“Alvin, oh!” iniabot ni Charmaine sa bestfriend niyang si Alvin ang isang box ng cookies na kaniyang ibineyk. Agad naman iyong kinuha ng binata upang tikman.
“The best ka talaga, Ming!” hiyaw nito na tinawag pa si Charmaine sa nakasanayan niyang itawag dito, kahit pa punong-puno pa rin ng cookies ang kaniyang bibig. “Ang sarap talaga nito. Favorite ko na,” dagdag pa niya.
Agad namang nakaramdam ng matinding kilig ang dalaga dahil doon. Hindi naman siya nagdalawang isip na ipakita iyon kay Alvin, dahil hindi rin naman lingid sa kaalaman nito na umiibig siya sa kaniyang bestfriend.
“So, in love ka na rin ba sa akin niyan?” pabirong tanong ng dalaga sa binata.
“Ayan ka na naman, Ming, ha? Ikaw talaga! ” Iiling-iling naman si Alvin.
Hindi naman sa ayaw ni Alvin sa best friend niya. Ang totoo, kaya wala pa siyang girlfriend hanggang ngayon ay dahil lihim niya ring minamahal si Charmaine. Ang kaibahan nga lang nila ay masyadong mabunganga ang dalaga sa nararamdaman nito, habang siya naman ay itinatago niya. Ayaw niya kasing madaliin ang lahat sa kanila, dahil natatakot siya na baka ikasira iyon ng kanilang pagkakaibigan.
Bumakas ang lungkot sa mukha ng dalaga, ngunit hindi na iyon pinansin pa ni Alvin. Umiwas nang tingin si Charmaine at nilingon ang bintana. Kinuha iyon ni Alvin bilang pagkakataon upang titigan ang magandang mukha ng kaniyang best friend, na hindi niya nagagawa kapag maaaring makita o mamalayan ng dalaga ito.
Natigil lang ang pagkakatulala ni Alvin sa mukha ni Charmaine nang biglang tumunog ang cellphone ng dalaga. Maya-maya paʼy nagpaalam itong uuwi na.
“Uwi na ʼko, Vin,” sabi nito. Tinanguan na lang ito ni Alvin.
Ngunit nang makalabas na ang dalagaʼy dali-dali rin siyang lumabas ng bahay upang lihim na ihatid ito pauwi. Gusto niya lang makasigurong ligtas ito. Ganito naman lagi ang ginagawa niya. Inililihim niya ang pagprotekta niya sa dalaga upang hindi ito makahalata.
Ngunit ganoon na lang ang gulat ni Alvin, nang makitang may isang lalaking sumabay kay Charmaine sa paglalakad. Nagtawanan ang dalawa. Masaya si Charmaine habang kasama ito, hindi ʼtulad kanina noong dalawin siya.
“Sino ʼyong kasama mo kahapon? ʼYong naghatid sa ʼyo pauwi?” kinabukasan ay naitanong ni Alvin kay Charmaine. Tila naman nagtaka ito.
“Bakit mo alam na may naghatid sa akin pauwi?” tanong nito.
“Basta, sagutin mo na lang,” may awtoridad pang utos ni Alvin sa seryosong ekspresyon.
“S-si Anjo ʼyon, b-bakit ba? Ito naman, akala mo tatay ko kung magtanong!” idinaraan na lang sana ng dalaga sa biro, ngunit nanatiling seryoso ang ekspresyon ng mukha ni Alvin.
“Nanliligaw ba saʼyo ʼyon?” dire-diretsong tanong ng binata kay Charmaine na agad namang ikinabigla nito. Ngunit sa huli ay minabuti na lamang nitong tumango.
“Bakit nagpapaligaw ka dun? Kilala mo na ba ʼyon? Baka mamaya, kung ano lang ang pakay noʼn sa ʼyo,” may himig na kung ano sa tinig ni Alvin. Ayaw namang mag-assume ni Charmaine, ngunit talagang kunot na kunot ang noo nito ngayon.
“Kaya nga nanliligaw pa lang, ʼdi ba? Nasa getting to know each other stage pa lang kami, huwag kang OA diyan!” sagot naman ng dalaga.
Lalong kumunot ang noo ni Alvin. “Ah, ganoʼn? Fine!” galit pang sabi nito sabay talikod.
Naiwan na lang si Charmaine na tulala at takang-taka sa ikinilos ng bestfriend niya.
Dumaan pa ang ilang araw at hindi na muling nagpakita si Alvin kay Charmaine. Mukhang nagalit ang binata dahil hindi niya agad sinabing may nanliligaw na pala sa kaniya, gayong bestfriend naman niya ito.
Ang totoo kasi, hindi naman in-entertain ng dalaga si Anjo at binasted agad, dahil si Alvin naman ang totoong gusto niya. Binibiro lang naman niya ito noong huling nag-usap sila.
Nasa banyo na si Charmaine at naliligo noon. Balak kasi niyang puntahan si Alvin sa bahay nito. Ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang paglabas niya ng banyoʼy nakita niyang nakaupo na ito sa kaniyang kama!
“Uy, anoʼng ginagawa mo rito?” nabibiglang tanong niya. Medyo naiilang na rin dahil kakaiba ang tinging ipinupukol sa kaniya ni Alvin ngayon, bukod pa sa tanging tuwalya lang bumabalot sa kaniyang hubad na katawan dahil nga kagagaling lang niya sa paliligo.
“Bilisan mong magbihis, may pupuntahan tayo.” Tumayo si Alvin sa kama ni Charmaine at tumalikod upang mag-iwas ng tingin sa nakaaakit na katawan ng kaniyang bestfriend. Malaki ang paggalang niya rito, ngunit hindi niya matiis na mag-isip ng kung anu-ano habang tinitingnan niya ito.
“Saan tayo pupunta?” naitanong ni Charmaine bago siya tuluyang lumabas ng kwarto nito.
“Magde-date tayo,” sagot naman ni Alvin.
“Date? Hindi pa naman sabado, ah?” takang tanong ng dalaga. Tuwing sabado kasiʼy lumalabas silang dalawa bilang mag-best friend upang mag-hang out sa kung saan. Friendly date kung tawagin.
“Hindi tayo magpe-friendly date, Ming. Iʼm asking you out… mag-date tayo,” seryoso ang mukha ni Alvin nang lumapit ito sa kaniya at hinawakan ang kaniyang kamay. “Mula ngayon, liligawan na rin kita, sa ayaw mo man o sa gusto. Sana hindi pa huli ang lahat, Ming. Sorry kung ngayon lang,” dagdag pa ng binata.
Sa gulat ay napanganga si Charmaine at unti-unting naluha. Agad siyang napayakap sa binata. Nanigas naman sa kinatatayuan si Alvin nang yapusin siya ni Charmaine habang nakatuwalya lang. Napapalunok pa siya sa pagpipigil na ikulong din ito sa kaniyang bisig at halikan.
“Mamaya na ang yakap, Ming. Ayaw kong makalimot. Manliligaw pa lang ako kaya lalabas na muna ako bago pa kita halikan diyan. Magbihis ka na, hihintayin kita,” natatawa pang biro ni Alvin bago lumabas ng kwarto.
Ngayon, handa nang maging matapang si Alvin para sa babaeng minamahal. Hindi na siya padadaig pa sa takot, kailan man.