Inday TrendingInday Trending
Nang Sumalisi Ang Aking Mister

Nang Sumalisi Ang Aking Mister

Sinipat na maigi ni Erlinda ang kanyang sarili sa malaking salamin na nasa kwarto nilang mag-asawa. Perfect! Suot niya ang isang manipis na lingerie na binili pa niya ng sale sa isang mall.

Kahit naman nasa 45 na siya, masasabi niya sa sariling “may asim” pa siya. Hindi na nga lang siya kasing-seksi noon, subalit para kay Erlinda, katakam-takam pa rin siya mata ng mga lalaki, lalo na sa kanyang asawa.

Iyon ang iniisip niya. Malalaki na ang kanilang mga anak ni Romualdo at may sari-sariling pamilya. Sila na lamang dalawa sa kanilang bahay. Oo’t alam naman ni Erlinda na hindi na siya makakahabol pa upang magkaroon ng isa pang anak, subalit may hinahanap-hanap si Erlinda na matagal nang hindi naibibigay sa kanya ng asawa. Matagal na silang hindi nagsisiping. Mabuti pa ang mga orkidyas niya, laging nadidiligan.

Lagi naman siyang nangangalabit kay Romualdo, subalit tila lagi itong pagod mula sa trabaho bilang branch manager sa bangko. Hindi siya nagkulang sa pag gawa ng paraan upang maging kaakit-akit sa paningin ng asawa.

Nag-enrol siya sa isang zumba session at madalas ding mag-ehersisyo. Kung ano-ano na ring pamahid ang inilalagay niya sa kanyang mukha at katawan upang mapanatili at magmukhang laging bata at sariwa. Subalit wala pa ring epekto kay Romualdo.

Agad na nagwisik ng kanyang mamahaling pabango si Erlinda nang marinig na niya ang dumating na sasakyan ni Romualdo. Kunwari, magtutulog-tulugan na siya. Nariyan naman ang kanilang kasambahay na si Perlita, 20 taong gulang, na nagmula pa sa Negros. Ito na ang magbubukas ng gate at pinto para kay Romualdo. Dalawang taon na ito sa kanila.

Masipag naman si Perlita, bagama’t minsan ay napapagalitan niya dahil “mali-mali” ang kilos. Marami na itong mga pinggan at muwebles na nababasag sa bahay, subalit ito ay pinagpapasensyahan naman ng kanyang asawa. Hayaan na lamang daw.

Makalipas ang halos dalawampung minuto, hindi pa rin pumapasok sa kwarto ang asawa. Nainip na si Erlinda. Nasa momentum pa naman siya ngayon, at sa malas ay masisira na. Minabuti niyang bumaba upang tingnan kung nasaan si Romualdo. Pagkababa niya, nakita niyang kumakain ito sa komedor.

“O mommy, gising ka pa pala?” bungad ni Romualdo kay Erlinda. Lumapit si Erlinda sa asawa at siniil ng halik sa labi.

“Tulog na ako kanina pa. Narinig ko lang ang pagdating mo,” matabang na tugon ni Erlinda. Nawala na ang kaninang “maitim” na plano sa asawa. Hindi man lang nito pinuri ang kanyang suot o hitsura.

“Hindi kasi ako kumain sa opisina. Buti na lang at gising pa si Perlita. Nagpahain ako ng pagkain.”

Lumabas mula sa kusina si Perlita na may hawak na tray na naglalaman ng pitsel ng tubig at baso. Nakasuot na lamang ito ng manipis na pambahay.

“Perlita, matulog ka na, ako na ang bahala sa sir mo…” utos ni Erlinda kay Perlita. Hindi niya gusto ang napakanipis na suot ni Perlita, na halos bakat na bakat ang kaloob-looban nito.

“Ay sige po ma’am, sir, good night po…” sumulyap ito kay Erlinda at kay Romualdo, at bumalik na sa kwarto nito.

Matapos kumain, nahiga na ang mag-asawa. Niyakap ni Erlinda si Romualdo.

“Daddy, masamang mahiga kapag busog. Huwag ka munang matulog,” nang-aakit na bulong ni Erlinda kay Romualdo.

“Pagod na pagod ako, mommy. Gusto ko na matulog…” nakapikit na tugon naman ni Romualdo.

