Binilang ng third year college student na si Ervin ang halaga ng baryang nasa kaniyang bulsa…
“Fourty eight, fourty nine, fifty…” naiiling na pagbibilang niya.
Iyon na lang pala ang natitirang pera niya dahil nagbayad siya kanina ng mga xerox copies ng kanilang handouts na gagamitin niya sa ilang subjects nila sa school.
“Di bale na nga, maglalakad na lang ako,” bulong niya sa kaniyang sarili habang hihimas-himas ang nagugutom niyang tiyan. Kanina pa kasi kalam nang kalam ang sikmura niya.
Naglakad siya patungo sa isang karinderya, ngunit bago pa man siya makapasok ay isang matandang lalaking walang sapin sa paa ang nakita niyang uugod-ugod na lumalakad din na pabalik-balik sa loob. Narinig niyang sinisigawan ito ng tindera at handa nang paluin ng sandok kapag muli pang pumasok doon.
“Manang, sandali po! Bakit naman po ganiyan kayo kay tatang?” saway niya sa mapang-aping tindera.
“Aba, perwisyo ʼyan dito sa karinderya ko, e. Inaamoy-amoy ang mga paninda ko. Nakakahiya sa mga kostumer!” pasigaw pang paliwanag ng masungit na tindera.
Napailing na lang si Ervin dahil sa naging dahilan nito. Tuloy, ay naiinis niya itong sinabihan. “Di sanaʼy binigyan nʼyo na lang ho si Tatang kahit sabaw at kaunting kanin, Ate. Walang-wala naman ang halaga niyon sa laki ng kinikita nʼyo. Hindi nʼyo na nga kinaawaan, hahampasin pa ninyo ng sandok!”
Hindi na binigyan pa ni Ervin ng pagkakataon ang tindera na makasagot sa kaniyang sinabi. Agad niyang dinukot ang singkuwenta pesos na pera upang ibili ng mga tinapay sa nadaanan niyang panaderya upang pareho silang makakain ni Tatang, kahit doon na lang sila sa gilid ng daanan. Bumili rin siya ng tiglilimang pisong buko juice sa naglalako upang may panulak sila.
Kahit papaanoʼy nabusog niya naman ang matanda, at laking pasasalamat nito sa kaniya matapos makakain.
“Salamat, Hijo, ha? Napakabait mong bata,” wika ng matanda sa kaniya.
“Naku, hindi ho. Naawa lang ho talaga ako sa inyo dahil muntik na kayong hampasin ng sandok noong aleng ʼyon. Napakasalbahe kasi,” sagot naman niya. “Saka, alam ko ho kasi ang pakiramdam ng nagugutom, Tatang. Kaya nga hindi ko rin ho naibigay sa inyo nang buo ang huling pera ko dahil gutom na gutom din ho ako,” paliwanag pa ng binata.
“Kung hindi ka tunay na mabuti ay hindi ka sana naawa sa akin at pinabayaan mo akong pagsalbahihan na lang ng babaeng iyon kanina. Maraming salamat. Matanong ko lang, saan ka ba ngayon nakatira?”
“Sa ilalim lang ho ng tulay, Tatang. Iskwater ho ako. Ang totoo hoʼy probinsyano lang ako. Nakakuha lang ho ako ng scholarship kaya ho nakapasok ako sa isang school dito sa maynila. ‘Di ko naman ho akalaing ganito pala kahirap mabuhay dito. Kapag wala pong pasok, suma-sideline na lang ako sa pagko-construction para makatapos. Gusto ko ho kasing makatapos talaga,” paliwanag ni Ervin habang lumilipad ang isip sa mga bagay na maaaring mangyari kapag nakatapos na siya ng pag-aaral.
Napatango-tango naman ang matanda. “Ako naman, may pera nga, pero wala namang kasama sa buhay. Marangya ang buhay ko, pero walang pagmamahal. Wala naman kasi akong anak, dahil baog ako at yumao na rin ang asawa ko, kaya heto. Minsan, naglilibang-libang akoʼt kung saan-saan pumupunta.” Ikinalaki ng mata ni Ervin ang narinig.
“Mayaman ho kayo?!” tila di makapaniwalang sa narinig. “Eh bakit ho kayo aamoy-amoy ng pagkain doon sa karinderya kanina? Saka, bakit ho wala kayong tsinelas?”
“Aba, eh tinitingnan ko lang naman kung panis ba o malinis ang paninda nila. Hindi naman kasi talaga ako kumakain sa mga ganoʼn. Gusto ko lang sanang subukan kanina. Iyong sapatos ko naman, iniwan ko kasi roʼn sa ilalim ng isang mesa nila dahil naiinitan na ang paa ko kaya hinubad ko. Pero bigla akong pinalayas noong babae,” tatawa-tawang sagot naman ng matanda.
“Pambihira, inilibre ko pa naman kayo, Tatang!” Sabay halakhak ni Ervin dahil sa nalaman.
“Abaʼy di ka naman kasi nagtanong, hijo, e. Bakit, nagsisisi ka bang inilibre mo ako?” natatawa pa ring tanong muli ng matanda.
“Siyempre naman, Tatang. Singkuwenta na lang kaya ang pera ko!”
Lalong napahagalpak nang tawa ang dalawa sa birong iyon ng binata.
“Hayaan moʼt papalitan ko iyan, Hijo,” sabi ng matanda.
“Naku, biro lang ho iyon, ‘Tang. Bukal sa puso ko ’yong panlilibre ko sa inyo. Saka, nakakatuwa rin kasi ngayon na lang ulit ako nagkaroon ng kasabay kumain,” sagot naman ni Ervin.
“Hayaan mo. Mula ngayon, magkakaroon ka na ng kasabay. Halinaʼt kunin mo ang mga gamit mo sa tinutuluyan mong tulay, para naman makalipat ka na sa property ko. Marami akong apartments doon. Mamili kaʼt iyo na,” natutuwa pang anang matanda.
Nabibigla man ay agad na kinagat ni Ervin ang alok nitong oportunidad. Mula noon ay naging matalik silang magkaibigan. Tinulungan din siya ng matanda sa kaniyang pag-aaral. Pinatunayan pa ni Ervin ang sarili niya sa matanda upang hindi ito magsising tinulungan siya nito. Ngayon ay isa nang ganap na engineer ang binata at proud na proud naman ang matanda sa kaniya.