Inday TrendingInday Trending
Ang Tunay Kong mga Magulang

Ang Tunay Kong mga Magulang

Bata pa lang si Paula ay alam na niya na isa siyang ampon. Ipinaalam na agad sa kanya ng mga magulang na kumupkop sa kanya ang katotohanan noong sampung taong gulang pa lang siya.

Noong una ay nalungkot siya at nagkaroon ng hinanakit sa mga tunay na magulang na umabandona sa kanya subalit nang naglaon ay napag-isip ng dalaga na gusto niyang mahanap at makita ang mga ito. Suportado naman siya ng kinagisnan niyang ama at ina. Batid ng mga ito na bagama’t nabibigay ang mga pangangailangan ng dalaga, may malaking puwang pa rin sa puso at isipan ni nito na hindi nila kayang tugunan.

“Ma, Pa, alam ko pong mahal na mahal niyo ako at nagpapasalamat po ako sa pagmamahal na ibinigay ninyo sa akin, ngunit napagtanto ko na gusto kong mabuo ang aking pagkatao. Nais ko pong hanapin ang mga tunay kong magulang,” pahayag ng dalaga.

“Nauunawaan ka namin, anak. Alam namin ng papa mo na darating ang araw na ito, na hahanapin mo ang totoo mong pamilya,” sabi ng kanyang ina-inahan.

“Hayaan mo kaming tulungan ka sa gusto mong mangyari. Nasa likod mo lang kami, anak,” wika naman ng kanyang ama-amahan.

Nagsimula silang maghanap, ginamit ni Paula at ng kanyang mga kinagisnang magulang ang kani-kanilang koneksyon para matunton ang kinaroroonan ng tunay niyang pamilya. Di nagtagal ay may nakuha silang impormasyon tungkol sa mga ito.

“Anak, may nakapagsabi sa amin ng papa mo na matatagpuan raw ang mga magulang mo sa address na ito,” sabi ng ginang habang iniabot sa kanya ang isang kapirasong papel.

“Handa ka na ba? Malapit mo na silang makilala,” wika naman ng kinilalang ama.

“Kinakabahan po ako pero handa na po ako. Ito na ang panahon para malaman ko ng buong katotohanan, kung bakit nila ako pinaampon, kung bakit nila ako ipinamigay,” tugon ng dalaga habang pinipigilan ang maluha.

Agad nilang pinuntahan ang address na tinutukoy sa papel. Ilang oras ang kanilang biniyahe hanggang sa narating nila ang lugar. Sa una ay nag-alangan si Paula nang matunton ang lokasyaon, dahil ang pinuntahan nila ay isang bahay ampunan. Hindi niya mawari kung papasok ba siya sa loob o hindi.

“O, anak narito na tayo. Ngayon ka pa ba aatras?” tanong ng kanyang kinagisnang ina.

“Halika na at pumasok na tayo,” yaya naman ng ama.

Sa kabila ng pagdududa ay kusa niyang inihakbang ang mga paa papasok sa loob. Tila may kung anong puwersa na tumatawag sa kanya para pumasok sa bahay ampunang iyon.

Walang anu-ano ay nakita sila ng isang matandang madre at agad silang nilapitan.

“Magandang tanghali sa inyo. Ako nga pala si Sister Amara, anong maipaglilingkod ko sa inyo?” nakangiti nitong tanong.

“Magandang umaga din po sister. May nakapagsabi po sa amin na dito raw po matatagpuan sina Julieta at Macario Laxamana. Maaari po ba silang makausap?” balik na tanong ni Paula.

Nang marinig ng madre ang mga pangalang kanyang binanggit ay nawala ang saya sa mukha nito at napalitan ng lungkot.

“B-bakit niyo sila hinahanap?” nauutal na tanong ng madre.

Bumuntong-hininga muna ang dalaga bago tuluyang sumagot.

“A-ako po ang anak nilang ipinaampon dalampung taon na ang nakaraaan. Narito po ako kasama ang mga umampon sa akin. Gusto ko pong makita at makausap ang tunay kong mga magulang,” hayag niya sa matandang madre.

Napansin ng dalaga na nangilid na ang luha ng kausap habang sinasabi niya ang pakay.

“Sister, may problema po ba? Bakit po kayo umiiyak?” tanong niya rito.

Dahan-dahang pinunasan ng madre ang luha sa pisngi bago nagsalita.