“Baka naman… gusto mong may gawin muna tayo, para matunaw agad ang mga kinain mo’t makatulog ka na,” umangat sa pagkakahiga si Erlinda at handa nang sunggaban ang asawa.

Subalit narinig na ni Erlinda ang paghilik ni Romualdo. Pabagsak na nahiga si Erlinda. Nadismaya na naman siya. Lagi na lang siyang tinutulugan ni Romualdo. Minabuti niyang matulog na lang din.

Mga bandang alas tres ng madaling-araw, naalimpungatan si Erlinda. Wala sa kanyang tabi ang asawa. Naisip niyang baka umihi lamang o uminom ng tubig. Subalit hindi na nakatulog pa si Erlinda kaya naorasan niyang halos 30 minuto nang hindi bumabalik ito. Minabuti niyang bumaba upang alamin kung nasaan ang asawa.

Wala ito sa kusina at wala rin sa banyo. Saan nagpunta ‘yon? Takang tanong ni Erlinda. Napasulyap siya sa pinto ng kwarto ni Perlita. Kinabahan si Erlinda. May kung anong kutob ang biglang namayani sa kanyang dibdib.

Wala naman sigurong mawawala kung aalamin at kukumpirmahin niya ang kanyang naiisip. Pigil ang hiningang bubuksan na sana ni Erlinda ang seradura ng pinto ng kwarto ni Perlita nang bigla itong bumukas. Tumambad sa kanyang harapan si Romualdo.

Kahit madilim, kitang-kita niyang tinakasan ng kulay ang mukha nito pagkakita sa kanya.

“Anong ginagawa mo rito, hay*p ka!” Nanggagalaiting kompronta ni Erlinda sa asawa. Itinulak niya ito dahil nakaharang ito sa pinto. Pinigilan siya nitong makapasok sa loob ng kwarto ni Perlita subalit isang sampal ang pinakawalan niya sa mukha nito. Nabungaran ni Erlinda na nagbibihis si Perlita nang pang-itaas.

“Hay*p kang malandi ka!” galit na galit na sabi ni Erlinda at sinabunutan si Perlita. Kinaladkad niya ang kasambahay patungo sa sala. Pinatikim niya rito ang isang mag-asawang sampal.

“Haliparot! Wala kang utang na loob! Dito pa kayo gumagawa ng kababuyan sa sarili kong pamamahay!” nanlilisik ang mga mata ni Erlinda. Pumasok ito sa kwarto ni Perlita at inilagay sa loob ng maleta ang lahat ng gamit nito. Pagkatapos, itinapon ang mga ito sa labas. Umiiyak naman si Perlita.

“Ma’am, patawarin n’yo po ako. Si Sir po kasi…”

“Wala akong pakialam sa paliwanag mo. Lumayas ka na! Layas! O baka naman gusto mong kaladkarin pa kita?”

Lumabas na nga ng bahay si Perlita. Bitbit ang mga gamit, nagsimula na itong magtatatakbo palayo.

“Magpapaliwanag ako Erlinda—”

“Wala kang dapat ipaliwanag, Romualdo. Nakita ko ang nakita ko! Baboy ka! Hindi ka na nahiya sa akin! Kaya pala hindi ka na sumisiping sa akin, kaya pala tumatanggi ka na, dahil may iba ka na palang sinasagpang! Bakit? Porke ba’t matanda na ako, kaya ginaganyan mo ako?” lumuluhang sumbat ni Erlinda kay Romualdo.

Walang nagawa si Romualdo kundi umalis na lamang sa bahay na iyon. Kasalanan naman niya ang lahat. Naakit siya kay Perlita. Natangay siya sa tukso.

Nag-file ng annulment si Erlinda, at matapos ang isang taon, tuluyan na nga silang naghiwalay na mag-asawa. Buo naman ang suporta ng mga anak ng mag-asawa sa desisyon ni Erlinda, bagama’t iginagalang pa rin nila si Romualdo bilang ama. Si Perlita naman ay bumalik sa kanyang pamilya sa Negros at nagsimula ng panibagong buhay. Nagtungo na lamang si Erlinda sa Amerika upang makasama ang panganay na anak at maalagaan ang mga apo niya rito. Mas pinahalagahan niya ngayon ang kanyang sarili matapos ang naturang karanasan.

Advertisement