Inday TrendingInday Trending
Batugan na Kung Batugan, Gusto Ko Pang Matulog!

Batugan na Kung Batugan, Gusto Ko Pang Matulog!

Bakasyon na ng mga estudyante sa klase kaya naman nakapirmi na lang ngayon sa bahay ang nag-iisang anak ni Yolly na si Gian.

“Anak, alam kong walang pasok pero dapat gumising ka pa rin ng maaga. Paano ka aasenso niyan sa buhay kung tanghali ka na lang lagi nagigising?” saad ni Yolly rito.

“Si mama naman, wala sa paggising o pagtulog ang pag-asenso ng tao. Nasa sipag ho, tsaka, ma, gusto ko pang matulog!” sagot naman ni Gian dito sabay kuha ng unan at takip sa kaniyang mukha.

Nasa ikalawang taon na ng hayskul ang binata at laking pasasalamat niyang hindi siya naabutan ng programang K to 12. Sawang-sawa na kasi itong pumasok sa eskwelahan at mas gusto na lang maglaro ng kumpyuter o di kaya naman ay maglaro ng basketball kasama ng kaniyang mga kaibigan.

“Diyos ko naman, Gian! Halos isang lingo ka nang ganyan ang gising anak, hindi na maganda iyan. Kain-tulog na lang ang ginagawa mo ngayon. May problema ka ba na hindi sinasabi sa akin?” baling muli ni Yolly sa anak at kinuha ang unan na nakatakip dito.

“Ma! Wala, gusto ko lang talaga matulog, please lang. Bakasyon naman e,” inis na sagot nito sa kaniya at binawi ang unan sabay talukbong pa ng kumot.

Hindi mawari ni Yolly ang kinikilos ng kaniyang binata, grabe kasi ang tulog ni Gian. Halos tanghalian lang ang binabangon nito at matutulog nang muli. Alam niya na hindi lamang basta katamaran o pagbabatugan ang ginawa ng kaniyang anak dahil hindi normal para sa kaniya na hindi lumalabas ang binata sa kanilang bahay buong araw. Nagbago ito simula noong umuwi galing sa pistahan sa kabilang barangay.

“Mareng Hilda, may itatanong lang ako. Si Alex ba palaging natutulog nitong mga nakaraang araw? Si Gian ko kasi ay wala nang ginawa kung ‘di matulog simula nung nanggaling sila sa pistahan sa kabilang barangay,” saad ni Yolly sa kaniyang kumare na kaklase ng kaniyang anak.

“Hindi naman ganun si Alex, sa katunayan nga ay wala namang tigil sa kakalaro ng kompyuter! Mga deputris na bata ‘yan, nagbakasyon lang ay hindi na lalong mautusan. Pero, mare, maiba lang tayo ha. Hindi ko alam kung naniniwala ka, pero may narinig kasi akong kwento. Ganyan na ganyan din ang nangyari sa anak niya pagkagaling doon sa kabilang barangay!” wika ni Hilda sabay hila sa braso ni Yolly at nilapit niya ang kaniyang mukha saka mahinang bumulong.

“Naengkanto raw,” saad nito.

“Anong naengkanto ka riyan? 2018 na, Hilda! Diyos ko naman, hindi na uso iyang mga ganyan lalo na sa lugar natin,” mabilis na sagot nito sa babae sabay pasimpleng hampas sa kamay ni Hilda.

“Ayun na nga, hindi ko naman kasi alam kung naniniwala ka ba. Pero kasi, ang kwento, may diwata raw sa kabilang barangay. Trip daw ‘yung mga binatang katulad ng anak natin. Tapos itong chismis na nasagap ko, simula raw nung nanggaling ang anak niya doon ay wala nang ginawa ito kung ‘di ang matulog nang matulog. Akala nung nanay ay nagbabatugan lang pero ‘yun pala ay kinukuha na nung diwatang engkanto sa panaginip. Kumbaga, kaya gustong-gusto matulog nang mga nabibiktama kasi sa panaginip daw ay pinagsisilbihan sila nung diwata. Hindi ko lang sure kung anong klaseng pagsisilbi, mare! Pero ‘yun na nga, mabuti na lang at pinaalbularyo kaagad nung nanay kaya naagapan kasi kung hindi ay kukuhanin daw nung diwata ‘yung kaluluwa sa panaginip tapos hindi na magigising pa!” mahinang sabi ni Hilda kay Yolly.

