Inday TrendingInday Trending
Ngiting May Kasamang Paninindigan

Ngiting May Kasamang Paninindigan

“Friend, tingnan mo naman yung natira sa sweldo ko, limang daang piso na lang. Hindi na ata ito aabot ng katapusan. Paano na ako nito?” nakalumbabang sambit ni Girly sa katrabaho habang pinagmamasdan ang pera sa kanyang kamay.

“Bakit naman ganon? May absent ka ba ngayong linggo?” tanong naman ni Celine.

“Oo, ‘di ba nagkasakit yung nanay ko? Walang mag-aalaga eh, kaya nagpasya na akong huwag muna pumasok. Hindi ko naman alam na ganito sila kalaki magkaltas sa sweldo,” sagot ng dalaga saka tuluyan nang isinubsob ang mukha sa lamesa.

“Wala rin ang maitutulong sa iyo eh. Problemado rin ako sa pamilya ko ngayon. Kailangan rin namin ng pera para tuluyan nang mapataasan yung bahay namin, palagi kasi kaming binabaha kahit pa konting ulan lang,” kwento ni Celine sa katrabaho, bigla niya namang napansin ang isa pa nilang katrabaho na nakikipagtawanan lamang sa gilid.

“Halika nga, imbis na problemahin natin ang problema, kausapin na lang natin si Ashley, tingnan mo o, ang saya-saya parang walang kaproble-problema! Baka matulungan niya tayo,” pag-aya ni Celine sa dalaga. Wala namang ganang sumunod si Girly.

Naging matalik na magkaibigan ang dalawang dalaga nang magkakilala sila sa kanilang trabaho. Parehas silang bread winner at tagapagtaguyod ng kani-kanilang pamilya. Ngunit kagaya ng nakararami, dumadaan sila sa mga pagsubok na halos wala na silang mahanap na paraan para maging masaya sa buhay.

Tuwing nakikita naman ng dalawa ang kanilang katrabahong laging masaya at positibo sa buhay, parati nilang iniisip kung may problema din kaya ito sa bahay? Parang sobrang saya kasi nito at parang walang pinag-aalala sa kanyang pamilya o sarili.

Katulad ng napag-usapan ng dalawang magkaibigan, nakisama sila sa lamesa kung saan kumakain sina Ashley at ang isa nitong kaibigan. Agad naman silang binati nito at inalok ng pagkain.

“Ashley, wala ka bang problema sa buhay?” walang anu-anong tanong ni Celine sa dalaga, nabilaukan naman ito ng bahagya sa tinanong ng babae saka malakas na tumawa. “Para kasing wala! Kita mo ang saya-saya mo. Natural na natural yung tawa mo. Tapos ang aliwa-aliwalas pa ng mukha mo. Parang wala, ang perfect ng pamilya mo, ng buhay mo at ng sarili mo. Hindi tulad naman ni Girly, mukhang sikwenta anyos na dahil sa mga problema sa buhay!” tuloy-tuloy na daldal ng dalaga.

“Ano ka ba naman? Syempre may problema rin ako no? Malaki nga ang problema ko ngayon eh. Kailangan nang maoperahan ng papa ko, kaso wala pa kaming sapat na pera para doon,” nakangiting sagot ni Ashley.

“Bakit parang hindi naman halata? Parang hindi ka naman apektado? Ibig ba sabihin noon wala kang pake sa papa mo?” matinding pag-uusisa naman ni Girly. Napatawa naman ng malakas ang dalaga dahil dito.

“Sobra ka naman sa’kin!” sigaw ni Ashley, “Syempre apektado ako no! Tatay ko yun eh. Pero ang prinsipyo ko lang, hindi naman masasagot ng pagmumukmok ko ang problema ko. Hindi tulad kapag nakangiti lang ako, kahit papaano nababawasan yung bigat sa puso ko. Isa pa, nahahawaan ko yung nasa paligid ko,” dagdag pa nito, tila napaisip naman ang magkaibigan.

“Ah, eh di pagngiti lang yung sikreto mo para malagpasan yung mga problema mo?” tanong pa ni Celine, napangiti naman si Ashley dahil dito.

“Syempre hindi. Kasabay ng pagngiti ko, ang pananalig ko sa Maykapal. Kung wala akong magagawa para sa problema ko, sigurado akong Siya meron. Dahil una pa lang, hindi na Niya ako pinapabayaan,” nakangiting sambit naman ng dalaga. Bakas sa mukha niya ang saya sa mga sinasabi niya.

Mas napalalim pa ang kanilang pag-uusap ngunit maya-maya ipinatawag na sila sa kani-kanilang opisina. Nagpaalam na sila sa isa’t isa at nagtungo sa kani-kanilang mga trabaho.

“Hanep no? Parang gumaan yung pakiramdam ko nang marinig ko yung mga sinabi ni Ashley. Tila ba nakalimutan ko nga na mas malaki nga pala yung lumikha sa atin kaysa sa problema ko ngayon,” kwento ni Girly habang nakakuyabit sa braso ng kaibigan.

“Oo nga eh, napagtanto kong biyaya pa rin pala talaga yung mga problemang kinakaharap natin. Dahil kasi dito, nagagawa nating magbalik loob sa Maykapal. O ngayon alam na natin ha? Ngumiti nang may pananalig!” positibong sambit naman ni Celine.

Simula nang pag-uusap nilang iyon, tila naging positibo na ang dalawang magkaibigan sa buhay. Mas napagtanto nilang ang buhay ay hindi lamang tungkol sa kanila, kundi tungkol lahat sa Lumikha. Siya ang sagot, Siya ang lahat.

Kapag talaga ibinigay mo ang lahat ng problema at pag-aalinlangan mo sa Maykapal, wala nang mas gagaan pa sa pakiramdam mo. Lalo na’t sasabayan mo pa ito ng pagngiti, pati ang mga tao sa paligid mo ay mamamangha at mahahawa sa positibong paningin mo sa buhay.

Advertisement