Mula noong inoperahan ang maliit na bukol sa may labi ni AlIng Narsing ay kataka-takang hindi na naghilom ang sugat na sanhi ng operasyon, sa halip ay naging sugat na iyon. Palaki ng palaki at parang kinakain ang laman ng kaniyang labi. Kaya upang hindi mandiri ang iba ay nagsusuot na lamang siya ng mouth mask.
Ipinakunsulta niya ito sa isang magaling na doktor at sinabi lamang na baka mataas ang kaniyang sugar level kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin naghihilum ang sugat. Ngunit kapag nakikita ito ng isang magaling na albularyo sa lugar nila’y sinasabi sa kaniyang binabarang siya ng kung sino.
“Narsing, bakit hindi mo subukang ipatingin iyan kay Manong Anselmo?Wala namang mawawala kung susubukan mo. Kataka-taka kasing hanggang ngayon ay hindi pa rin siya gumagaling,” suhestiyon ni Emma ang kaniyang kaibigan.
“Nakakagamot ba talaga iyon?” duda niyang wika.
“Sa lahat naman ng nagpapagamot sa kaniya ay wala pa naman akong naringgan na nagreklamo. Wala namang mawawala kung maniniwala tayo. May mga bagay kasi sa mundong ‘to na hindi maipaliwanag ng siyensiya. Malay mo kay Manong Anselmo ka gumaling,” patuloy nito sa pangungumbinsi.
“Totoo ba ang mga ganun? Baka kasi nanloloko lang,” aniya.
“Bakit hindi mo subukan? Wala namang mawawala kung susubukan mo lang ‘di ba? Malay mo si Manong Anselmo ang sagot nang hinihiling mo,” wika ulit ni Emma.
“Hmm sige,” maiksi niyang sagot.
Ganun na nga ang ginawa niya. Pumunta siya sa bahay ni Manong Anselmo upang ipakonsulta kung ano ba ang nangyari sa kaniyang bibig.
“D’yan ka lang,” wika ng matandang albularyo nang makita siya sa may bakuran ng bahay nito. “Bakit ka naparito? Anong sadya mo?” tanong nito.
“Manong nais ko lang pong ipakonsulta sa inyo kung ano ba ang nangyari sa labi ko?” sagot naman niya.
“Gaano ba katibay ang pananalig mo sa kaniya?” anito na ang tinutukoy ang Panginoong Diyos Ama.
Natahimik siya sa biglaang tanong ng matanda. Naniniwala siyang mag Diyos, nagdadasal siya araw-araw, pero hindi niya kayang sagutin kung gaano nga ba iyon katibay.
“Hindi ako ang magpapagaling sa’yo kung ‘di ang Diyos Ama, ineng. Ginawa lang akong instrumento ng Diyos upang manggamot. Kaya ko tinatanong kung gaano katibay ang paniniwala mo sa kaniya. May mga pagsubok na dumarating sa buhay natin na halos hindi na natin kinakaya at doon na tayo nagsisimulang pagdudahan ang pagmamahal ng ating Diyos Ama. Katulad mo, alam kung naniniwala kang may Diyos, pero nagdududa ka kung totoo nga bang nandito siya at pinapakinggan niya ba ang hiling mo. Bago ka pumasok nang tuluyan sa bakuran ko’y alisin mo ang lahat nang pangambang nand’yan sa puso mo at muling magtiwala sa kaniya,” mahabang wika ni Manong Anselmo.
Nagbigkas muna ito nang mahinang dasal bago siya tuluyang pinapasok sa loob ng bahay nito. Tinignan kung ano ang nangyari sa kaniyang labi, muling nagdasal ng latin na hindi niya naiintindihan. Maya-maya ay nakita niyang humugis tao ang kandilang pinapatunaw nito sa isang puting papel. Ang sabi ni Manong Anselmo ay malapit lang sa kaniya ang babaeng iyon, matagal na siyang ginagamitan ng black magic nito ngunit tumalab lang iyon mula nung humina ang pananalig niya sa Diyos Ama.
“Tandaan mo palagi ineng, ginamit lamang akong instrumento ng Diyos para gamutin ka. Pero ang makakapagpagamot talaga sa’yo ay walang iba kung ‘di ang iyong sarili. Ang tibay ng paniniwala at pananalig mo sa kaniya. Humiling ka nang taos pusong panalangin na ika’y kaniyang diringgin,” anito tsaka sinimulan ang paggamot sa kaniya.
Mula sa araw na iyon ay muli siyang pumasok sa simbahan, taimtim na nagdasal, iniyak ang lahat nang sakit na nararamdaman sa kaniyang puso, nangumpisal sa lahat nang kasalanang kaniyang nagawa. Patuloy pa rin siyang nagpapagamot kay Manong Anselmo, hanggang sa unti-unting naghihilom ang sugat sa kaniyang bibig. Ang nakakadiring itsura nito nun ngayon ay gumagaling na at hindi na kumikirot. Dahan-dahan na iyong gumagaling sa pamamagitan ng gamot na binibigay ni Manong Anselmo sa kaniya, kasama ng taos pusong dasal na sana ay tuluyan na siyang gumaling sa pamamagitan ni Manong Anselmo.
Walang ekspertong makakapagsabi kung totoo nga ba ang barang o hindi, dahil ang totoong albularyo, lagi nilang sinasabi na may mga kababalaghang nangyayari sa mundong ito at walang sinoman ang makakapagsabi kung bakit merong ganun. Tibay at paniniwala lamang sa Diyos Ama ang tanging sandata sa lahat nang pagsubok na darating sa buhay natin. Kahit anuman ang relihiyon natin ang mahalaga ay huwag mawawala ang pananalig sa ating Diyos na may likha ng langit at lupa.