Inday TrendingInday Trending
Ang Lihim ng Kamera

Ang Lihim ng Kamera

Isang umaga ay isang lalaki ang kumatok sa bahay ng pamilya Monteclaro. Si Luisa ang nagbukas ng pinto, dahil nagluluto ang tiyahin niyang si Nicetas. Bumungad sa kanya ang isang mensahero na may dalang maliit na kahon at nakapangalan sa kanya. Kinuha niya iyon matapos pirmahan ang katunayan na tinanggap niya ang package mula sa mensahero at nagmamadaling pumasok ang dalaga sa loob ng bahay. Nasasabik siya sa kung ano ang laman ng maliit na kahon. Sa sala na niya iyon binuksan.

Nang tingnan ni Luisa ang card na naroon ay nakita niya na ang nagpadala pala ng package na iyon ay ang kanyang Ate Linette.

“Ang bait talaga ni Ate. May bago na naman siyang ipinadala. Noong nakaraang buwan lang ay cell phone ang ibinigay niya sa akin, ngayon, ano naman kaya ito?”

Sabik na binuksan ni Luisa ang kahon. Tumambad sa kanya ang isang kamera.

“Wow, ang ganda naman nito!” nasambit niya habang nanlalaki ang mga mata. Unang pagkakataon iyon na nagkaroon siya ng sariling kamera.

Agad siyang nagtungo sa kusina kung saan naroon ang tiyahin niya at ipinakita ang ibinigay sa kanya ng kapatid.

“Tiya, tingnan mo, o! Padala ni Ate!” sabik na sigaw niya sabay ibinida ang kamera.

“O, bago na naman. Naku, spoiled na spoiled ka talaga sa Ate mo. Baka tumandang dalaga iyon dahil sa iyo. Simula nang mawala ang mga magulang ninyo ay sa iyo na nakatuon ang kanyang atensyon,” saad ng tiyahin.

“Tiya, pose ka muna diyan. Kukunan kita,” sabi niya saka isi-net ang kamera at itinapat sa kanyang tiyahin.

Pagkasabi niyon ay agad lumingon ang tiyahin. Ngumiti ito. Pero bakit parang ang tingin niya ay may pait sa ngiti nito. Hindi niya iyon pinansin sa halip ay nag-isip pa kung ano ang kanyang susunod na pipiktyuran.

Nakita rin niya ang alaga niyang pusa na si Katkat na agad niyang kinuhanan ng litrato gamit ang kanyang kamera. Paglabas niya sa bahay ay nakita niya ang kanyang kaibigan na si Ivy.

“Ivy, Ivy!” malakas niyang tawag sa dalaga sabay pindot sa kamera nang lumingon ito.

“Nakakainis ka naman, Luisa Hindi man lang ako nakapag-pose nang maayos. Isa pa nga!” reklamo ng kaibigan at saka umarte ng pose na parang pang-beauty queen saka nakangiting sinabi, “Sige, take a shot!”

“Okay, okay ito na,” wika ni Luisa at kumislap muli ang kanyang kamera.

Kinaumagahan sa pagpasok niya sa opisina ay tumambad sa kanya na sobrang abala ang mga empleyado dahil kaarawan ng kanilang boss na si Mister Lozada. Taon-taon kapag sumasapit ang kaarawan ng kanilang mabait na boss ay talagang naghahanda ito para sa mga empleyado.

Mabuti at nailagay niya sa bag ang kanyang kamera, inilabas niya iyon at ginamit sa okasyon. Una niyang kinuhanan ng litrato ang magkasintahan niyang kasama sa trabaho na sina Kirby at Yesha.

“O, piktyuran ko muna ang paborito kong couple dito,” sabi niya.

“Ay ang ganda naman ng kamera mo, Luisa. Sige piktyuran mo kami ni Kirby para may souvenir kami,” masayang wika ng babae. Agad niyang pinindot ang kamera at kumislap ito.

Mayamaya ay ang kanyang boss na si Mister Lozada naman ang kinuhanan niya ng litrato.

“Hi, sir! Pa-piktyur naman. Souvenir po,” nakangiti niyang sabi sa kanilang boss. Agad naman siya nitong pinagbigyan. Ngumiti si Mister Lozada at nagpakuha ng litrato.

Kinagabihan, habang naglalakad siya pauwi ay nagulat siya nang makita niyang maraming tao sa harap ng kanilang bahay ang nagkukumpulan. Mayroon ring ambulansya. Tumakbo si Luisa sa sobrang kaba hanggang sa sinalubong siya ng mga kapitbahay.

“Tiya…” napahagulgol na siya ng iyak nang makita ang kanyang Tiya Nicetas na nakahiga sa stretcher. Wala na itong buhay at ipinasok sa ambulansya.

“Inatake sa puso ang tiyahin mo sabi ng doktor na tumingin sa kanya kanina,” wika ng kanilang kapitbahay na si Manang Gina. Ito ang laging tumitingin sa kanilang dalawa ng kanyang tiyahin.

Sa oras na iyon ay blangko ang isip niya dahil sa nangyari kaya pinagpahinga muna siya ni Manang Gina at sinabing ito muna ang mag-aasikaso ng lahat.

