Inday TrendingInday Trending
Hindi Makakalimot ang Puso

Hindi Makakalimot ang Puso

“Nananabik na akong makita ang ating, anak. Sino kaya ang kamukha? Sana naman ako para matangos ‘yong ilong!” pangbubuyo ni Walter sa kaniyang asawang si Rachel. “Kahit kailangan talaga mapang-asar ka!” naiinis na tugon naman ng kaniyang misis. Kabuwanan na kasi nitong si Rachel at ano mang oras ay maaari na siyang manganak.

Halos tatlong taon na ring kasal sina Rachel at Walter. Mabilis ang naging takbo ng kanilang relasyon sapagkat nagpakasal sila kaagad kahit hindi pa nagtatagal ang kanilang relasyon bilang magkasintahan. Paano ba naman ay nahirapan ng husto si Walter na pasagutin ang dalaga. Galing kasi sa isang masakit na relasyon si Rachel at nawalan ito ng tiwala sa mga lalaki kaya mas pinili na lamang nito na ituon ang sarili sa pag-aaral hanggang sa magkatrabaho.

Tila pag-ibig naman sa unang pagkikita ang naramdaman ni Walter kay Rachel. Nang makita niya ito sa kanilang opisina ay hindi na ito nawala sa kaniyang isipan. Nang malaman ng binatang si Walter na mahirap mapa-ibig ang dalaga ay ginawa niya ang lahat para makuha ang kalooban nito. Matagal niyang sinuyo si Rachel. Kahit na ang pag-ibig ni Walter ay nabuo sa modernong panahon binibigyan pa rin niya ang dalaga ng mga love letters at madalas ay hinaharana niya ito.

Hindi naglaon ang lahat ng paghihirap at pagtiyatiyaga na ito ni Walter ay nagbunga. Sa wakas ay natanggap na rin niya ang matamis na “oo” ng dalaga. Pagkalipas naman ng isang taon ay niyaya na niya kaagad si Rachel na magpakasal.

“Walter, ikaw ang huling lalaking aking iibigin. Sa bawat sandali ng buhay ko ay hinding-hindi makakalimot ang aking puso sa lahat ng pagtiyatiyaga at pagmamahal na ibinigay mo sa akin. Kaya, oo, Walter, pumapayag na akong magpakasal sa’yo!” wika ni Rachel.

Walang mapagsidlang kaligayahan ang naramdaman ni Walter noong mga panahong iyon.

“Mahal! Mahal! Manganganak na yata ako!” sigaw ni Rachel habang namimilipit sa sakit. Agad naman siyang dinala ng asawa sa ospital.

Dahil suhi ang bata kinailangang operahan si Rachel upang mailabas niya ang sanggol. Naging maayos naman ang lahat. Isang malusog na batang babae ang bumungad sa kanila.

Laking tuwa ni Walter nang sa wakas ay nasilayan niya ang kaniyang anak. Sabik na sabik na siyang ikuwento ito sa kaniyang asawa na kasalukuyang nasa recovery room.

Nang iakyat na sa silid si Rachel ay tulog pa rin ito. Hindi umalis sa tabi niya si Walter sapagkat gusto niya na siya ang unang makita ng misis niya sa kaniyang paggising.

Laking tuwa ni Walter nung nagising agad ang asawa. Pagdilat ni Rachel ay tila nagugulumihanan ito sa mga nangyayari.

“Nurse!” tawag ni Rachel kay Walter. “Nurse, anong ospital ba ito? Tsaka nandiyan ba ang mommy ko? Pakitawag naman siya, please,” pakiusap ni Rachel.

Ang akala ni Walter ay nagbibiro lamang ang asawa kaya sinakyan niya ito. “Sige, Miss Maganda. Tatawagin ko ang mommy mo sa isang kondisyon. Ibibigay mo sa’kin ang selpon number mo!” nakangising tugon ni Walter.

“Nurse, please pakitawag na ‘yung mommy ko. Tsaka pwede ba may nobyo na ako!” sambit ni Rachel habang pinipilit niyang tumayo.

“Aray!” Hindi na ito nakakilos pa dahil kagagaling lang nito sa operasyon kaya minabuti na lamang nitong bumalik sa pagkakahiga.

“Hay, oo nga pala. Natatandaan ko na. Sobrang sakit ng tagiliran ko. Siguro ay nagka-appendicitis ako, ano? Kaya ako inoperahan.” muling sambit ni Rachel kay Walter.

