Inday TrendingInday Trending
Mapagmahal Kong Yaya, Tunay Kong Ina

Mapagmahal Kong Yaya, Tunay Kong Ina

Malungkot na naman ang batang si Rachelle, 10 taong gulang. Kaarawan niya ngayon subalit wala ang kaniyang mga magulang. Ang kaniyang Daddy Evan ay nasa ibang bansa dahil ipinadala roon ng boss nito habang ang kaniyang Mommy Leila naman ay abala sa isang seminar na dinaluhan sa Davao. Nagpaabot lamang ito ng isang text message sa kaniya bilang pagbati. Mamayang gabi raw ay magbi-video call sila. Babawi raw ito kapag hindi na abala.

Simula noon ay lagi nang abala ang mga magulang ni Rachelle sa kanilang mga trabaho. Para daw sa kaniya ang lahat ng mga pagsisikap nila sa buhay kaya huwag daw siyang magtatampo kung hindi siya nabibigyan ng sapat na oras at atensyon.

Bumabawi naman ang daddy at mommy niya pagdating sa mga materyal na bagay. Lahat ng gusto niyang damit, pagkain at mga laruan ay ibinibili sa kaniya. Minsan namamasyal sila sa malalayong lugar at maging sa ibang bansa. May sarili pa siyang ATM na hindi nawawalan ng lamang pera upang may magamit siya kapag nangangailangan.

Subalit iba pa rin kapag nariyan ang kaniyang daddy at mommy. Iba pa rin kapag nararamdaman niya ang atensyon ng mga ito. Iba pa rin kapag nayayakap at nahahalikan niya ang mga ito sa pisngi.

Mabuti na lamang at nariyan sa kaniyang tabi si Yaya Dulce. Matagal na ito sa kanila. Natatandaan ni Rachelle lumaki siyang kasa-kasama ang kaniyang butihing yaya. Maasikasong-maasikaso ito sa kaniya. Mula sa kanyang pagpasok sa eskwela, paghahanda ng kaniyang mga susuutin, pagkain at baon hanggang sa pagtulong sa kaniyang pag-aaral ay ginagawa nito.

Minsan mas alam pa ni Yaya Dulce ang mga nangyayari sa kaniyang buhay kaysa sa kaniyang mga magulang. Kilala nito ang una niyang naging crush. Kilala rin nito ang mga nanliligaw sa kanya o mga kaklaseng lalaking nagpapahayag ng pagkagusto sa kaniya. Wala siyang inililihim kay Yaya Dulce.

Naputol ang pagmumuni-muni ni Rachelle nang bumukas ang pinto ng kaniyang kwarto at tumambad ang isang chocolate cake na may sinding kandila na bitbit ni Yaya Dulce. Kasama nito si Mang Ador na kanilang hardinero at si Aling Letty na isa pa nilang kasambahay. Umawit ang mga ito ng “Happy Birthday.”

“Happy birthday, anak! Mag-wish ka na bago mo hipan ang kandila.” Nakangiting bati ni Yaya Dulce kay Rachelle. Anak na ang tawag nito sa kaniya.

“Teka lang. Bago mo hipan magpapicture muna tayo para maipakita kina ma’am,” untag naman ni Aling Letty.

Kinuha naman ni Rachelle ang kaniyang iPhone at nag-selfie kasama ang tatlo.

“Anong wish mo, anak?” tanong ni Yaya Dulce sa alaga. “Sana bumalik ng safe sina mom and dad!” hiling ni Rachelle at hinipan ang nakasinding kandila.

Nagpalakpakan naman ang tatlo at inaya si Rachelle na bumaba sa komedor. Namilog ang mga mata ni Rachelle dahil nakahain ang mga paborito niyang pagkain sa mahabang mesa tulad ng spaghetti, fried chicken, hotdog at marami pang iba.

“Nagustuhan mo ba, anak?” Masayang-masayang tanong ni Yaya Dulce sa kaniyang alaga. “The best ka talaga, Yaya Dulce! Salamat po!” Niyakap ni Rachelle at hinalikan sa pisngi ang kaniyang butihing tagapangalaga.

Dalawang araw ang nakalilipas, nagkasakit si Rachelle. Mataas na mataas ang kaniyang lagnat. Nahihilo at nagsusuka rin siya. Agad na itinakbo ni Yaya Dulce ang kaniyang alaga sa pinakamahusay na ospital sa Maynila. May dengue pala si Rachelle. Kailangan siyang masalinan ng dugo sa lalong madaling panahon. Patuloy ang pagbaba ng platelets ni Rachelle. Mabuti na lamang at pauwi na rin sa Pilipinas ang mga magulang ni Rachelle.

Agad na dumiretso sa ospital sina Evan at Leila upang kumustahin ang anak. Nasabi na rin ni Yaya Dulce ang pangangailangan sa dugo ni Rachelle. Masinsinan silang nag-usap.