Lulugo-lugo siyang pumasok sa loob ng bahay. Nakita niya ang alagang pusa na si Katkat na nakahiga sa sahig. Hindi na ito kumikilos. Nagtaka siya. Nang hawakan niya ang alaga ay laking gulat niya nang malamang malamig na ito at wala ng buhay.

Nakaramdam siya ng kakaibang pakiramdam na nanuot sa kanyang kalamnan. Una, ang tiyahin niyang si Nicetas, ngayon ay ang pusa niyang si Katkat.

“Diyos ko, ang kamera… May kinalaman kaya ang kamera? Pero hindi, kalokohan iyon. Nagkataon lang ang mga nangyari. Baka may nakain lang si Katkat na nakalason sa kanya, o talagang may sakit lang ang alaga ko na hindi ko alam,” bulong niya sa sarili.

Pinilit niyang pakalmahin ang sarili hanggang sa hindi niya namalayan na nakatulog pala siya sa sofa. Nang sumunod na araw, pagkagising niya ay may bumungad na naman sa kanyang masamang balita. Agad na ibinalita sa kanya ng isa sa mga kapitbahay niya na si Aling Panying na binawian na rin ng buhay ang kaibigan niya na si Ivy. Naglalakad raw ito papasok sa pinapasukang trabaho nang masagasaan ng malaking trak.

Napahindik si Luisa.

“Hindi na pagkakataon ang lahat. Totoong may kababalaghan ang kamera,” sambit niya sa sarili.

Gulong-gulo ang isip ng dalaga. Inalala ang lahat ng sumunod niyang piniktyuran. Nagmamadali siyang pumasok sa opisina. Gusto niyang bigyan ng babala ang magkasintahan niyang kasama sa trabaho na sina Kirby at Yesha at ang kanyang boss na si Mister Lozada.

Dumating siya sa opisina. Hinanap niya sina Kirby at Yesha. Pero kapwa hindi pumasok ang mga ito. Mas lalo siyang kinabahan nang madatnan niyang malungkot at nag-iiyakan ang mga ka-opisina niya. Binangungot raw si Mister Lozada at hindi na nagising.

Bigla niyang naisip ang kamera at ang kanyang kapatid na si Linette. Agad niya itong tinawagan para makausap. Nais niyang itanong rito kung saan nito nakuha o nabili ang kamera ngunit iba ang sumagot sa tawag niya.

“H-hello, Ate Linette? Ikaw ba iyan? T-teka hindi ikaw ang kapatid ko. Bakit nasa iyo ang cell phone niya?” tanong niya sa kausap.

“Ako si Jessa ang kasamahan ni Linette sa trabaho. Magkasama kami ng kapatid mo sa kwarto kaya close kami. Ikaw ba ang kapatid niya na nasa Pilipinas?” balik nitong tanong sa kanya.

“O-Oo ako nga. Bakit?” muling tanong ng babae.

“Alam mo ba na masamang-masama ang loob ng kapatid mo sa iyo? Matapos mo raw agawin ang lalaking pinakamamahal niya ay iniwan at niloko mo lang din pala. Sa sobrang sama ng loob ni Linette ay nagpatiwakal siya limang araw na ang nakararaan. Natatatandaan ko pa nga na bago ang araw na natagpuan ko siya na wala ng buhay ay abala pa siya sa pagbabalot ng package na ipapadala niya sa iyo. Natanggap mo ba ang ipindala niya?” bunyag ng kausap niya sa kabilang linya.

“Oh my God!” gulat na sabi ni Luisa.

Totoo naman ang sinabi ng babae, na inagaw at nilandi niya ang boyfriend ng kanyang kapatid habang nagtatrabaho ito sa ibang bansa. Matagal na rin kasi niyang gusto ang boyfriend nito kaya gumawa siya ng paraan para maagaw ito sa kapatid. Ang akala niya ay hindi malalaman ni Linette ang ginawa nilang kataksilan, pero may mga kaibigan ang kanyang kapatid na nakakita sa kanila ng lalaki na magkasama sa isang bar, naghahalikan at naglalandian.

Hindi rin naman nagtagal ang lihim na relasyon nilang dalawa dahil pagkaraan ng ilang linggo ay kusa siyang nakipaghiwalay sa lalaki dahil sawa na siya rito. Sa sobrang sama ng loob ng kanyang kapatid ay napagdesisyunan na nitong magpatiwakal. Lingid sa kaalaman niya ay isinumpa ni Linette ang kamera bago nito wakasan ang sariling buhay.

“H-hindi, hindi…” paulit-ulit na bigkas ni Luisa. Inihakbang niya ang mga paa palabas ng opisina hanggang sa marating niya ang kalsada. Huli na nang makita niya ang parating na sasakyan na bumundol sa kanya.

Nagkagulo ang mga tao nang malaman na may babaeng nasagasaan.

“Kaawa-awa naman. Na-hit and run iyong babae,” wika ng isang matandang lalaki na pailing-iling.

Nakalimutan ni Luisa na piniktyuran din niya ang kanyang sarili gamit ang kamera na galing kay Linette. Sa bandang huli ay hindi rin niya natakasan ang KARMA sa pang-aagaw na ginawa niya sa kapatid. Siya mismo ang kumuha sa larawan ng kanyang katapusan.

Advertisement