Inday TrendingInday Trending
Sa Hirap at Ginhawa

Sa Hirap at Ginhawa

Hindi maitatangi ni Mark na nahuhulog na ang loob niya sa kasamahan sa choir na si Donna. Simple lamang ang dalaga ngunit kay ganda ng tinig nito. Sa kaniyang bait at talino sino ba naman ang hindi mahuhulog sa kaniya.

“Naku, Mark! Baka naman matunaw iyang si Donna sa kakatitig mo!” pangangantiyaw ng isa nilang kasamahan. “Bakit kasi hindi mo pa ligawan iyang si Donna. Tingin naman namin ay may gusto rin siya sa’yo!” dagdag pa ng isa sa kanilang kasamahan. “Puwede ba tigilan niyo nga ang pangangantiyaw na ‘yan. Baon nga problema ko, eh. Manliligaw pa?” sagot naman ni Mark.

Nasa kolehiyo na si Mark at isa siyang iskolar. Tinuturing niyang isang malaking pabor mula sa Diyos ang pagkakapasok niya sa paaralan sapagkat alam niyang imposibleng mangyari ito. Salat kasi ang pamilya ni Mark. Panganay siya sa limang magkakapatid. Ang kanilang ama ay iniwan na sila noong bata pa lang sila at ang ina naman niya ay umeekstra lamang sa kung anu-anong trabaho upang sila ay mapakain.

Tuwing nasa paaralan si Mark ay tinitipid niya ang bente pesos na baon niya para sa kaniyang pamasahe at ibang gastusin sa paaralan kaya kadalasan ay naglalakad na lamang siya pauwi. Madalas siyang makita ni Donna. Nakatira lamang kasi sila sa isang maliit na baryo kaya halos magkakakilala ang lahat.

“Mark! Tara na! Sumabay ka na sa akin,” paanyaya ng dalaga na nakasakay na sa tricycle. “Naku, Donna, salamat. Pero nakakahiya naman sa’yo. Sige na at mauna ka na,” tugon ni Mark.

“Sige na. Huwag ka nang mahiya at naghihintay ang tricycle. Ako na ang bahala sa pamasahe. Malayo-layo rin ang bahay natin sa eskwelahan. Masyado ka ng hahapunin sa daan,” pagpupumilit ng dalaga. Pinaunlakan naman ni Mark ang paanyaya ni Donna.

Hindi rin mayaman sila Donna. Isang kusinero lamang ang kaniyang ama. Nagkakaroon lamang sila ng panggastos kung may magpapaluto sa kaniyang ama. Nataon lamang na si Donna ay pinapaaral ng kaniyang tiyuhin.

“Sige, Donna, dito na lang ako. Maraming salamat nga pala sa pagsabay sa akin. Mas maaga akong nakauwi. Mas may oras na akong gumawa ng asignatura at tumulong sa bahay. Ingat ka sa pag-uwi. Salamat ulit,” sambit ng binata kay Donna.

Mula noon ay naging malapit na sa isat-isa sina Donna at Mark. Gusto man aminin ni Mark sa dalaga ang kaniyang tunay na nararamdaman ay nahihiya siya sapagkat alam niyang wala siyang maipagmamalaki sa dalaga.

“Paano ko kaya maliligawan si Donna? Ngayon nga ay wala man lamang akong panggastos dito sa eskwela,” sambit ni Mark sa sarili habang papasok sa adoration chapel ng simbahan na malapit sa kanilang paaralan. Sa tuwing walang kasi panggastos si Mark sa pananghalian ay pumupunta na lamang siya sa simbahan upang magdasal. Pagkatapos niyang manalangin ay babalik na siya agad sa paaralan.

“Mark!” tinawag ni Donna ang binata. “May ekstra akong tinapay dito. Pinabaunan kasi ako ni nanay. Naglaba kasi siya doon kina Ginang Reyes. Pinauwi sa kaniya lahat. Marami akong sobra. Tara pagsaluhan natin,” paanyaya ng dalaga.

Hindi na tumanggi pa si Mark sapagkat kumakalam na ang kaniyang sikmura. “Maraming salamat ulit, ha. Alam mo para kang anghel. Hulog ka ng langit sa akin. Lagi kang dumarating tuwing may kailangan ako,” natatawang biro ni Mark. “Ikaw talaga. Siguro nagkakataon lang!” Natatawa na rin si Donna.

Nagkapalagayan ng loob ang dalawa at hindi naglaon ay inamin na rin ni Mark kay Donna ang kaniyang nararamdaman. “Wala man ako ngayong maipagmamalaki sa’yo, Donna, pero ipinapangako ko na gagawin ko ang lahat para mabigyan ka ng magandang buhay. Pagbubutihan ko talaga sa lahat ng bagay. Buong buhay kitang mamahalin at kahit kailan ay hindi kita lolokohin,” pangako ng binata.

Mahal rin naman ni Donna si Mark kaya sa basbas ng kanilang mga magulang ay sinagot niya ang binata upang kaniyang maging nobyo. Hindi nagtagal ay nalaman na sa kanilang maliit na barrio ang balita na ang dalawa ay magkasintahan na.

