Inday TrendingInday Trending
Galit Nanaman si Boss?

Galit Nanaman si Boss?

“Ano ka ba naman Ms. Laila, kabago-bago mo pa lang, ang dami mo nang palpak na ginagawa! Hindi kita tinanggap dito sa opisina ko para maging pabigat! Tinanggap kita, para matulungan mo ako! Eh ang nangyayari mas lalo akong namomroblema noong ikaw na ang nag-aayos ng schedule ko!” bulyaw ni Mr. Santos, CEO ng isang sikat na hotel, nakayuko lang naman ang kanyang sekretarya dahil sa hiya at takot habang siya’y nagbubunganga.

“S-sorry po Sir. H-hindi lang po ako masyadong sanay sa trabaho ko ngayon. Bago po sakin ang pagiging isang sekretarya.” Nauutal-utal na paliwanag ni Sarah, mas lalo namang nagalit ang lalaki sa kanyang dahilan.

“Iyan ang rason mo sakin? Eh halos dalawang linggo ka nang nagtatrabaho sa akin tapos yan ang rason mo? Kailan ka pa masasanay ha? Kapag sisante kana?” gigil na gigil na tanong ng kanyang boss.

“H-hindi po, pasensya na po kayo. Asahan niyo pong pag-iigihan ko pa po lalo.” sagot naman ng dalaga kahit pa nababalot na ng takot at kaba ang utak.

“Aba, dapat lang! Sige na, lumabas kana muna. Kaaga-aga pinag-iinit mo ang ulo ko.” bulyaw naman ni Mr. Santos, nataranta namang lumabas ang dalaga.

Bagong graduate lamang sa kolehiyo ang dalagang si Sarah ngunit kahit pa ganito, kaagad siyang nakakuha ng trabaho sa Makati dahil sa pinsan niyang nagtatrabaho doon. Dahil rin sa kagalingan niya sa pakikipag-usap at kakayahan niyang makibagay, natanggap siya bilang sekretarya ng kinakatakutang may-ari ng kanilang kompanya.

Madalas mang nasisigawan at napapagalitan hindi ito alintana ng dalaga dahil ang mahalaga sa kanya, makapag-ipon siya para sa kanyang pamilya. Ginagawa niya namana ang lahat ngunit tila napakapihikan ng nasabing lalaki pagdating sa larangan ng trabaho.

“Insan, narinig ko kanina nasigawan ka na naman ha? Bibigay ko sana itong report kay Boss eh, napaurong ako nang marinig kong galit na naman.” sambit ng kanyang pinsang si Shem habang nagtitimpla ng kape.

“Oo nga eh, bigla kasing inurong noong kliyente yung usapan nilang pagkikita ngayong lunch, eh may meeting siya ngayon. Kaya ayun, nagalit. Simpleng schedule lang daw hindi ko pa maayos.” nguso naman ng dalaga, tila nahihiya sa nagawa.

“Hanep talaga yan, hindi mo naman kasalanan yun!” inis namang sagot ng kanyang pinsan.

“Hayaan mo na, sigurado ako may problema rin yan si Sir kaya ganyan na lang ang reaskyon niya sa maliit na bagay.” depensa naman niya, nagulat naman ang kanyang pinsan sa kanyang nasabi.

“Hay naku, ikaw na nga napag-iinitan ganyan ka pa. Sobrang bait mo talaga!” sambit ni Shem saka umalis ng silid.

Dumiretso naman sa opisina ni Mr. Santos ang dalaga upang bigyan ito ng kapeng pampalubag loob sa kanyang kasalanan. Ngunit hindi niya sinasadyang marinig ang mga sinasabi nito sa kausap niya sa telepono.

“Papa, hindi po pwede yung kagustuhan niyo. Hindi pwedeng ipasara ko ang kompanya ko para makapag-invest sa kompanyang tinatayo niyo.”

“Ayoko po Papa, sige, kung itatakwil niyo ako, wala akong magagawa!”

Saka nito inihagis ang telepono sa sahig. Napasigaw naman ang dalaga sa gulat dahilan upang mapansin siya ng kanyang boss. Ngunit hindi siya inimik nito at tumungo lamang sa lamesa. Narinig ng dalaga ang mga hikbi nito kaya napagdesisyunan niyang lumabas muna ng silid. Bubuksan niya pa lang sana ang pintuan ngunit bigla siyang tinawag ng lalaki.

Kinakabahan naman niya itong nilapitan. Doon niya nalamang umiiyak na pala ito. Agad siyang kumuha ng tissue at ibinigay dito. Kinuha naman niya ito agad at nagsimulang maglabas ng sama ng loob sa dalaga.

“Alam mo ba, pagod na pagod na ako sa kompanyang ito. Hindi ko lang mabitawan dahil sa mga empleyado ko. Galit na rin ang tatay ko, hindi siya makapagtayo ng sariling kompanya dahil dito.” paghikbi nito.

“Nakakahiya no, kanina lang sinisigawan kita, tapos ako pa ngayon yung umiiyak sa harapan mo. Pasensya kana, iha.” dagdag pa nito.

“Ayos lang po, tao rin naman kayo. Kailangan niyo po talagang ilabas lahat ng bigat sa puso niyo. Isipin niyo lang po na pagsubok lang ito, at malalagpasan niyo rin. Balang araw po pagtatawanan niyo na lang itong eksenang ito.” nakangiti namang sambit ng dalaga, napangiti naman ang lalaki sa sinabi ng dalaga.

Tila natauhan si Mr. Santos sa sinabi ng dalaga dahil simula noon palagi na siyang pumapasok at umuuwi ng opisina nang nakangiti at walang sinisigawang empleyado. Naging usapan naman ito sa buong kompanya at nakarating sa kanilang boss. Ngunit imbis na magalit sa tsismis ang lalaki, ika niya sa isa nilang pagpupulong,

“Napagtanto ko lang na bawat isa sa inyo ay may pribadong problemang hindi inilalabas sa iba katulad ko kaya kailangan kong maging mabait sa inyo.” naghiyawan naman ang mga empleyado sa mga katagang narinig habang napangiti na lang sa sulok si Sarah, dahil alam niyang nakatulong siya hindi lang sa kanyang boss kundi pati na rin sa kanyang mga katrabaho.

Maging mabait sa mga taong nakakasalamuha dahil bawat tao ay may kanya-kanyang problemang pinagdadaanan. Sa pamamagitan nito, maaari mo na silang matulungan.

Advertisement