Halos gumuho ang mundo ng pamilya Salcedo nang pumanaw ang kanilang padre de pamilya dulot ng isang matinding karamdaman sa puso. Lalung-lalo na ang dalagang si Mirasol na siyang papa’s girl sa kanilang tatlong magkakapatid.
Bukod sa pagkawala ng kanilang ama ay ang pagkaubos din ng halos lahat ng kayamanan ng kanilang pamilya. Nagkandautang-utang sila dahil sa pagpapagamot sa ama. Ngayon ay halos wala na silang mapuntahan. Malapit na ring marimata ang isinanla nilang bahay at lupa kung saan sila nakatira kaya’t ganoon na lang ang laki ng kanilang problema.
Hindi kasi tanggap ng mga magulang ng ama ang kanilang ina kaya noon pa man ay hindi na sila makalapit sa mga ito. Lumaki kasi sa ampunan ang kanilang ina at hindi nakapagtapos ng kolehiyo. Ngayon ay wala tuloy silang malapitan.
Nang gabing iyon, ‘tulad ng nakasanayan mula nang mam*tay ang kaniyang ama ay nanatili sa kaniyang kwarto si Mirasol. Nagmumukmok, umiiyak, inaalala ang kaniyang yumaong ama.
Napakabuti ng kaniyang ama noong ito’y nabubuhay pa kaya nga itinatanong niya sa kaniyang sarili kung ano ang ginawa nitong masama upang kunin ito nang maaga sa kanila.
Sa katunayan nga’y siya ang kasa-kasama ng kaniyang ama noon sa tuwing magkakawanggawa ito para sa mga taong nangangailangan. Halimbawa na lang ay sa tuwing magkakaroon ng sakuna. Isa ang kaniyang ama sa mga taong unang sumusugod sa ulan, baha o maging bagyo upang makatulong sa mga nangangailangan. Namimigay ito ng mga pagkain, damit at kung minsan ay maging maliit na pangkabuhayan. Napakadali rin nitong hingian ng tulong at alam iyon ng kanilang mga kabarangay.
“Bakit po ninyo hinayaang mangyari sa amin ang lahat ng ito? Bakit niyo po kinuha ang papa ko?” Minsa’y naitanong niya sa Maykapal habang siya ay nagdarasal. Labis kasi ang kaniyang paghihinagpis.
Gusto nang sumuko sa buhay ni Mirasol lalung-lalo na nang malaman niyang pinaaalis na sila sa kanilang bahay dahil hindi na nila kayang bayaran pa ang kanilang mga utang. Parang gusto na lang din niyang sundan ang pumanaw na ama kung hindi nga lang niya nakikitang lumalaban pa ang kaniyang mga kapamilya sa kabila ng paghihirap nila.
Dumating ang araw ng palugit na ibinigay sa kanila ng kanilang pinagkakautangan at tuluyan silang napaalis sa kanilang tahanan. Binigyan na lamang sila ng maliit na halaga ng bagong may-ari ng bahay bilang konsiderasyon upang sila’y makapagsimula ngunit hindi pa rin naging ganoon kadali ang kanilang buhay dahil hindi naman sapat ang pera upang makapagpatayo man lang ng bahay. Nangupahan sila. Nag-working student na rin ang kaniyang ate at kuya upang makatulong sa mga gastusin ngunit hirap pa rin sila.
Ilang linggo pa ang lumipas at isang dating natulungan nila ang lumapit kina Mirasol. Gusto raw nitong magbigay sa kanila ng tulong!
“Hello, Mirasol, natatandaan mo pa ba ako?” Agad na umiling si Mirasol sa tanong ng lalaking iyon. May edad na ito. Sa palagay niya’y kasing edad ng kaniyang papa.
“Ako si Kuya Javier. Ako iyong lalaking binigyan ng iyong papa ng pangkabuhayan noong nasalanta kami ng bagyo,” pagpapakilala ng lalaki.
“Masiyado ka pa kasing bata noon, eh. Ngayon dalaga ka na kaya malamang hindi mo na ako natatandaan. Pero ako hindi ako nakalimot sa inyo. Nang mabalitaan kong wala na ang papa mo ay hinanap ko kayo. Nagpunta ako doon sa dati niyong bahay pero hindi na pala kayo doon nakatira. Nag-alala ako para sa inyo kaya naman heto ako ngayon. Handa akong tumulong sa inyo sa abot ng aking makakaya,” mahaba pang paliwanag ng lalaki.
“Maraming salamat ho, sir!” Napahagulgol sa tuwa ang kaniyang ina. Labis naman ang tuwa ng kaniyang ate at kuya habang si Mirasol naman ay napayapos sa lalaking nagpakilalang si Javier.
“Ang perang ibinigay noon sa akin ng iyong ama ay ginamit ko upang makapagpatayo ng maliit na negosyo. Sinuwerte ako dahil mabilis na pumatok iyon at lumago hanggang sa nakaipon ako ng pambili ng lupa upang mapagpatayuan ng ilang apartment. Hanggang sa lumaki at dumami na rin nang dumami ang apartments na hawak ko at iyon nga may isang unit akong handang ibigay sa inyo nang libre.”
Halos mapatalon sa tuwa ang pamilya Salcedo. Nakangiti naman si Javier sa nakikitang galak sa mga ito.
Maraming napagtanto si Mirasol dahil sa mga nangyari. Lahat ng pagsubok ay kaya nilang lampasan. Pumanaw man ang kaniyang ama ay nag-iwan ito ng mabuting alaala para sa mga natulungan niya. Ngayon ay inaani na nila ang kapalit ng kabutihang kanila ring ipinalaganap noon.