“Alam mong hindi match ang dugo namin kay Rachelle, hindi ba?” makahulugang sabi ni Leila kay Yaya Dulce. “Alam ko po. Alam na alam ko po. Papayag po ba kayo? Para sa ikaliligtas ng buhay ni Rachelle hayaan niyo po akong mag-donate ng dugo sa kaniya,” naluluhang pakiusap ni Yaya Dulce.

“Sige. Alang-alang kay Rachelle. Pero tatandaan mo ang ating kasunduan. Hindi mo ipapaalam kay Rachelle ang katotohanan. Hindi niya dapat malaman ang totoo, Dulce. May tiwala kami ni Evan sa’yo. Alam kong hindi ka sisira sa iyong pangako.”

Matched nga ang dugo nina Rachelle at Yaya Dulce kaya hindi ito nagdalawang-isip na magbigay ng dugo para sa pinakamamahal na alaga. Naging matagumpay naman ang pagsasalin ng dugo at ilang araw lamang ay tuluyang gumaling si Rachelle.

Nang maiuwi at makabalik sila sa bahay niyakap nang mahigpit ni Rachelle ang kaniyang yaya.

“Yaya Dulce, thank you very much! You are my savior! Magkadugo na tayo ngayon.” Naluluhang sabi ni Rachelle kay Dulce. Hindi na nakapagpigil pa si Yaya Dulce. Mahigpit niyang niyakap si Rachelle kahit nasa harapan niya sina Evan at Leila.

Pagkatapos lumingon ang bata kina Evan at Leila.

“Mom, dad, bakit hindi kayo ang nagbigay ng blood sa akin? Bakit si Yaya Dulce ang ka-match ko? Bakit ni isa sa inyo wala pong nagbigay ng dugo for me? Hindi niyo po ba ako mahal?” usisa ni Rachelle sa kaniyang mga magulang. Napatda ang dalawa. Hindi sila nakapagsalita. Hindi na nakatiis si Yaya Dulce.

“Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyaring masama sa iyo, anak. Oo. Magkadugo na tayo. Hindi lang ngayon. Dati pa simula nung isinilang kita.”

Kumunot ang noo ni Rachelle. Nanlaki naman ang mga mata nina Leila at Evan.

“Dulce! Huwag mong gawin ‘yan. Ang usapan natin,” paalala ni Evan.

“Hindi ko na po kaya, ma’am, sir. Deserve po ni Rachelle na malaman ang katotohanan. Hindi ko na po kaya. Kasuhan niyo na po ako o paalisin pero kailangan nang malaman ni Rachelle ang totoo,” umiiyak na sabi ni Yaya Dulce. Umupo ito at hinawakan sa magkabilang balikat ang bata.

“Rachelle, anak, ako ang tunay mong nanay. Ako ang nagsilang sa’yo.”

At isinalaysay ni Yaya Dulce sa kaniyang anak ang tunay na nangyari noon.

Hindi magkaanak sina Evan at Leila. Anak si Dulce ng dati nilang kasambahay na si Aling Adelfa. Nagkasakit si Aling Adelfa at sina Evan at Leila ang gumastos sa pagpapagamot nito sa ospital. Nagkataon namang nabuntis si Dulce ng kaniyang boyfriend na hindi naman siya pinanagutan. Nang pumanaw si Aling Adelfa hininging kabayaran ng mag-asawa ang ipinagbubuntis ni Dulce. Pagkapanganak niya sa sanggol aampunin ng mga ito ang bata at ituturing na tunay na anak. Pumayag si Dulce bilang pagtanaw ng utang na loob sa mag-asawa subalit sa isang kondisyon. Papayag silang siya ang maging yaya nito. At iyon na nga ang nangyari.

Lumuluhang niyakap nina Leila at Evan ang anak na si Rachelle.

“Patawarin mo kami, anak. Ipinagkait namin ang katotohanan mula sa iyo. Patawarin mo kami ng Daddy Evan mo kung marami kaming pagkukulang sa iyo. Nakampante kami dahil kasama mo naman ang Yaya Dulce mo, ang iyong tunay na ina. Alam naming hindi ka niya pababayaan,” humihikbing paliwanag ni Leila sa anak.

Pinayagan nina Evan at Leila na mamili si Rachelle kung mananatili ba sa siya kanilang poder o sasama na ito kay Dulce. Hindi naman dumaan sa legal na proseso ng pag-aampon si Rachelle kaya nang pinili nito si Dulce ay iginalang ng mag-asawa ang naging desisyon ng bata.

Bumukod si Dulce kasama si Rachelle. Iginiit naman ng mag-asawa na susustentuhan pa rin nila si Rachelle kahit na wala na ito sa kanilang poder.

Nagtungo naman ang mag-asawa sa ibang bansa upang subukin ang proseso ng surrogacy.

Namuhay nang masaya at simple sina Dulce at Rachelle, ang tunay na mag-ina.

Advertisement