“T*ngina naman ‘to si Hilda! Tanghaling tapat ganyan ang mga kinukwento sa akin! Parang tang*, kinikilabutan ako sa’yo e,!” sagot naman ni Yolly dito sabay tingin sa braso niyang naninindig na ang mga balahibo.

“Basta sinabi ko na sa’yo, bantayan mo ‘yang si Gian. Wala namang masama kung magpapaalbularyo ka di ba. Ikaw rin, basta sinabihan na kita,” pahayag muli ng kaniyang kumare saka sila naghiwalay ng landas para mamili sa palengke.

Nababagabag ang kalooban ni Yolly, naniniwala kasi siya sa mga diwata at engkanto o ano pa mang ibang nilalang dito sa lupa na hindi nakikita ng mga normal na mata. Kaya kahit na alam niyang aayawan siya ni Gian ay tumawag na kaagad ng albularyo si Yolly upang papuntahin sa kanilang bahay.

“Anak! gumising ka. Nandito si Ka’ Celso, gagamutin ka niya, anak,” wika ni Yolly kay Gian na tulog na naman.

“Anak, huwag kang sasama sa diwata sa panaginip mo. Alam kong nakikita mo siya sa panaginip kaya ka tulog ng tulog pero sana, anak, huwag kang sasama,” dagdag pa nito.

“Ma-” nanghihinang sagot ni Gian saka nagkusot ito ng mata. Nakita niyang may dalang isang umuusok na mangkok ang matanda sa kaniyang harapan at kitang-kita niya ang nag-aalalang mukha ng kaniyang nanay.

“Ma, anong trip ‘to?” tanong ni Gian sabay bangon.

“Alam ko na kasi, anak. Alam kong kaya ka tulog nang tulog kasi may diwata sa panaginip mo. Inaakit ka man niya o sobrang ganda man niya pero tandaan mo, anak, hindi sila totoo. Kaya tinawag ko si Ka’Celso para lubayan ka na ng engkantong diwata,” paliwanag ni Yolly sa anak.

“Ma, ano bang pinanuod mo at bakit ganito na naman ang mga trip mo? Walang engkanto at walang diwata! Kaya ako tulog ng tulog kasi gusto kong ituloy ‘yung panaginip ko,” sagot ni Gian.

“Panaginip mo tungkol saan? Kagagawan iyan ng engkanto, anak!” mabilis na sagot ni Yolly sabay hawak sa mga kamay ni Gian.

“Ma, lagi kasi ako nananaginip ng numero. E sabi nila swerte raw iyon, kaya tulog ako ng tulog para makumpleto ko ‘yung numero tapos tatayaan ko sa lotto! Kanina nga napanaginipan ko na ibobola na ‘yung numero e nanggising ka ulit kaya ayan, nawala na naman!” sagot ni Gian sa kaniya saka natawa ang binata. Nung una ay pinipigalan pa niya ang pagngisi ngunit kalauna’y napahagikgik na ang binata habang nakatingin sa kaniyang nanay.

“Saka, mama, hindi totoo ‘yung diwata sa kabilang barangay. Nabalitaan ko na rin ‘yang kwentong iyan pero yung sinasabi nilang nabiktima e nang trip lang. Gusto lang talaga matulog nun tsaka para daw hindi siya utusan ng nanay niya, tropa namin ‘yun e,” dagdag pa ni Gian at natawa pang muli ito.

“Putragis kang bata ka!” baling ni Yolly at pinaghahampas niya ang anak. Nauwi na rin sa tawanan ang kanilang paghahampasan, kusa na lang din umalis si Ka’Celso nang marinig iyon kay Gian.

“Anak, sa susunod huwag naman sana kayong mabiro nang ganun. Kasi kaming mga nanay ay nag-aalala,” seryosong pahayag niya sa binata.

“Opo, mama, sorry rin,” sagot naman ni Gian.

Napangiti na lamang si Yolly habang yakap niya ang kaniyang anak, gustuhin man niyang magalit ngunit natatawa na lang rin siya sa kalokohan nito. Ipinagpapasalamat na lang niya sa Diyos na pinrotektahan pa rin silang mag-ina dahil hindi nila naranasan ang mga ganoong kwento.

Advertisement