Dito na kinabahan si Walter sapagkat nararamdaman niya na hindi na nagbibiro ang kaniyang asawa. Hindi talaga nito naaalala na siya ay nagsilang ng isang sanggol. Natatandaan niya ang araw na sinasabi ni Rachel. Naikuwento ito ng asawa niya dati. Ang araw kung kailan naoperahan ito dahil sa appendicitis.

Nasa ikatlong taon ng kolehiyo ang babae nung nakipaghiwalay ang dati nitong nobyo na si Alfred sapagkat mayroon na itong iba. Habang pinipigilan ni Rachel ang lalaki na makipaghiwalay sa kaniya ay biglang sumakit ang tagiliran nito bago nahimatay. Maaring ang pangyayari iyon ang natatandaan ng asawa.

“Miss, tatawagin ko lang ang mommy mo, ha,” nagmamadaling sambit ni Walter. Pero ang totoo ay dali-dali siyang pumunta sa mga doktor upang sabihin ang kalagayan ng asawa.

“Maaaring nakakaranas siya ng panandaliang pagkalimot ngunit kailangan pa rin na dumaan siya sa mga pagsusuri upang makasigurado tayo,” wika ng doktor.

“Dok, gaano po ito katagal?” nangangambang tanong ni Walter. “Walang nakakaalam. Maaaring bukas o mamaya ay makaalala na siya. Puwede rin naman na sa isang taon pa kaya kailangan natin ng ibayong pagsusuri,” tugon ng doktor.

Pinakiusapan ni Walter ang mga doktor na kung sana ay huwag munang ipakita sa asawa ang kanilang bagong silang na sanggol sapagkat baka lalo pa itong makaapekto sa babae.

Muling bumalik si Walter sa silid ng asawa.

“Nurse, maaari ko bang malaman kung nagpunta si Alfred dito? Si Alfred ‘yung nobyo ko?” Kitang kita ni Walter ang lungkot sa mga mata ni Rachel habang sinasambit niya ang mga katagang ito. “Nag-aalala kaya siya sa akin?” dagdag pa ng asawa.

“Nurse, baka naman may gamot din kayo sa sakit ng puso. Kasi mas masakit ‘yong sugat sa puso ko kaysa sa sugat kung saan ako inoperahan,” Dito na tuluyang lumuha si Rachel.

Halos umiiyak din sa sakit na nararamdaman si Walter dahil sa mga narinig niya sa kaniyang misis. Paano niya sasabihin kay Rachel na siya ang asawa nito at nandito ito sa ospital sapagkat nanganak ito?

Patuloy ang mga ginagawang pagsusuri kay Rachel. Habang hindi pa bumabalik ang mga alaala ni Rachel ay matiyaga siyang inalagaan ni Walter. Pinakiusapan rin niya ang ina ng asawa na huwag munang sabihin dito ang mga nangyayari. Hindi umalis si Walter sa tabi ng asawa. Masakit man ay patuloy siyang nakikinig dito maging sa mga kuwento ng babae tungkol sa dati nitong nobyo.

“Grabe nga ‘yon!” napahagikgik si Rachel sa pagkukuwento. “Alam mo kabisado ko ang lahat kay Alfred. Pati ‘yong ngiti niya, kung nagugutom ba siya, kung hindi siya nakagawa ng takdang aralin o kaya pinagalitan siya sa bahay nila. Kabisadong-kabisado ko talaga siya.”

Biglang natigilan si Rachel sa masayang kinukuwento nito at nawala ang kaniyang mga ngiti. “Kaya alam na alam ko rin noong hindi na niya ako mahal at alam ko rin na may iba na siya.”

At umagos na naman ang mga luha sa mata ng babae.

“Alam mo po, Kuya Nurse…” wika ni Rachel. “Walter na lang ang itawag mo sa akin. Kasi para naman tayong magkaibigan. Ang dami mo na nga naikuwento, o.” Pinipilit ni Walter ang ngumiti. “Sige, Walter,” sabay ngiti ni Rachel.

“Alam mo, Walter, ang iniisip ko ngayon ay kung kailan kaya matatapos itong sakit na nararamdaman ko. Ayoko na kasi. Alam ko namang ayaw na rin niya sa akin at masaya na siya sa iba. Nagtataka lang kasi ako kung paano niya naisantabi ang lahat ng mga pinagsamahan namin. Lahat ng iyon biglang nawala na lang. Biglang hindi na lang niya ako mahal. Sana naman noong sinabi niyang ayaw na niya sana biglang tumigil din ang puso ko na magmahal sa kaniya kasi parang hindi patas.” Patuloy sa pag-iyak si Rachel.

