“O Anak, saan ka pa pupunta? Maggagabi na ha? Delikado na dyan sa may eskinita tuwing gabi. Nakita na naman ni Mang Homer yung tiyanak dyan kagabi. Baka mamaya ikaw ang makakita noon at makuha ka pa!” pag-aalala ni Aling Arlyn sa anak na papaalis pa lamang ng bahay.
“Nanay, wala na pong tiyanak sa ngayon. Baka po guniguni lang ni Mang Homer iyon. Kailangan ko pa po kasi talagang pumunta sa bayan para mag-computer. Yung assignment po kasi namin matatagpuan lang sa online.” sagot naman ng dalaga, halata sa kanyang mukha ang kagustuhang umalis.
“Bukas mo na lamang gawin ng umaga iyan, Gwen. Huwag mo akong inisin. Baka mamaya mapahamak ka pa. Gigisingin na lang kita ng maaga.” alok naman ng kanyang ina, ngunit tila hindi pwede ang naisip nito.
“Pero Nanay, hanggang mamayang alas dose na lang po yung pasahan non. Hindi niyo na nga po ako pinayagan kagabi.” pang-gigiit pa ng dalaga dahilan para lalong mainis na ang kanyang ina.
“Kapag sinabi kong hindi, hindi. Huwag ka nang makulit dyan at hindi mo ako mapipilit.” punong awtoridad na wika nito saka padabog na sinarhan ang kanilang pintuan, pinapasok niya na rin sa sariling silid ang dalaga.
Naging matinik ang usap-usapan sa baryo nila ngayon ang tila isang manananggal daw na nag-aabang ng makakain sa kanilang eskinita. Kaya naman labis na lamang ang paghihigpit ni Aling Arlyn sa anak upang huwag ito mapahamak. Marami naman sa mga naninirahan doon ang naniniwala dahilan para tuwing sasapit na ang alas siyete ng gabi, lahat sila ay nagsasara na ng kani-kanilang pintuan at mga bintana.
Ngunit tila kagustuhan talaga ng dalagang si Gwen ang makapagpasa ng kanyang assignment sa takdang oras. Nakaisip siya ng paraan upang magawa at matapos niya ito sa takdang oras nang hindi nalalaman ng kanyang ina. Sumunod siya sa kagustuhan nitong pumasok na siya sa kanyang sariling silid, pero pagdating ng alas nuwebe ng gabi, kung kailan tulog na ang kanyang ina, dali-dali niyang binuksan ang kanyang bintana saka lumusot dito upang makalabas.
Matagumpay namang nakalabas ang dalaga sa kanilang bahay. Nakapunta siya ng ligtas sa bayan. Higit sa lahat, nagawa niya at natapos ang kanyang takdang aralin sa takdang oras. Bandang mga alas onse na ng gabi nang magpasiyang umuwi ang dalaga.
“Naku, sana naman hindi napansin ni Nanay na wala ako sa kwarto. Malalagot ako nito!” bulong ng dalaga sa sarili, ngunit tila papasok pa lamang siya ng eskinita nila, naaaninag na niya ang isang nilalang na tila nag-aabang sa gitna ng daan.
“Gwen? Guni-guni lang iyan ha. Huwag mo pansinin.” pangungumbinsi niya sa sarili, ngunit habang papalapit siya dito, tila lumilinaw na sa kanyang paningin ang isang batang bilugan ang ulo, at kumakain ng aso. Napakaripas siya ng takbo at nagsisisigaw upang makalampas dito.
Nang makalampas siya sa eksaktong lugar kung nasaan ang sinasabi nilang tiyanak, bigla siya nitong hinawakan sa braso. Dahilan para mas magtutumili ang dalaga. Nakapikit lamang siya at pilit ikinakalas ang pagkakahawak sa kanya. Bigla naman siyang napatahimik nang magsalita ito.
“Shhh. Gwen ang ingay-ingay mo! Baka magising yung mga tao rito, pagbabatuhin na naman ako!” sermon nito dahilan para mapamulat sa pagkakapikit ang dalaga.
“S-simone? Anong ginagawa mo dito sa dis-oras ng gabi?” pagtataka ng dalaga, kamag-aral niya ito noong elementarya.
“Dito kasi sa eskinita niyo nagtatambak ng basura yung ibang tao kaya nagpupunta ako dito tuwing gabi para mangalakal. Tinataboy kasi nila ako sa umaga, tapos sa gabi naman inaakala nilang tiyanak ako. Eh wala naman akong ibang mapasukang trabaho dahil sa kaliitan ko. Sa itsura ko pa diba, para akong baby.” malungkot namang kwento nito.
“Ay ganon ba?” halos hindi makapaniwala si Gwen sa ipinagtapat ng kamag-aral. “Sige tutulungan kita, pero sa ngayon uuwi muna ako ha? Baka malagot ako sa nanay ko kapag nalaman niyang tumakas ako. Doon ka pa rin ba nakatira? Pupuntahan kita bukas pagkagaling kong eskwela!” sambit naman ng dalaga saka nagmadaling tumakbo pauwi, swerte naman at hindi namalayan ng kanyang ina ang kanyang pagkawala.
Katulad ng sinabi ng dalaga sa unano niyang kamag-aral, pinuntahan niya nga ito sa kanilang bahay, hindi kalayuan sa pinapasukan niya. Binigay niya rito ang kanyang naiipong pera upang mapangbili ng pagkain nito.
“Naku salamat Gwen ha. Baka ikaw naman ang mawalan ng pera, hindi ba’t kailangan mo ito sa iyong pag-aaral?”paninigurado nito.
“Mas kailangan mo yan, Simone. Basta ipangako mo sa akin na hindi kana pupunta doon sa tambakan. Delikado kasi ang buhay mo doon sa mga taong natatakot sayo, maghanap kana lang ng bago mong ruta.” sambit naman ng dalaga, agad namang sumang-ayon ang binata.
Matapos ang pangyayaring iyon, tila nawala na ang usap-usapan sa lugar nila Gwen. Nawala na rin ang takot sa kanilang puso at nagsimula nang gabihin sa pagsasara ng bahay. Masaya naman ang dalagang nakatulong siya hindi lang sa kanyang kamag-aral dati, kundi pati na rin sa kanyang mga kabaryo.