Halos mapuno ng ingay ang kwartong iyon ng mag-asawang Shaina at Berto dahil sa mga hikbi ng babae. Hawak niya ang litrato ng asawang si Berto, habang kayakap nito ang bestfriend niyang si Lany.
“Mga taksil kayo!”
Matagal na niyang tinitiis ang pagiging babaero ng lalaki, ngunit hindi niya inaasahang pati ang best friend niya ay tutuhugin nito! Grabe ang hinagpis na kaniyang nadarama dahil ang dalawang taong kaniyang pinagkakatiwalaan ng lubos ay magagawa siyang traydurin nang ganoʼn-ganoʼn na lang!
Ayaw na sana niyang gamitin ang lihim na matagal na niyang itinatago, ngunit talagang ginagalit siya ni Berto. Inilabas niya ang isang makapal at kulay itim na libro, bago niya inihanda ang mga gagamitin para sa isasagawa niyang eksperimento.
Nagmula si Shaina sa pamilya ng mga itim na salamangkero. Tinalikuran na niya noon ang pagiging kabilang dito at ibinaon sa limot ang mga kakayahang alam niya, upang hindi na siya makapinsala pa ng ibang tao. Ngunit mukhang kailangan niyang balikan iyon ngayon upang turuan ng leksyon ang asawa niya.
Sinindihan niya ang tatlong itim na kandila at ipinatak iyon sa litratong hawak niya. Sinabayan niya ng bulong ng mga dasal ang bawat luha ng kandila at doon ay nag-umpisa ang kalbaryo ng dalawang taong nagtaksil sa kaniya.
Nasa kalagitnaan noon ng pagsisiping sina Berto at Lany. Pareho silang mga hayok sa isaʼt isa at nagpapakasasa sa kataksilan nila kay Shaina. Walang humpay na halinghing ang unang pinakakawalan ng dalawa noong una, nang bigla na lang mapalitan iyon ng sigaw nilang dalawa. Bigla kasing napuno ng mga lapnos at pantal ang buo nilang katawan. Mahahapdi, makakati. Pakiramdam nilaʼy sinisilaban ang kanilang mga katawan at halos hindi nila kayanin ang sakit at hapdi niyon.
Matapos ang araw na iyon ay kung saan-saan nang nagpagamot ang dalawa. Kung saan-saang lugar sila nagpunta para lang makahanap ng lunas sa sakit nila. Ngunit wala silang nakita. Walang sinuman ang nakatulong sa kanila, hanggang sa lumapit sila sa isang albularyo.
“Isang babaeng nagawan niyo ng kasalanan ang gumawa nito upang bigyan kayo ng leksyon,” nanginginig na sabi ng albularyo sa dalawa. “Isang itim na salamangkera ang ginawan ninyo ng matinding kasalanan! Ngayon ay kailangan niyong hingin ang kaniyang kapatawaran upang ibsan ang hapdi at sakit na kaniyang naramdaman nang magtaksil kayo sa kaniya.”
Si Shaina ang agad na pumasok sa isip ng dalawa. Agad silang napahagulhol nang iyak. Nang mga sandaling iyon ay labis silang nagsisi sa ginawa nila sa babaeng wala namang ginawang masama sa kanila.
Kayaʼt agad silang nagpunta kay Shaina upang humingi ng tawad, hindi upang gumaling sila, kundi upang bawasan ang sakit na nararamdaman nito dahil sa kanilang ginawa.
“Humihingi ako ng pasensiya, Shaina, para sa ginawa kong pang-aakit sa asawa mo. Inaamin kong malaki ang inggit ko sa ʼyo, dahil ikaw ang pinakasalan ni Berto at hindi ako kaya ko nagawa iyon… sana ay mapatawad mo ako,” malungkot na saad ni Lany sa babaeng nooʼy punong-puno ng luha ang mga mata.
“Patawarin mo ako. Hindi ako naging mabuting asawa sa ʼyo. Kung ito ang kaparusahang kailangan kong pagdaanan para mapatawad mo ako, malugod kong tinatanggap. Hindi mo kailangang madaliin ang sarili mo na patawarin kami, lalong-lalo na ako, kung hindi mo pa kaya.”
Halos madurog ang puso ni Shaina sa kaniyang mga narinig, ngunit hanggang sa makaalis ang mga itoʼy nanatili siyang tahimik. Gusto niyang makita pa ang sinseridad sa kanilang dalawa.
Ilang araw pa ang lumipas at patuloy na nakaranas ng karamdaman sina Lany at Berto, na malugod naman na nilang tinatanggap sa ngayon. Si Shaina naman ay nagiging malambot na ang puso na patawarin sila at hayaan nang maging masaya. Agad niyang binawi ang parusa.
Laking tuwa nina Lany at Berto nang tuluyan na silang gumaling. Pinuntahan nila si Shaina, ngunit hindi na ito muli pang nagpakita sa kanila. Bilang paggalang ay hindi na rin nila itinuloy pa ang kanilang relasyon, tutal ay parehas naman talaga silang walang nararamdaman sa isaʼt isa kundi puro pagnanasa na lamang.
Gumaling nga sa karamdaman ang dalawa, ngunit nawalan naman sila ng kaibigan at asawa. Iyon ang parusang kahit kailan ay hindi na nila mababawi pa, tulad ng sakit na patuloy pa ring iniinda ni Shaina sa kaniyang puso hanggang ngayon, anuman ang gawin niyang pagpapatawad sa kanila.