“Alam mo rin, Rachel, walang mali diyan sa nararamdaman mo. Ang ibig sabihin kaya ka mas nasasaktan ngayon sapagkat ikaw ang mas nagmahal. Malay mo sinadya ng universe na hindi kayo magkatuluyan kasi may mas nararapat sa’yo. May darating na nakalaan para lang sa’yo. ‘Yong hindi ka kailanman kayang saktan o kaya ay ipagpalit sa kahit sino o kahit ano. Kaya huwag ka nang umiyak riyan kasi bukod sa ang pangit mong umiyak ay baka mabinat ka pa,” tugon ni Walter sa kaniyang misis.

Napangiti naman si Rachel sa tinuran ni Walter. “Nakakatuwa ka, alam mo ba iyon? Parang ang tagal na nating magkakilala. Parang alam na alam mo ang dapat sabihin sa akin kasi gumaan talaga ang kalooban ko,” pahayag pa nito.

Isang linggo na ang nakakalipas at hindi pa rin sila nakakauwi. Bukod kasi sa hindi pa tapos ang mga pagsusuri kay Rachel ay ayaw pa ring iuwi ni Walter ang asawa sapagkat hindi niya alam kung paano ipapaliwanag sa asawa ang mga nangyayari.

Habang nag-iisip si Walter ng paraan kung paano niya ipapaalam ang lahat sa kaniyang misis ay hindi naman maitanggi ni Rachel ang pagkahulog ng kaniyang kalooban sa inaakala niyang nurse. Hindi rin niya maipaliwanag ngunit agad niyang nakalimutan ang sakit na dulot ng paghihiwalay nila ni Alfred. Sa ngayon ang nararamdaman lamang niya ay kaligayahan tuwing makikita niya si Walter.

“Gusto kita,” wika ni Rachel kay Walter. Nabigla naman si Walter sa kaniyang narinig. “Gusto kita. Hindi ko rin alam kung bakit pero gustong-gusto kita,” pagpaptuloy ng babae.

Hindi umiimik si Walter kaya nagpaliwanag ang babae.

“Alam ko mabilis, Walter. Pero hindi ko na maiwasan. Paglabas ko dito baka hindi na kita makita kaya ngayon pa lang sinasabi ko na. Parang mahal na ata kita!” sambit ni Rachel.

“Bakit ba ayaw mong magsalita? Sumagot ka naman, o. Nahihiya na ko dito!” pagpupumilit ng babae.

Hindi pa rin umiimik si Walter. Unti-unti siyang lumapit sa kaniyang asawa at iniabot ang isang sulat. Nang mabasa ni Rachel ang liham ay agad siyang napatingin kay Walter.

“Mahal?” wika ni Rachel. Unti-unting nagbalik sa kaniya ang lahat ng kaniyang mga alaala. Naaalala na niya na si Walter, ang kaniyang asawa.

Laking tuwa naman ni Walter nung tuluyan nang bumalik sa kaniya ang kaniyang misis.

“Naaalala mo na ba ako?” umiiyak na tanong ni Walter. “Hindi ko makakayanan kung mawawala ka sa akin. Ang akala ko ay tuluyan mo na akong makakalimutan.” Patuloy ang lalaki sa pag-iyak habang yakap niya nang mahigpit ang asawa.

“Hinding hindi kita makakalimutan, mahal. Hindi ba ang sabi ko sa iyo ay kailanman ang puso ko ay hindi makakalimot sa iyo. Mahal na mahal kita!” tugon ni Rachel.

Lumabas na ang resulta ng pagsusuri kay Rachel. Ayon sa mga doktor ang kaniyang panandaliang pagkalimot ay bunga ng isang acute emotional distress kung saan ang pasyente ay nakaranas ng lubhang pagkabalisa o problema. Mayroon parte ng utak ng babae ang naapektuhan kaya panandaliang nawala ang kaniyang memorya. Mabuti na lamang ay hindi ito malubha.

Tuluyan na ngang naalala ni Rachel ang lahat. Naikuwento na rin ni Walter ang lahat ng nangyari sa asawa. At sa wakas sa unang pagkakataon ay nayakap na rin ng mag-asawa ang kanilang anak.

Kahit panandaliang nawala si Walter sa alaala ng kaniyang misis kahit kailan ay hindi naman ito nakalimutan ng puso ng asawa.

Advertisement