“Okay class, don’t forget to give the letter to your parents ha? Especially sa mga mommy niyo. Goodbye and thank you!” paalam ng gurong tagapayo ni Tifanny. Si Tifanny ay nasa Grade 4.
Nang makaalis ang guro, binuklat ng mga kaklase ni Tifanny ang laman ng liham.
“May family day pala tayo! Maraming palaro, pero kailangan kasama ang tatay at nanay.” Sabi ng isa sa mga kaklase ni Tifanny.
“Oo nga. Gusto iyan ng Papa ko. Ikaw, Tifanny, hindi pa namin nakikita ang Mommy mo? Pupunta na ba siya?” Tanong ni Robelyn, isa sa kanyang mga katabi sa upuan.
“Oo naman. Sasabihin ko sa kanila…” sagot ni Tifanny. Ang kanyang Daddy Greg ang laging sumusundo sa kanya.
Katulad ng nakagawian, nariyan na nga si Daddy Greg. May dala itong paboritong niyang French Fries at ice cream.
“How’s school, sweetie?” Magiliw na tanong sa kanya ni Daddy Greg. Gwapo ito at matangkad. Maraming mga babae at yaya ang laging napapalingon dito.
“Daddy Greg, binigay po ito ng adviser ko,” Iniabot ni Tifanny ang liham sa kanyang Daddy Greg. Saglit itong binasa ni Greg, at pagkaraan ay kinurot ang pisngi ni Tifanny.
“Don’t worry. Sasabihin ko ito kay Daddy Ross mo,” pangako ni Greg sa bata. Si Ross ay ang tunay na tatay ni Tifanny.
Matapos matulungan sa kanyang mga assignment si Tifanny, pinatulog na ni Greg ang bata. Katulad ng nakagawian, hihintayin niya ang tatay ni Tifanny na si Ross, ang kanyang partner. Matagal nang nagsasama sina Greg at Ross. College pa lang sila, magkakilala na sila. Pareho silang nagkakagusto sa babae at kapwa nila lalaki din, pero sa kanilang dalawa, mas “tumatayong babae” si Greg.
Nagkaroon ng girlfriend si Ross, at nagbunga ang kanilang pagmamahalan. Iyon ay si Tifanny. Pumanaw ito sa panganganak. Hindi na naghanap ng ibang babaeng tatayong ina ni Tifanny si Ross. Ipinasya nilang magsama sa iisang bubong kasama si Tifanny.
May sariling negosyo si Greg kaya flexible ang kanyang oras. Siya ang tumatao sa bahay upang alagaan si Tifanny. Siya ang matiyagang nagpalaki rito, mula sa pagtitimpla ng gatas, pagpapatulog, pagpapadighay, hanggang sa pakikipaglaro—lahat ng iyan ay ginawa ni Greg dahil mahal niya si Ross at napamahal na rin siya kay Tifanny. Itinuturing niya itong tunay na anak. Mas malapit pa ang loob ni Tifanny kay Greg kaysa sa tatay nitong si Ross na abala naman sa trabaho.
Naging bukas naman sina Greg at Ross sa tunay na relasyon nila, lalo na kay Tifanny. Ipinaunawa nila kay Tifanny ang kanilang sitwasyon. Kaya naman, sanay si Tifanny na may dalawa siyang tatay sa bahay. Sina Daddy Ross at Daddy Greg. Hindi nila iniintindi ang sinasabi ng ibang tao, lalo na ang kanilang mga kapitbahay. Pinalaki nila sa pagmamahal si Tifanny at binubusog sa atensyon upang hindi nito maramdaman ang kakulangan sa ina.
Dumating na rin si Ross mula sa trabaho. Isang halik sa noo ang iginawad ni Greg sa kanyang boyfriend.
“Kumain ka na ba, babe?” Tanong ni Greg kay Ross.
“Coffee na lang, babe, salamat!” tugon ni Ross habang nagtatanggal ng medyas sa sofa.
“Pagod ka? Marami kang ginawa sa work?” pangungumusta ni Greg kay Ross habang nagtitimpla ng kape nito.
“Medyo maraming kliyente, babe. Pero ayos lang. Tulog na si Tifanny?”
“Oo. Wait, I have something to tell you…” matapos maiabot ang puswelo ng kape kay Greg, iniabot niya rito ang liham mula sa gurong tagapayo ni Tifanny. Saglit itong binasa ni Ross.
“Family Day… that’s great! Sige, punta tayo,” kaswal na sabi ni Ross.
“Okay… pero sigurado ka ba? Iniisip ko lang din, baka magulat ang mga tao. Baka maeskandalo si Tifanny.” Nag-aalalang sabi ni Greg kay Ross.
“They will surely understand. Saka nasa school tayo,” paniniguro ni Greg.
Nagpunta nga sa family day sina Greg at Ross. Masayang ipinakilala ni Tifanny sa kanyang mga kaklase at guro ang kanyang dalawang daddy. Kitang-kita sa mukha ng kanyang mga kaklase ang pagkabigla.
Hindi pinansin nina Greg at Ross ang malisyosong mga tingin mula sa ibang mga magulang na naroon. Nagtungo sila roon para kay Tifanny, upang hindi ito makaramdam na hindi siya pwedeng sumali sa family day dahil wala siyang Mommy.
Pagkauwi sa kanilang bahay, masinsinang kinausap ni Ross ang kanyang anak.
“Tifanny, hindi mo ba nagustuhan na nalaman ng mga classmates and teachers mo na dalawa ang Daddy mo?” tanong ni Ross sa anak.
“No, Dad. Pinagmamalaki ko po kayo ni Daddy Greg. I love you both!” hinalikan ni Tifanny ang pisngi ng kanyang tatay at niyakap ito.
Nangilid naman ang luha ni Greg at nakiyakap na rin sa mag-ama.
Simula noon, laging ipinagmamalaki ni Tifanny sa kanyang mga kaklase na dalawa ang kanyang Daddy. Hindi naman siya tinukso ng mga ito dahil naunawaan ng kanyang mga kaklase ang sitwasyon nila, kahit na sila ay bata pa. Lalo pang naging matibay ang pagsasama nina Greg at Ross bilang mga tumatayong tatay kay Tifanny. Patutunayan nilang maaaring maging maayos at mapagmahal na mga magulang ang mga tulad nila.