Inday TrendingInday Trending
Bangungot ng Nakaraan

Bangungot ng Nakaraan

“Pre, sasama ka ba sa amin mamaya sa piyestahan? Naku, maraming nag-gagandahang babae doon! Hindi ba, Gio?” tanong ni Tristan sa kaibigang aligaga sa paglalaro ng psp.

“Oo naman! Naalala ko nga noong isang taon, ayaw ko pa sumama sa tropa dahil nga baka hindi lang ako pansinin doon. Pero grabe pre, akalain mo yun nakabingwit ako ng isang magandang babae! Tapos ang matindi pa doon, niyaya ako makipaglabing-labing! Jackpot!” tuwang-tuwang pagkukwento ni Gio sa mga kaibigan na may kasama pang paghampas ng unan sa kaibigang naglalaro.

“Ayoko, ayoko pa ring sumama. Hindi pa kayo nasanay na mairapan ng mga babae at balewalain. Kahit pa sabihin niyong maraming nag-gagandahang babae doon, ayoko. Saka may gusto na ako eh, hahanap pa ba ako ng iba? Hinihintay ko na lang na pansinin niya ako,” sagot naman ni David sa mga kaibigan, habang patuloy pa ring naglalaro.

“Nahihibang ka na ba? Hindi mo ba alam na yung babaeng pinapantasya mong si Mariel, eh laman palagi ng piyestahan doon. Nakita nga namin yun noong isang taon, ‘di ba Tristan?” sambit naman ni Gio sabay patagong kumindat kay Tristan, agad namang napatigil ang kanilang kaibigan sa paglalaro. Tila nabuhayan ito ng kalamnan.

“Talaga ha? Sige, sige sasama na ako. Ano pwede kong suotin?” sabik na sabik na tanong nito saka binitawan ang nilalaro psp, nagtawanan naman ang kanyang mga kaibigan.

Hayskul pa lang nang mabuo ang pagsasamahan ng tatlong binata. Ngayong may kanya-kanya na silang trabaho, bahay at kotse. Tanging hinahanap na lamang nila ay babae para raw makumpleto na ang kanilang buhay, ngunit sa kasamaang palad, kahit na may mga itsura sila, palagi silang inaayawan ng mga dalaga. Dahilan para maging laman sila ng iba’t-ibang piyestahan sa kanilang lugar.

Kinagabihan noong araw na iyon, nagtungo nga ang magkakaibigan sa nasabing piyesta. Totoo nga’t nagkalat ang mga naggagandahang babae doon. Ngunit ni isa sa mga ito ay walang pumapansin o lumalapit sa kanila kahit pa ang gugwapo nilang tingnan sa kanilang mga kasuotan.

Kaya naman hindi na sila nakatiis at nagdesisyong lumapit sa grupo ng mga babae na agad namang nagkalasan nang makitang papalapit na sila. Napasimangot naman ang magkakaibigan at nag-umpisa nang magyaya pauwi si David dahil sa kahihiyan. Ngunit may isang babaeng natira, nagulat naman ang magkakaibigan nang mamukhaan ito.

“O Mariel! Kamusta kana?” tanong ni Gio sa magandang babae, bigla namang natorpe si David at bahagyang lumayo sa kanila, napansin naman agad ito ng kanyang kaibigan, “Ah si David nga pala, kaibigan namin,” pagpapakilala pa nito.

“Ah oo, kilala ko siya. Kung hindi ako nagkakamali, siya yung naglalagay ng mga bulaklak o tsokolate sa bag ko noong nasa kolehiyo pa tayo,” natatawang kwento ng dalaga. Napakamot naman sa ulo ang binata.

“Siya nga pala, tanong ko lang ha? Hindi pa rin kasi ako makapaniwala. Ang tagal kong hinintay na makausap kayo. Totoo bang nasangkot kayo sa isang krimen noong huling taon natin sa kolehiyo? Hanggang ngayon kasi usap-usapan pa rin iyon,” pag-uusisa ng dalaga, bahagya namang napatahimik ang tatlo.

“Ah yung tungkol pa rin doon sa babaeng nabawian ng buhay dahil tumalon sa rooftop? Tapos ang balita, tinulak daw namin?” dismayadong sambit ni Tristan.

“Kaya ba iniiwasan kami ng mga dalaga ngayon dahil doon?” tanong naman ni Gio, napatango lang ang dalaga.

Napabuntong hininga ang tatlo sa hindi pa ring natatapos na tsismis tungkol sa kanila. Magkahalong inis at pagkagigil ang kanilang nararamdaman. Hindi na nakatiis si David at dali-dali niyang pinakiusapan na itigil muna ang pagpapatugtog at hingin ang mikropono. Nagulat naman ang dalawa niyang kaibigan sa kanyang ginagawa.

“Nawa’y makinig muna kayo sa akin kahit sandali. Gusto ko lang pong linisin muli ang pangalan naming magkakaibigan. Alam kong halos lahat kayo ay kasing edad namin at alam ang kwento noong nasa kolehiyo pa kami.

Totoong may babaeng binawian ng buhay noong araw na iyon, ngunit hindi totoong tinulak namin siya. Noong araw na iyon saktong umakyat kami sa rooftop na iyon upang manigarilyo, ngunit nagulat na lamang kami ng may babaeng magtatangkang tumalon.

Pinigilan namin siya ngunit ika niya noon, hindi niya na raw kaya ang mapanghusgang mundong ginagalawan niya, saka siya tumalon. May video ang kaibigan kong si Tristan ng pangyayaring iyon dahilan para mapawalang-sala kami sa krimeng ibinintang sa amin,” maluha-luhang paliwanag ng binata habang nakayuko lamang at nakikinig ang kanyang mga kaibigan.

“Ngunit tila totoo nga ang sinabi ng babaeng iyon. Mapanghusga nga ang mundong ito, dahil kahit kaming walang sala, napagbibintangan. Hanggang ngayon dala-dala pa namin ang trauma nang aksidenteng iyon pero anong ginagawa niyo?

Imbis na itikom niyo ang bibig niyo dahil hindi niyo naman alam ang tunay na nangyari, pilit niyo pa ring ikinakalat ang tsismis na kami ang may gawa noon at pilit kaming nilalayuan. Tao rin kami katulad niyo, may damdamin,” saka niya binitawan ang mikropono at umalis sa lugar na iyon.

Tila nagulat at nakonsensya naman ang mga taong nakapakinig. Sumunod na rin sa binata ang kanyang mga kaibigan pati na rin si Mariel at doon sila nag-iyakan sa kanilang dalang sasakyan. Ginawa naman ng dalaga ang lahat para makalma ang tatlo.

Ngunit kinabukasan, tila umikot ang mundo. Inulan ng maraming text, chat at tawag ang tatlo. Lahat ng ito ay humingi ng tawad sa kanila, dahil nga sa butihin ang kanilang mga puso, agad naman silang nagpatawad.

Mas lalo pang gumaan ang pakiramdam ng tatlo dahil ngayon nararamdaman na nilang hindi na sila kakaiba sa paningin ng ibang tao. May mga dalaga na ring tumanggap kila Gio at Tristan, habang si David naman, tila naka-bingo na kay Mariel. Masaya ang tatlong magkakaibigan dahil sa wakas, sa loob ng tatlong taon, nalinis na ang kanilang pangalan.

May mga pagkakataon talaga sa nakaraan na pilit ibabalik at babaliktarin ng tao, kaya ang mahalaga matuto tayong manindigan at labanan ang mga iyon.

Advertisement