Inday TrendingInday Trending
Tadhana ang Naglapit sa Atin

Tadhana ang Naglapit sa Atin

Tahimik at mabagal na naglalakad si Arthur pauwi sa kanilang bahay. Uwian na. Hindi siya sumama sa lakad ng kaniyang mga barkada. Hindi dahil sa kailangan niyang mag-aral para sa nalalapit na midterm test kung ‘di dahil binabagabag ang kaniyang kalooban.

Midterm test na nila subalit mukhang hindi siya makakakuha nito dahil kulang pa ang naibabayad na matrikula ng kaniyang nanay. Si Arthur ay nasa ikalawang taon pa lamang sa kursong Office Administration sa isang pampribadong kolehiyo sa Maynila. Iginagapang ng kaniyang matiyaga at masipag na single mother ang kaniyang pag-aaral. Isa itong factory worker na gumagawa ng handicraft. Hindi ito nagsasabi o nagbibigay ng detalye o impormasyon sa kaniyang tunay na ama.

Noong preliminary test gumawa lamang ng promisory note ang kaniyang nanay para mapayagan siyang kumuha ng pagsusulit. Subalit kanina ay ipinatawag siya sa accounting office ng pamantasan. Ipinaalam sa kaniyang kailangan niyang bayaran ang balanse ng kaniyang matrikula na aabot sa sampung libong piso upang makakuha siya ng midterm test.

Lumulutang ang isip ni Arthur. Saan naman sila kukuha ng sampung libo? Saang kamay ng Diyos sila kukuha ng pambayad sa matrikula? Alam niyang hirap na hirap na rin ang kaniyang nanay. Hindi sapat ang kinikita nito sa pabrika. Halos hanggang leeg na rin ang kanilang utang. May mga panahong gusto na niyang tumigil sa pag-aaral at magtrabaho na lamang subalit nagalit ang kaniyang nanay. Iyon lamang daw ang maipapamana nito sa kaniya. Huwag daw niyang sayangin ang pagkakataong makapag-aral nang mabuti upang maging maganda ang kaniyang buhay. Saglit na huminto sa paglalakad si Arthur. Tumingin siya sa langit. Panginoon, Kayo na po ang bahala, usal niya.

Muling nagpatuloy sa paglalakad si Arthur. Habang naglalakad biglang napahinto si Arthur. Isang makapal na panlalaking pitaka ang nakita niya sa daan. Nilingon niya ang kaniyang paligid. Bukod sa mga sasakyang humahagibis sa kalye wala ng ibang taong naglalakad maliban sa kaniya. Sumisikdo ang kaniyang puso. Pinulot niya ang pitaka at nagpatuloy sa paglalakad.

Nang makarating sa isang convenience store panumandaling nakiupo si Arthur. Binuklat niya ang pitaka. Naglalaman ito ng samo’t saring mga ID at pera. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa halaga ng perang nasa loob ng pitaka. Kulang-kulang labing limang libong piso at mga isang daan at limampung piso. Sapat na sapat upang mabayaran ang kaniyang pinoproblemang matrikula.

Napalunok si Arthur. Inisa-isa niya ang mga ID. Nakita niyang ang may-ari ay isang branch manager sa isang bangko. Protacio Mercado, 48 taong gulang. Sa likod ng isa sa mga ID nakalimbag ang numero ng selpon nito.

Nagtatalo ang kalooban ni Arthur. Ito na ang solusyon sa kaniyang mga problema. Maaari pa niyang maitabi ang limang libo o kaya’y ibibigay niya sa kaniyang nanay. Hindi na niya kailangang ibalik pa. Siya naman ang nakapulot.

Subalit hindi iyon ang turo sa kaniya ng kaniyang nanay. Pinalaki siya nitong may dignidad. Kailangan daw isauli ang mga bagay na hindi mo pag-aari lalo na kung napulot lamang ito. Tila sinusundot ng kaniyang konsensya si Arthur.

Isang desisyon ang ginawa niya. Agad niyang pinadalhan ng text message ang cellphone number ng may-ari ng pitaka. Nakipagkita siya sa isang pinakamalapit na mall. Wala pang limang minuto ay dumating na rin ang lalaking nagmamay-ari ng pitaka.

“Maraming, maraming salamat, iho. Akala ko wala na ang pitaka ko. Mabuti na lang at ikaw ang nakakuha,” nakangiting sabi ni Protacio kay Arthur. Parang nakita na ni Arthur ang mga mata ng lalaki subalit hindi lamang niya maisip kung saan o kanino.

“Naku, wala ho iyon, sir. ‘Yung totoo po muntik na po akong matukso. Kailangan ko ho kasing magbayad sa matrikula ko. Hindi po ako makakapag-take ng exam. Kaya nang mapulot ko po ang pitaka niyo at makita na may pera gusto ko na pong ibayad iyan,” pag-amin ni Arthur. Nagkatawanan sila ni Protacio.

“O, bakit hindi natuloy?” Tanong ng lalaki. Nasa isang fast food chain sila at kumakain. Nilibre si Arthur ni Protacio bilang pasasalamat.

“Nakonsensya ho ako, eh. Turo po ng nanay ko isasauli ko ang mga bagay na hindi sa akin kapag napulot ko. Huwag kukuha ng pag-aari ng iba,” tugon ni Arthur.

“Maganda ang pagpapalaki sa iyo ng nanay mo. Kung mamarapatin mo gusto ko siyang makilala. Magpapasalamat ako sa kaniya.” Sabi ni Protacio kay Arthur.

Dahil may kotse naman si Protacio pumayag si Arthur. Isinama niya si Protacio sa kanilang munting tirahan. Hinintay nila ang pagdating ng kanyang nanay na si Carlota. Lagi na itong ginagabi ng uwi dahil madalas mag-overtime upang makarami ng gawa.

Pagdating ng ina ni Arthur ay nagulat ito. Hindi nakahuma sina Carlota at Protacio nang magkaharap sila.

“Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Carlota kay Protacio. “Carlota? Anak mo si Arthur?” balik tanong ng lalaki.

“Magkakilala po ba kayo?” tanong ni Arthur sa dalawa.

Isinalaysay ni Arthur kay Carlota kung paano sila nagkakilala ni Protacio. Namumutla si Carlota gayundin si Protacio.

“Bakit po kayo magkakilala?” muling tanong ni Arthur sa dalawa. “Arthur, anak, si Protacio siya ang tatay mo,” pag-amin ni Carlota.

At doon isinalaysay ni Carlota ang nangyari kung bakit sila naghiwalay ni Protacio. Nagkaroon ito ng ibang kasintahan maliban sa kaniya. Hindi alam ni Protacio na nagbunga pala ang kanilang pagmamahalan.

Sinabi ni Protacio na handa siyang bumawi kina Carlota at sa anak na si Arthur dahil single naman siya at wala pang sariling pamilya.

Naisip ni Arthur na tadhana ang gumawa ng paraan upang mapalapit siya sa kaniyang tunay na ama.

Nagkabalikan sina Protacio at Carlota dahil mahal pa rin nila ang isa’t isa. Binayaran naman ni Protacio ang buong matrikula ng anak na si Arthur at ipinangako sa anak na babawi rito sa lahat ng aspeto. Pinakasalan ni Protacio si Carlota at namuhay ang tatlo nang maligaya.

Advertisement