ito sa Olongapo.

“O mga anak maghugas na kayo ng kamay at kakain na tayo,” sabi ng kanilang ina habang inihahanda ang dalang pansit na binili nito sa karinderya.

“Inay, mabuti naman po at nakapag-uwi kayo ng pansit. Matagal na po iyang gustong matikman nitong si Binoy, e. Alam niyo naman po na paborito iyan ni bunso,” wika ni Buknoy.

“Medyo nakadelihensiya ngayon si nanay kaya nakabili ako ng pansit. May kustomer ako kanina at malaki ang ibinayad sa akin,” sagot ng ina.

Ang masayang mukha ni Buknoy ay napalitan ng lungkot. Alam na niya ang ginawa ng ina para maibili sila ng pansit. Sumiping na naman ito sa di kilalang lalaki para magkaroon ng pera para may panggastos sila sa araw na iyon at sa mga susunod pa. Kapag naubos na ay ra-raket na naman ito para muling magkalaman ang kanilang tiyan.

“Natahimik ka diyan, anak? May problema ba?” anito nang makita siyang malungkot at nakatulala.

“W-wala, wala po inay. Kakain na po ba tayo?” palusot niya rito kahit pa halo-halo na ang iniisip niya tungkol sa ina.

“Oo nga pala, nasaan na ba ang kapatid mo para makapag-umpisa na tayong kumain?” tanong ng ina.

“Aba, saan na naman kaya nagsuot ang lokong iyon? Kung kailan kakain at saka mawawala,” inis na wika ni Buknoy sabay kamot sa ulo.

Kung siya ay walong taong gulang, anim na taon naman ang kapatid niyang si Binoy. Matangkad lang siya ng kaunti rito. Kasabay niya palagi si Binoy sa paninisid ng bakal sa dagat. Mga bakal na naiiwan o nalalaglag mula sa mga barko. Iyon ang pinagkukunan nila ng kitang magkapatid na ibinibigay naman nila sa ina para pandagdag sa gastusin nila sa araw-araw.

Naalala niya nang minsan nakatsamba sila ng malaking bakal. Mabigat iyon at anim na kilo ang inabot. Kumita sila ng singkwenta pesos. Para sa kanila, iyon na yata ang pinakamalaking halagang kinita nilang dalawa. Ang sampung piso ay ipinambili nila ng tinapay para may makain sila sa meryenda.

Naisip nga ni Buknoy na masuwerte na silang magkapatid dahil kahit paano ay mayroon silang ina na kasama nila sa buhay. Masuwerte rin sila dahil kahit sila ay mahirap, hindi nila naranasan ang manirahan sa kalsada. Kahit pinagtagpi-tagping yero at playwud lang ang bahay nila, mayroon pa rin silang nasisilungan kapag umuulan.

Mayamaya ay nagpakita na sa kanila si Binoy.

“Saan ka ba galing na bata ka? Maupo ka na sa mesa at kakain na tayo, utos ng ina kay Binoy.

“Galing po ako sa likod-bahay, nanguha po ako ng kalamansi sa tanim ni Aling Bering. Napansin ko po kasi na walang kalamansi ang dala niyong pansit kaya namitas ako,” paliwanag ni Binoy.

“Ay, pasensiya na. Hindi ko napansin na wala palang kasamang kalamansi ang binili kong pansit kay Aling Chayong,” anito.

Inilabas na ng kanilang ina ang mga plastik na platito at tinidor. May kinuha rin ito sa isa pang supot na bitbit nito kanina. Inilibas nito ang isang maliit na kahon na nakabalot sa dyaryo.

“M-may regalo si inay kay Binoy?” takang tanong ni Buknoy sa isip.

Napangiwi na lang siya sa inggit. Hindi naman kasi ganoon ang nangyari noong kaarawan niya. Kinantahan lang siya ng ina at ng kapatid at pagkatapos ay natulog silang kumakalam ang mga tiyan. Nang araw na iyon ay hindi nakadelihensiya ang kanilang ina kaya wala silang panghanda. Walang pansit at walang regalo.

Maya-maya ay naramdaman ni Buknoy ang malakas na ulan sa labas ng kanilang bahay. Malakas ang tulo ng tubig sa bubong hanggang hindi niya namalayan na may pumapatak na palang tubig sa mukha niya.

“T-teka, bakit may pumapatak sa mukha ko? May butas po ba ang bubong natin?” aniya habang pinapahid ng puting tuwalya ang kanyang mukha.

Bigla siyang naguluhan.

“Nasaan ang pansit ko? Si nanay? Si Binoy?” bulong niya sa sarili ngunit di nagtagal ay naalala rin niya ang lahat. Malakas ang tulo ng tubig-ulan na nagmumula sa butas ng kanyang payong na bitbit.

“Nakatulog pala ako habang naghihintay sa waiting shed ng masasakyan,” sambit niya.

Wala na ang nanay niya at wala na rin si Binoy. Mag-isa na siya ngayon sa buhay. Ilang taon na mula nang nangyari ang pagguho ng lupa sa kinatitirikan ng kanilang bahay sa kasagsagan noon ng malakas na bagyo. Sinawimpalad ang kanyang ina at ang kapatid sa pagguho at siya lamang ang masuwerteng nakaligtas.

Sa ngayon ay tuloy pa rin ang buhay ni Buknoy. Mula sa pagiging mahirap, isa na siya ngayong empleyado ng gobyerno. Nang maulila ay kinupkop siya ng isang organisasyon na tumutulong sa mga kagaya niyang ulila. Pinag-aral siya at nakapagtapos ng may karangalan hanggang sa maabot niya ang kasalukuyan niyang estado.

“Inay, Binoy, para sa inyo ang tagumpay kong ito. Darating ang araw na magkakasama-sama na ulit tayo. Mahal na mahal ko kayo at miss na miss ko na kayo,” bulong pa ni Buknoy sa sarili bago tuluyan na sumakay ng dyip pauwi.

Advertisement