“Hay naku, Metring, anong pumasok diyan sa isipan mo at pinayagan mo ang pag-iibigan ng dalawang iyon,” wika ng daldalerang kapitbahay nila Donna na si Aling Berta. “Diyos ko, mahirap na nga kayo humanap pa ang anak mo ng mas mahirap sa inyo!” dagdag pa ng babae.

“Hay naku, Berta, pabayaan mo sila. Hindi naman masamang tao ‘yang si Mark. Mabuting bata naman ‘yan! May respeto siya at walang bisyo. Higit sa lahat ay mahal niya ang anak ko,” tugon naman ng nanay ni Donna.

“Naku, Metring, sinasabi ko sa iyo! Tatalon sa bintana ‘yang sinasabi mong pagmamahal na ‘yan kapag wala na silang makain! Hindi ka mabubuhay ng pagmamahal na ‘yan. Makikita mo!” muling sagot ni Aling Berta.

Nagkibit-balikat na lamang si Aling Metring sa sinabi ng kapitbahay. Tiwala kasi siya sa kaniyang anak at sa nobyo nito.

Nagtulungan ang magkasintahan. Dahil mas mataas ng kaunti ang baon ni Donna ay nagtitira siya upang may pamasahe sila pauwi. Dinadagdagan na rin niya ang baon niyang kanin para sa tanghalian ay may pagsaluhan sila ng kaniyang nobyo. Kahit na hindi makaiwas sa mapangutyang mga mata ng tao ang dalawa ay hindi nila ito ininda.

“Hayaan mo sila, mahal. Pasasaan ba at magtatapos na tayo ng kolehiyo at kapag nangyari ‘yon hahanap tayo agad ng trabaho. Magpapayaman tayo. Makikita ng mga ‘yan! Kaya kain na tayo. Huwag mo nang intindihin ang mga ‘yan,” pagpapalakas ng loob ni Donna sa kaniyang nobyo.

Kahit na pinanghihinaan ng loob si Mark ginamit niya ang mga pagsubok na ito upang lalong magsumikap na makapagtapos ng kolehiyo.

“Mahal, pangako ko sa iyo ibibigay ko ang buhay na higit pa sa nararapat sa’yo. Maraming salamat sa lahat ng tulong mo sa akin,” napaluhang wika ni Mark.

Hindi napigilan ni Donna na yakapin ang nobyo. Alam kasi niyang nahihirapan na rin ito na itawid ang pag-aaral. “Nandito lamang ako, mahal. Hindi natin pababayaan ang isat-isa,” sambit ng dalaga.

Hindi nagtagal at nakapagtapos nga ang dalawa ng pag-aaral na pawang may matataas na karangalan. Wala silang sinayang na oras at agad silang naghanap ng trabaho. Natanggap si Mark bilang isang personnel sa stock room ng isang kilalang kompaniya at si Donna naman ay isang klerk. Tatlong taon pa ang lumipas at nagpakasal na nga ang dalawa at nagka-anak.

Tulad ng pangako ni Mark ay pinaghusayan niya ang kaniyang trabaho. Unti-unting tumaas ang kaniyang posisyon sa paglipas ng panahon.

Isang araw ay may iniabot si Mark sa kaniyang asawang si Donna. “Maligayang anibersaryo, mahal,” malambing na wika ni Mark sa asawa.

“Ano ‘to? Ikaw talaga may parega-regalo ka pang nalalaman. Kahit wala naman ay ayos lang sa’kin basta ang mahalaga ay naalala mo,” nakangiting wika ni Donna.

“Buksan mo kasi nang malaman mo!” sambit ni Mark.

Pagkabukas ng babae sa maliit na kahon ay nagulat ito.

“Susi? Susi ng ano ‘to, mahal?” nagtatakang wika ni Donna.

Dinala ni Mark ang asawa sa bayan.

“Mahal, ang susi na ‘yan ay para dito,” sambit ni Mark habang itinuturo ang isang malaking tahanan. “Pinag-ipunan ko iyan ng matagal na panahon. Hindi ko ipinaalam sa’yo dahil gusto sana kitang sorpresahin. Natatandaan mo ba ang pangako ko sa iyo noon na gagawin ko ang lahat upang maibigay ang buhay na higit pa sa nararapat sa’yo? Simula pa lamang ito, mahal. Maraming salamat sa pagmamahal mo sa akin at sa hindi mo pagsuko. Maligayang anibersaryo!” saad ng lalaki.

Napayakap sa tuwa si Donna sa mga sinabi ng asawa. “Hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya. Higit sa bahay na ‘yan masaya ako dahil kasama kita. Masaya ako dahil magpahanggang ngayon ay hindi nagbabago ang pagmamahal mo sa akin. Maraming salamat, mahal. Maligayang anibersaryo rin!” naiiyak na wika ni Donna.

Dahil sa kanilang pagsusumikap at pagtitiwala sa kakayahan ng bawat isa ay naging matagumpay sa buhay ang mag-asawa. Ngayon ay may tatlo na silang anak at nakakaangat na sa buhay.

Advertisement