Nagmamadali si Bianca. Ilang oras na lang at interview na niya sa pinag-aplayang kompanya bilang administrative assistant. Hindi na niya masyadong tinitigan ang sarili sa salamin. Alam niya, maayos naman ang kanyang pantay-balikat na buhok, nakapagpulbo na siya at nakapagpahid ng matte lipstick sa maninipis na labi. Isa pa, nariyan na rin ang Grab driver.
Halos mag-iisang oras ang byahe, kaya naman, pagkababang-pagkababa ni Bianca ay humarurot siya ng takbo. Napansin niyang may nakatingin sa kanyang lalaki, gwapo, matangkad, subalit hindi na niya ito pinagtuunan ng pansin. Tumapat siya sa elevator. Sinulyapan ang relo. 11:15 AM. 11:30 AM ang appointment niya.
Maya-maya, napansin niyang papalapit ang gwapong lalaki sa kanya. Nakasuot ito ng itim na jacket.
Biglang nakaramdam ng panic attack si Bianca. Kapag nakakakita siya ng lalaking nakajacket, nakakaramdam siya ng takot. Na-trauma siya dahil sa nakajacket na snatcher na humablot sa kanyang bag. Pakiramdam niya, masamang tao ang mga nakajacket.
Tuluyang lumapit ang lalaki sa kanya.
Nanginig si Bianca.
Bumulong ang lalaki sa kanya.
Kuya, huwag po… sigaw ng isip ni Bianca, gusto niyang sumigaw subalit walang sapat na tinig na lumabas sa kanyang bibig.
“Miss, may stain sa likod mo…”
Napamaang si Bianca. MAY TAGOS SIYA! Wala na siyang oras para magpalit, at isa pa, wala siyang pamalit.
Hinubad ng lalaki ang jacket niya. Itinaklob sa kanyang likuran.
“Naku, kuya, salamat ah? Pero may appointment kasi ako, paano ko maibabalik ang jacket mo?”
Naglabas ng calling card ang lalaki at iniabot sa kanya. “Kung hindi mo ako maabutan dito sa lobby, tawagan mo ko,” nakangiting sabi nito.
Bumukas ang elevator. Pumasok si Bianca.
“Ingat!” sabi ng lalaki.
“Salamat…” tugon naman ni Bianca.
TING! Sumara ang pinto ng elevator.
Bahagyang kinilig si Bianca sa ginawa ng lalaking estranghero sa kanya. Hindi siya makapaniwala na may maginoong lalaki pa pala sa mundong ito. Saka na lamang niya iisipin kung paano maibabalik dito ang jacket.
Nakarating naman sa tamang oras si Bianca para sa initial interview sa HRD Assistant. Naipasa rin niya ang interview naman sa HRD Director. Final interview naman daw sa CEO ng kompanya. Inihanda niya ang kanyang sarili para magpa-impress at makuha ang loob nito.
Sinamahan siya ng sekretarya ng HRD Director sa opisina ng CEO. Isang mahihinang katok ang pinakawalan nito bago pumasok sa loob.
“Sir, the applicant is here na po…”
Pumasok si Bianca sa opisina ng CEO. Laking-gulat niya nang makita ang lalaking nagbigay sa kanya ng jacket!
“Have a seat, please…” sabi nito sa kanya. Mukhang seryoso ito, malayo sa kaninang awra nito.
“Thank you, sir…” naiilang na sagot ni Bianca. Umupo siya sa isang bakanteng upuan sa harapan nito. Nagsimula na itong magtanong ng ilang mga impormasyon tungkol sa kanya. Matiyaga at maingat naman itong sinagot ni Bianca.
Sa bandang huli ng panayam, ngumiti ang CEO na nagngangalang Jonathan Gatchalian.
“Hindi mo ba binasa ang calling card na ibinigay ko sa iyo?”
Isinukbit ni Bianca ang kanyang kanang kamay sa bulsa ng kanyang blazer. Doon niya isinuksok ang calling card na iniabot nito sa kanya. Nakalagay nga roon ang buong pangalan nito. Jonathan Zaldivar. Chief Executive Officer.
“Sir, tungkol sa kanina… gusto ko pong humingi ng pasensya, at salamat din po sa tulong. Heto na po ang jacket niyo,” hinubad ni Bianca ang jacket mula sa pagkakapulupot sa kanyang baywang.
“Huwag mo munang tanggalin. Paano pagbaba mo? Saka mo na lang isauli kapag pumapasok ka na rito. You’re hired. Congratulations,” nakangiting sabi sa kanya ni Jonathan. Inilahad nito ang kanang kamay upang makipagkamay. Iniabot naman ito ni Bianca, at nakaramdam siya ng kakaibang kuryente dahil sa malambot na kamay ng boss.
Nagsimula na nga ang pagpasok ni Bianca bilang administrative assistant ni Jonathan. Ibang-iba si Jonathan kapag oras ng trabaho. Seryoso at istrikto. Pero kapag tapos na ang working hours, ngumingiti na ito at nakikipagbiruan na sa kanya.
Minsan, may tinanong ito sa kanya.
“Are you still single, Bianca?” tanong ng kanyang boss.
“Yes, sir. Single and ready to mingle,” Pabirong tugon ni Bianca.
“That’s great. So kailan mo isasauli ang jacket ko?” Nakangiting tanong nito.
“Oo nga po pala. Sige, bukas sir, dadalhin ko po…”
“Sunday bukas. Wala tayong pasok,” paalala sa kanya ni Jonathan.
“Sa Monday na lang po sir. Promise, hindi ko na po kakalimutan.”
“No. Bukas mo dalhin. Let’s meet for a lunch,” sabi ni Jonathan.
Nagkita nga sina Jonathan at Bianca sa isang mamahaling restaurant. Ipinahayag ni Jonathan ang intensyon niyang ligawan si Bianca. Nagulat naman si Bianca sa pag-amin ng kanyang boss na gusto siya nito. Pinayagan naman niyang ligawan siya nito, ngunit pagkatapos lamang ng working hours. Matapos ang dalawang buwan, sinagot ni Bianca si Jonathan.
Dahil sa mga nangyari, naging tampulan ng usap-usapan sa opisina si Bianca. Manggagamit daw ito at ilusyunada. Gustong yumaman kaya bumingwit ng matabang isda. Hindi naman ito nalingid sa kaalaman ng dalawa.
“Do you want me to fire them all?” tanong ni Jonathan kay Bianca.
“Huwag. Hindi na kailangan. Wala naman akong pakialam sa sasabihin nila. Saka isa pa, nang sinagot kita, inasahan ko na ito. Kaya huwag mo akong alalahanin. Ipakikita natin sa kanila na mali ang iniisip nila,” nakangiting sabi ni Bianca.
Pinagbuti pang lalo ni Bianca ang kanyang pagtatrabaho, hanggang siya ay maging “Employee of the Year”. Nawala na ang mga batikos sa kanya ng mga kasamahan dahil kitang-kita naman ang maganda niyang performance sa trabaho, at walang makakapagsabing kaya siya nagkaroon ng pagkilala ay dahil kay Jonathan.
Matapos ang apat na taong relasyon, pinakasalan ni Jonathan si Bianca, ang kanyang administrative assistant, para maging tunay na niyang katuwang habambuhay.