Inday TrendingInday Trending
Ang Pustahan ng Magkaibigan

Ang Pustahan ng Magkaibigan

“Pare, hayan na siya…”

Napalingon si Albert sa entrada ng kanilang pinapasukang print ad company. Palabas na ang pinakamagandang babae na kanilang kasamahan, ang “crush ng bayan” na si Stephanie. Napakaganda nito, matangkad, makinis ang balat, at balingkinitan ang pangangatawan. Bukod dito, sadyang mahusay pa ito sa trabaho. Nasa marketing department ito. Sina Albert at Joseph naman ay nasa printing department.

Sinundan ng mga tingin nina Albert at Joseph ang tila diyosang si Stephanie na palapit sa kotse nito.

“Sobrang ganda pare! Balita ko single pa raw ‘yan,” napapalatak na sabi ni Joseph kay Albert.

“Oh ano pang ginagawa natin? Ligawan na natin. Sayang naman ang mga kagwapuhan natin kung hindi natin susubukin ‘di ba?” sabi ni Albert kay Joseph.

“Deal. Pustahan tayo? Kung sinoman ang sasagutin sa atin, o kahit man lang makasama niya sa date, babayaran ng isang libong piso,” suhestyon ni Joseph.

“Masyadong malaki yung isang libong piso para sa date. Kapag pumayag siyang makipagdate, limandaan. Kapag pumayag magpaligaw, isang libo. Kapag sinagot, isang libo at limandaan. Deal?”

“Deal!” Pagpayag ni Joseph. Nagkasundo silang si Albert muna ang mauuna.

Kinabukasan, inabangan ni Albert si Stephanie sa cafeteria. Lakas-loob siyang lumapit dito.

“Hi! Can I join you?” Tanong ni Albert kay Stephanie. Nasa malayo si Joseph at pinagmamasdan lamang ang mga nangyayari.

“Okay…” nakangiting sabi ni Stephanie. Vegetable salad lamang ang kinakain nito para sa tanghalian.

“Hello, Albert nga pala…” pagpapakilala ni Albert sa babae. Inilahad niya ang kanyang kamay sa magandang dalaga.

“Stephanie Lopez. Taga Marketing Department,” tugon ni Stephanie. Kinamayan niya si Albert.

“How’s work? Medyo matagal-tagal ka na rin dito no?” Tanong ni Albert kay Stephanie. Panay ang sulyap sa kanya ni Joseph na nasa kabilang mesa lamang.

“Ayos naman. Stressful, pero kaya pa naman. Oo, medyo matagal-tagal na. Ikaw? Saang department ka?” balik na tanong ni Stephanie kay Albert.

“Taga printing ako. Medyo matagal na rin ako rito. Pero ngayon lang tayo nagkausap at nagkakilala. Pwede bang mapadalas ang kwentuhan natin?” Tanong ni Albert kay Stephanie.

“Kung maaabutan mo ako rito sa cafeteria. Hindi ako madalas dito eh. Minsan sa labas ako kumakain,” tugon ni Stephanie.

“Eh di… sa labas tayo kumain, the next time around?” Tinitigan ng diretso ni Albert ang mga mata ni Stephanie. Sumisilip ng katiting na pag-asa.

Walang itinugon dito si Stephanie. “Naku, Albert, I have to go na. May meeting kasi kami. Nice meeting you!” Kumaway pa sa kanya ang dalaga at bumalik na sa loob ng opisina.

Agad na lumapit si Joseph sa kinauupuan ni Albert. “How was it?”

“Wala… hindi sumagot noong inaaya kong lumabas,” malungkot na sabi ni Albert.

Tumawa nang malakas si Joseph. “Ang hina mo naman! Anong nangyari sa madiskarte at makarisma kong kaibigan? Sige, ako naman. My turn. Watch me!” hamon naman ni Joseph.

Sa nagdaang araw, may kinakailangang flyers na kailangang dalhin sa marketing department. Nagprisinta si Joseph na siya na ang magdadala nito. Alam niya kasing kay Stephanie i-eendorso ang mga flyers na iyon para sa gagawing marketing ng kanilang kliyente.

“Hi Miss Lopez. Heto na nga pala yung flyers…” nakangiting sabi ni Joseph kay Stephanie.

“Thanks! You are?”

“Joseph. Joseph Ramos. You are Stephanie Lopez, right? The crush ng bayan…” puri ni Joseph kay Stephanie.

“Yes, I am Stephanie. Pero yung sa crush ng bayan, I’m not sure. Hindi ko iniisip po iyan. I’m not into it,” magalang na tugon ni Stephanie.

“Totoo iyon. We are looking forward to know you more. Can I ask you for a date?” diretsong aya ni Joseph kay Stephanie. Nanlaki ang mga mata ni Stephanie.

“Thank you so much for the invite, sir. Pero I think, it’s improper to talk about personal matters during working hours. Excuse me,” sabi ni Stephanie, sabay talikod na.

Tawa naman nang tawa si Albert nang magkwento na si Joseph sa mga nangyari.

“Siraulo ka kasi! Oh, anong nangyari sa iyo ngayon? Wrong move p’re. Hindi dapat ganoon. Parang ang presko ng dating mo.”

“Oo nga eh. Anong magagawa ko? Eh straight forward ako. Alam mo ‘yan,” sabi ni Joseph.

“Labas na nga lang tayo. Bar tayo!” aya ni Albert sa kaibigan.

Biyernes naman, kaya nag-inuman na lamang sina Albert at Joseph. Habang sila ay nagkakainuman, nakita nila ang pagpasok ng isang pamilyar na mukha. Si Stephanie! Umupo ito sa isang sulok ng bar at tila may hinihintay.

“Lapitan na natin?” Tanong ni Joseph kay Albert.

“Huwag. Hindi iyan pupunta rito nang mag-isa lang…” pigil ni Albert sa kaibigan.

Maya-maya, isang t*mboy ang dumating. Nang makita ito ni Stephanie, kinawayan ito at pinalapit. Kitang-kita nina Albert at Joseph nang maghalikan ang dalawa. Pumulupot si Stephanie sa bisig nito at naupo na sila. Natulala ang magkaibigan.

“Game over, pre. In a relationship na pala siya. At hindi tayo ang market niya,” natatawang sabi ni Joseph sa kaibigan.

“Sayang ang ganda pa naman niya…” nanghihinayang na bulalas ni Albert. Napansin yata ni Stephanie na may nakatingin sa kanya. Nakita sila nito, at sa halip na magtago at ikahiya ang kasama, ubod-tamis itong ngumiti at kumaway kina Albert at Joseph. Itinuro pa nito ang kasamang t*mboy na karelasyon nito.

Minabuti na lamang nina Albert at Joseph na pagbutihin na lamang ang kani-kanilang mga trabaho. Hindi naglaon, nagkaroon sila ng kani-kanilang mga love life na nagbigay ng inspirasyon sa kanila.

Advertisement