Ang Aral Mula sa Konduktor
“Mam, kulang ho ng limang piso ang bayad n’yo… magalang na sabi ni Domeng sa isa sa mga pasahero. Si Domeng ay tatlong taon nang konduktor sa isang ordinaryong bus.
“Ano? Niloloko mo ba ako? Matagal na akong bumibyahe no. 20 pesos lang talaga ang pamasahe ko…” asik na sabi ng ginang.
Itinuro ni Domeng ang aprubadong matrix. “Heto po ma’am ang bago naming matrix…”
Hinablot ng ginang ang matrix at nakita nga niyang may dagdag na limang piso ang kanyang pamasahe. Kinuha nito ang malaking coin purse at pabalagbag na inihagis ang limang piso. “Oh hayan! Ikayayaman n’yo iyan eh!”
Nagtimpi na lamang si Domeng. Marahan niyang pinulot ang limang pisong itinapon ng ginang. Nakatingin ang lahat ng pasahero sa kanya. Matapos nito, binigyan niya ng tiket ang galit na babae.
Tatlong taon na sa pagiging konduktor si Domeng. Namana niya ang trabahong ito sa kanyang tiyuhin, na dati namang bus driver. Noong una, hirap na hirap sa kanyang trabaho si Domeng lalo na kapag siksikan na ang mga pasahero sa bus.
Kinakailangan niyang makipagsiksikan din upang makuha ang bayad ng mga pasahero. Subalit ang pinakaayaw niya sa lahat ay kapag may nagagalit na pasahero kapag sinisingil niya ng pamasahe, lalo’t nagtaas ito. Gaya ngayon. Dati, pakiramdam niya’y gusto niyang lumubog sa kinatatayuan, subalit sa pagtagal ng panahong ginagawa niya ito, nasanay na rin siya. Tumibay ang kanyang sikmura. Kailangang makakain ng kanyang pamilya.
May mga panahon ding gusto na niyang sumuko sa kanyang ginagawa at humanap ng ibang trabaho. Subalit hindi naman siya nakatapos ng pag-aaral. Second year high school lamang ang inabot niya. Aminado siyang bulakbol siya noon. Madalas ang kanyang cutting at pagliban sa klase. Umabot pa sa puntong kinailangan siyang ibartolina ng kanyang tiyuhin para lamang tumino siya. Pinili niyang huminto na lamang at magtrabaho na lamang. Kaya isinama siya ng tiyuhin sa mga byahe nito.
Nang magkaroon ng sariling pamilya si Domeng, sising-sisi siya ngayon kung bakit hindi niya tinapos ang pag-aaral. Hindi sana siya naghihirap ngayon. Mabibigyan niya sana ang pamilya nang mas magandang buhay. Hindi sana siya nakakatanggap ng mura, panlalait, at galit mula sa mga pasaherong hindi naman niya kaano-ano.
Maya-maya, isang babaeng senior citizen ang sumakay sa bus. Umupo ito sa pang-unahang upuan. Nilapitan niya ito upang kunin ang bayad na pamasahe.
“Saan po sila, Lola?” Magalang na tanong ni Domeng sa matanda.
“Sa Quiapo…” sagot ng matanda.
“Forty pesos po…” sabi ni Domeng.
Dumukot sa kanyang lumang bag ang matanda. Kinuha ang pitaka. Nagulat ito nang makitang bente pesos lang ang laman ng kanyang pitaka. Hinalungkat nito ang loob ng bag, nagbabaka-sakaling may pera sa loob nito.
“Lola, may problema po ba?” Tanong ni Domeng sa matanda.
“Iho… bente pesos lang pala ang pera ko. Pasensya na. Wala na pala akong pera. Bababa na lang ako…” nahihiyang sabi ng matanda. Tatayo na sana ito, subalit pinigilan ito ni Domeng.
“Lola, sige ho. Okay na po. Sagot na po kita.” Nakangiting sabi ng kundoktor.
“Talaga, iho? Naku maraming salamat! Ipagdarasal kita sa simbahan ng Quiapo mamaya na sana’y makamtan mo ang mga pangarap mo sa buhay.”
Bukod dito, bago bumaba sa Quiapo, binigyan pa ng dalawang daang piso ni Domeng ang matanda. Baka kasi hindi ito makauwi mamaya, at baka wala ring pangkain. Labis na nagpasalamat ang matanda sa kabutihang-loob ng konduktor. Inabunohan at pinaluwalan na rin ni Domeng ang 40 pesos na pamasahe ng matanda para hindi ito makaapekto sa inspeksyon.
Lingid sa kaalaman ni Domeng, isang estudyante pala ang nakasaksi sa lahat ng pangyayari. Palihim siyang kinuhanan ng larawan, at naivideo rin ang akto ng pagbibigay niya ng pera sa matanda. Ipinost ito sa social media at nanawagang pasikatin ang konduktor dahil sa mabuti nitong puso. Naging viral at sumikat si Domeng dahil sa post na ito ng estudyante. Nakarating sa lokal na pamahalaan, lalo na sa alkalde ang ginawa ni Domeng. Ipinahanap nila ang butihing konduktor at ginawaran ng pagkilala. “Natatanging Mamamayan ng Taon” ang iginawad kay Domeng. Bukod dito, pinagkalooban din siya ng premyong isandaang libong piso bilang gantimpala.
Makahulugan ang talumpati ni Domeng sa pagtanggap niya ng parangal.
“Ako po ay isang hamak na konduktor lamang. Hindi po ako nakatapos ng pag-aaral. Subalit ang turo po sa akin ng mga magulang ko, hindi matutumbasan ng kahit na anong diploma o kayamanan ang kabutihan.”
Pinalakpakan at standing ovation pa mula sa audience si Domeng sa naganap na seremonya. Tatlumpu silang nakatanggap ng parangal. Masayang-masaya ang asawa ni Domeng, gayundin ang mga anak nito. Tunay nilang ipinagmamalaki si Domeng na isang konduktor na may malinis at mapagmalasakit na puso.