“I-ikaw na pala si Anna? Dalaga ka na at napakaganda mo. Manang-mana ka sa iyong ina. Sandali lang at may kukunin lang ako. Pumasok muna kayo sa loob,” pag-anyaya ng madre saka sinamahan ang tatlo papasok sa loob ng bahay ampunan at pinaupo sila sa sofa sa isang kwarto na para sa mga bisita.

Nang magbalik ang madre ay iniabot nito kay Paula ang isang lumang litrato. Nakita niya ang isang babae at isang lalaki na may karga-kargang sanggol na babae.

“Sila po ba ang aking mga magulang?” tanong niya sa matandang madre.

“Oo hija. Sila ang iyong mga magulang, sina Julieta at Macario. Kapwa sila mga ulila at lumaki dito sa bahay ampunan. Isa ako sa naging saksi sa kanilang pagkakaibigan hanggang ang damdaming iyon ay humantong sa ibang lebel, nagkagustuhan sila at naging magkasintahan.

Nagulat na lamang kami dito nang malaman namin na nagdadalantao na ang iyong ina. Dahil mahal na mahal nila ang isa’t isa, nagpasya kaming ipakasal sila, ngunit isang trahedya ang nangyari. Habang papunta ng simbahan ang iyong ama, naaksidente ang sinasakyan niyang taxi, na siyang ikinasawi niya at ng kasamang driver ng taksi.

Nang malaman ni Julieta ang nangyari ay walang araw siyang hindi umiiyak sa sobrang kalungkutan hanggang sa bumigay ang kanyang isip at tuluyang nawala sa sarili. Mahal na Mahal ng iyong ina ang iyong ama kaya hindi nakayanan ng utak niya ang maaga nitong pagkawala.

Lumala ang kanyang kondisyon kaya ipinasok na namin siya sa ospital para sa may mga karamdaman sa pag-iisip at doon ka na rin niya ipinanganak at pinangalanan ka niyang Anna. Kahit ganoon ang kanyang kondisyon ay mahal na mahal ka ng iyong ina.

Isang araw ay aksidente siyang nakalabas ng ospital habang dala-dala ka niya. Naglalakad siya sa labas noon nang may mga lalaking kumuha raw sa iyo at pilit kang inilayo sa kanya. Halos magwala si Julieta nang makuha ka ng mga walang pusong iyon.

Doon na tuluyang bumigay ang iyong ina. Sa sobrang kakaisip niya sa iyo ay hindi siya kumain ng isang linggo hanggang sa magkasakit siya ng malubha at di nagtagal ay…” hindi na naituloy pa ng madre ang kwento dahil napahagulgol na rin ito.

Hindi na napigilan ni Paula ang maiyak sa ibinunyag ng madre. Matinding hirap pala ang pinagdaanan ng kanyang tunay na ina. Napagtanto niya na mahal na mahal siya nito at hindi nito ginusto na ipamigay siya.

“Anak, iyan din sana ang gusto naming sabihin sa iyo ng papa mo. Hindi totoong inampon ka namin sa isang bahay ampunan. Ang totoo ay ibinenta ka sa amin ng isang lalaki na nangangailangan noon ng malaking halaga. Dahil desperado na kami ng papa mo na magkaanak ay binili ka namin sa lalaking iyon sa halagang isandaang libong piso.

Hindi namin siya kilala, regular namin siyang kustomer noon sa restaurant na pinatatakbo namin ng iyong papa. Ngayon lang namin nalaman na ninakaw ka pala sa iyong ina. Patawarin mo kami, anak,” maluha-luhang sabi ng kanyang ina-inahan.

“Ma, wala po kayong kasalanan ni papa. Malaki nga po ang utang na loob ko sa inyo dahil kundi dahil sa inyo, hindi nagkaroon ng direksyon ang aking buhay. Maraming salamat po,” nakangiting tugon ng dalaga sabay yakap nang mahigpit sa kinagisnang ama at ina.

Nagpasama si Paula sa madre kung saan nakahimlay ang totoo niyang mga magulang. Nang marating nila ang sementeryo at nang matunton ang libingan ng mga ito ay muling umagos ang kanyang luha.

“Inay, itay. Wala po akong sama ng loob sa inyo. Sana nga lang ay nakilala ko kayo na hindi sa ganitong tagpo. Gusto ko pong malaman ninyo na mahal na mahal ko po kayo,” sabi niya sa harap ng puntod ng mga magulang.

Labis mang nalulungkot at nanghihinayang si Paula dahil hindi na niya kailanman maipaparamdam sa tunay niyang ama at ina ang kanyang pagmamahal ay masaya pa rin siya dahil nalaman niya ang buong katotohanan at nabuo na rin sa wakas ang kanyang pagkatao.

Advertisement