Inday TrendingInday Trending
Mani ni Nanay ang Bumuhay Sa’min

Mani ni Nanay ang Bumuhay Sa’min

Bata pa lang ang mga anak ni Aleng Anding ay nagtitinda na siya ng mani. Inilalaga niya ito at inilalako sa kung saan-saan, iyon ang bumuhay sa kanilang lahat. May tatlong anak siya at maagang pumanaw ang kaniyang asawa, kaya siya lamang ang nagtaguyod sa mga ito.

“Anding, buti pa iyang mga anak mo, ang babait at hindi ka binibigyan ng sakit sa ulo. Alam mo bang iyong anak kong si Jasmin? Naku, buntis na ng hindi man lang namin nakikilala ang lalaking nakabuntis sa kaniya. Ginagawa naman namin ang lahat mapag-aral lang sila, kaso hindi nila nakikita iyon,” kwento ni Clara na suki niya sa pagbili ng mani.

“Ganun lang talaga ang mga anak, Clara, basta ang importante, huwag natin silang susukuan dahil mga anak natin sila,” nakangiting tugon ni Anding sabay abot ng isang plastic mani na binili sa kaniya.

“Pero maswerte ka talaga sa mga anak mo…” muling sambit ng babae na ginantihan lamang ng ngiti ni Aleng Anding.

Ang pagiging mabait at masunurin ng mga anak ang bagay na lubos na ipinagsasalamat ni Anding sa kaniyang tatlong anak. Hindi siya binigyan ng mga ito ng sakit sa ulo. Nakikita naman niyang nag-aaral ng mabuti ang mga ito.

Ang kaniyang panganay nga na si Perly ay nasa fourth year college na sa kursong HRM, habang ang kaniyang pangalawang anak naman na si Rico ay nasa second year college na sa kursong Information Technology, at ang kaniyang bunso na si Daisy naman ay third year high school pa lang. Iskolar ang kanyang mga anak at kanya namang natutustusan ang mga pangangailangan pinansyal ng mga ito sa pagtitinda ng mani.

“Ma…” mahinang tawag sa kaniya ni Perly.

“Ano iyon anak?” nakangiti niyang tanong.

“Ma, may sasabihin po ako sa inyo, pero wag po sana kayong magagalit…” huminga ng malalim ang dalaga at saka muling nagsalita. “Buntis po ako ma,” naluluhang pag-amin ng ni Perly.

Hindi na nakagalaw sa kaniyang kinatatayuan ang ina, dahil parang bombang sumabog sa kaniyang pandinig ang sinabi ng anak.

“Patawarin mo ako ma. Hindi kami nag-ingat ni Ralf,” paghingi pa ng tawad ng dalaga.

Ilang oras siyang nakatulala at malalim ang iniisip. Ilang beses na niyang naririnig sa mga kumare at kakilala pagkadismaya sa mga anak na maagang nabuntis. Ngayon, siya naman ang nandoon sa ganoong kalagayan. Mas naiintindihan na niya ang nararamdaman ng mga ito.

Napagtanto ni Anding na masakit pala talaga at hindi madaling tanggapin ang nangyari sa kanyang anak. Parang gumuho ang kanyang mga pangarap para rito.

“Anong plano mo?” Pagbasag sa katahimikang tanong niya sa anak.

“Itutuloy ko po ito ma. Isang taon na lang din naman po at ga-graduate na ako. Hindi po kasi kaya ng konsensya kong ipalaglag ang anak ko,” umiiyak na sabi ni Perly.

Galit siya pero mas nangibabaw pa rin ang pagmamahal niya para sa anak. Niyakap niya ito ng mahigpit. “Hindi ka ba mahihiyang pumasok ng buntis? Marami kang maririnig na masasama sa ibang tao, Perly? Huhusgahan ka nila na para bang kilalang-kilala ka nila. Pero lagi mong iisipin na mas kilala mo ang sarili mo at mahal ka namin ng pamilya mo,” malumanay na pahayag ng ina, dahilan para mas lalong maiyak si Perly.

“Opo ma, salamat po. Salamat, dahil hindi niyo ako itinakwil,” tugon naman ng anak na hindi humihinto sa paghagulhol.

“Magagalit ako pero hinding-hinding ko kayo kayang itakwil, mga anak ko kayo at mahal na mahal ko kayong lahat. Simula ngayon ay mas maging responsable ka na Perly, dahil magiging ina ka na. Ano nga ba ang plano ni Ralf?” tanong niya.

“Pananagutan naman daw niya ako ma, pero ang sabi ko tsaka na lang namin isipin ang kasal kapag nakapagtapos na kami. Gusto ko pa ring maka-graduate kahit na buntis ako, hindi naman magiging sagabal ang anak ko para patuloy pa rin akong mangarap ‘di ba, ma?” sambit ni Perly.

“Oo naman anak,” lumapit si Anding at tsaka muling niyakap ang anak.

Katulad nga nang napag-usapan nila ni Perly, nagpatuloy ang dalaga sa pag-aaral hanggang sa nagluwal ito. Hindi naman pinapabayaan ni Ralf ang kasintahan, kaya kahit papaano ay hindi siya gaanong nabigatan.

Nagpatuloy pa rin si Anding sa pagtitinda ng mani para sumuporta sa gastusin na mga anak at apo. Hindi naglaon nakapagtapos si Perly at nakahanap ng magandang trabaho. Konting tulak na lang ng kariton ng mani at susunod na rin ang pangalawang anak niya na magtatapos. Hindi madali, pero hindi siya mapapagod maglako kung para sa pinakamamahal na mga anak niya lang din.

Sinubok man sila ng panahon, dahil biglaang pagkabuntis ng anak, hindi naman nila hinayaang ibagsak ng problema. Pamilya sila at dapat lang na magtulungan silang lahat. Kahit ano pa ang iyong hanap buhay basta ito ay marangal at wala kang naaapakang ibang tao, ito ay dapat na ipagmalaki. Napakalaki ng nagagawa ng pang-unawa at komunikasyon para sa isang matiwasay at masayang pamilya.

Advertisement