Matalik na magkaibigan sina Mae at Lesly. Halos hindi na nga mapaghiwalay ang dalawa dahil laging magkasama kahit saan magpunta.
Highschool students sila noon nang makilala nila si Joshua. Unang nagka-crush si Mae sa binata ngunit mas naging malapit ito kay Lesly kalaunan.
Noong una ay okay naman sa dalawang dalaga ang set up. Tutal ay crush lang naman nila ang binata. Ngunit nang lumalim nang lumalim ang kanilang pagkagusto ritoʼy nagkaroon ng silent competition sa pagitan nila. Unti-unti ay lumayo ang loob nila sa isaʼt isa at puro pakikipagkompitensya na lang ang inaatupag nila.
Lingid sa kanilang kaalaman ay lihim namang gumagawa ng paraan si Joshua upang mapagbati sila. Ang totoo kasi ay wala namang gusto ni kanino man sa kanilang dalawa ang binata.
“Ang kapal ng mukha mo, Les! Alam mong ako ang unang nagkagusto noon kay Joshua, pero anoʼng ginawa mo? Nakipag-close ka agad sa kaniya! Traydor ka!”
“Hindi ko kasalanan kung mas maganda ako sa ʼyo. Hindi ko rin naman alam na mahuhulog din ang loob ko kay Joshua, e. Pinaliwanag ko naman sa ʼyo ang lahat, ʼdi ba? Ang sabi mo sa akin, okay lang. Napaka-plastic mong kaibigan!”
Papasok pa lang sana noon si Joshua sa kanilang silid-aralan, ngunit sa hallway pa lang ay dinig na dinig na niya ang hiyawang iyon nina Lesly at Mae. Natampal na lang niya ang kaniyang noo bago kumaripas nang takbo sa kanilang classroom at dooʼy naabutang nagsasabunutan ang dalawang dalaga.
Humahangos siyang lumapit sa mga ito upang pigilan. Pumagitna siya sa dalawa.
“Magsitigil nga kayo!” sigaw niya na agad namang nakapagpatigil sa kanila. “Ano baʼng problema nʼyo, Les? Mae? Bakit ba kayo nag-aaway dahil lang sa iisang lalaki? Hindi naman kayo ganiyan dati sa isaʼt isa, ah?!” aniya pa sa galit na tono.
Natahimik ang dalawang babae sa sinabi niya kaya naman nagpatuloy siya sa pagsasalita.
“Alam nʼyo ba kung bakit kinaibigan ko kayo noon? Kasi, natutuwa ako sa friendship na meron kayo. Sobrang close nʼyo kasi dati, para na kayong magkapatid kung magturingan, kaya akala ko kapag sumama ako sa inyo, mararanasan ko rin magkaroon ng mga kapatid, dahil only child nga ako… pero hindi pala!” napaiyak na lang si Joshua dahil sa nararamdaman niyang pagkabagabag at lungkot.
Pakiramdam niya, siya ang sumira sa napakagandang samahan ng dalawang kaibigan niya. “Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari sa inyo, sana, hindi nʼyo na lang ako nakilala. Sana, hindi nʼyo na lang ako naging kaibigan. Sana, hindi na lang nasira ang friendship nʼyo dahil lang sa isang taong inaakala nʼyong tunay na lalaki!”
Biglang napasinghap sina Lesly at Mae sa narinig mula sa kaniya.
“A-anoʼng ibig mong sabihin?” sabi pa nila.
“Binabae ako!” diretsahang pag-amin ni Joshua sa kanila. “B*kla ako, hindi nʼyo ba nahahalata? Ang hirap kasi sa inyo, binubulag kayo ng nararamdaman nʼyo. Nagawa nʼyong sirain ang isaʼt isa para lang sa akin, kahit hindi ko naman kayang suklian ang mga nararamdaman nʼyo!”
Dahil doon, tila natauhan ang dalawa. Nagkatinginan at bigla silang napaluha nang mapagtantong tama si Joshua.
“Best, s-sorry!” unang bumigay si Lesly. Napahagulgol ito at paulit-ulit na humingi ng tawad sa matalik na kaibigan. “Bakit nangyari sa atin ʼto?”
Samantalang bigla namang napayakap si Mae kay Lesly at humagulhol na rin nang iyak. “Sorry din, Les! Sorry sa mga nasabiʼt nagawa ko laban sa ʼyo. Sobrang miss na miss na kita. Magbati na tayo, please?!”
Nagyakapan ang dalawa. Naghingian ng tawad. Parehas nilang pinagsisihan ang ginawang pag-aaway para lang sa isang lalaki, gayong napakabata pa nila para isipin ang mga ganoong bagay. Isa pa, totoo ang sinabi ni Joshua. Noon pa man ay nahahalata na nilang malambot ito kung kumilos ngunit ipinagsawalang-bahala lang nila iyon.
Unti-unti ulit nilang binuo ang kanilang friendship, habang si Joshua naman ay pansamantalag umiwas muna sa kanila upang hindi na lumago pa ang nararamdaman nila sa binata.
Ganoon pa man ay napakasaya ni Joshua para sa dalawang magkaibigan dahil muli silang pinagbuklod ng pagkakataon. Naniniwala siyang mas magiging matatag pa ang samahan ng nina Lesly ay ni Mae at mas makakalampas na ang mga ito sa mga darating pang pagsubok sa kanilang buhay.
Nagsilbing leksyon naman para kina Lesly at Mae ang nangyari. Natuto silang mas mahalaga pa rin ang kanilang pinagsamahan kaysa sa kahit anu pa.
Marami pang lalaki sa mundo. Hindi nila kailangang mag-agawan sa isa. Ngayon ay nangako silang hindi na muling mag-aaway pa, dahil sa parehong dahilan.