Akala ng Hambog na Amo na Hindi na Makakaahon sa Buhay ang Binatang Vendor sa Bus, Makalipas ang Ilang Taon ay Kinain Niya ang Sinabi
Maganda ang takbo ng negosyo ni Ariel. Nakatira siya sa Pasay at sa kanya kumukuha ng mga paninda ang mga naglalako sa Baclaran. Per basket ang presyuhan niya, bawat isang basket ay naglalaman ng mineral water, crackers, biscuit, at mga chichirya pa. Kapag mas malaki ang puhunan ng kukuha ay pwede iyong dagdagan ng sabit na pugo o kaya mani, hati sila sa kikitain ng tindero bawat araw.
Ang problema lamang ay ubod ng hambog at mapagmataas si Ariel, napakaliit ng tingin niya sa mga tindero kahit kung tutuusin ay dahil sa mga ito kaya siya may ikinabubuhay. Kung sigawan niya ang mga ito at ipahiya ay wala siyang pinipiling lugar.
“Aba Mang Dencio, wala naman kayong masyadong naibawas rito sa basket na kinuha nyo sa akin ngayong araw, eh naglaro lang yata kayo!” sigaw niya sa may edad na tindero.
“Pasensya ka na Ariel, wala nga akong kinita ngayon. Dalawang biscuit na tigsa-sampu lang ang naibenta ko. Marami na rin kasi kaming tindero sa Baclaran ang bibilis pa ng iba na umakyat sa mga bus,” paliwanag ng matanda.
Hirap na itong makipagsabayan sa ibang tindero na umakyat sa mga bus at doon maglako, konting lakad nga lang ay hinihingal na ang matanda. Idagdag pa na kailangan ang mabilisang kilos dahil talamak ang hulihan ngayon ng mga kolorum na sasakyan.
“Mang Dencio, idagdag mo na tong sikwenta pesos sa kita mo. Pasensya ka na, nahirapan din akong magtinda eh,” sabi ni Marvin, isa itong binatilyong tindero rin. Malambot ang puso nito at matulungin, kaya lang ay hanggang sikwenta lang talaga ang maiaabot niya dahil may mga gastusin rin siya.
Natatawa naman si Ariel sa nasaksihan, “Bata, wag kang masyadong mabait. Utak utak rin, kaya di kayo naunlad eh.” sabi niya sa binatilyo, sinuklian lang naman iyon ni Marvin ng isang ngiti.
Napapataas na lamang ng kilay si Ariel tuwing maririnig niya ang dalawang magkwentuhan, palaging magkasabay ang mga ito. Masyadong maraming pangarap sa buhay si Marvin, kesyo mag aaral raw, kesyo ililipat ang nanay sa bahay na bato. Sinasang ayunan naman ito ng matanda, minsan nakikisabat siya at pinagsasabihan itong wag masyadong ilusyonado.
Aba, mabuti na iyong imulat niya ito na umaasa ito sa wala. Sa mundong ito, ang mga mayayaman lang ang lalong yumayaman at ang mahihirap naman, habangbuhay na lalangoy sa ilog ng gutom at pagdurusa. Ganoon ang patakaran, iyon ang hindi naiintindihan ng ambisyosong si Marvin. Iba rin itong si Mang Dencio eh, tamang sakay lang sa trip ng bata.
Kung siya lang, papayuhan niya itong iuntog ang sarili sa pader dahil imposible ang sinasabi nito. Mag-focus na lang dapat ito sa pagtitinda dahil iyon ang pinakamalapit sa katotohanan.
Isang gabi, nagbibilang ng pera si Ariel nang lumapit sa kanya si Marvin.
“Kuya.. salamat sa lahat ng naitulong mo, kung hindi dahil sa negosyo mo wala kaming ikabubuhay,” panimula nito.
“Wag ka nang magpasakalye, ano’ng kailangan mo?” tinatamad na tanong niya.
“Magpapaalam na po sana ako,” sabi ng binata.
“Hah! Sige, bahala ka. Ilagay mo ang basket mo sa ibabaw ng makina,” bilin ni Ariel dito. Anong drama iyon? Di na siya nagtanong dahil alam niya namang babalik rin ito sa kanya nang nagmamakaawa. Susmaryosep, ano naman ang lalamunin nito kung hindi ito magtitinda?
Isang taon ang mabilis na lumipas, hindi na alam ni Ariel kung ano ang nangyari kay Marvin. Baka sa iba na kumuha ng paninda, o baka nasa probinsya at nagtatanim ng kamote! Natawa siya sa naisip. Nagising siya sa pag iisip nang magsalita si Mang Dencio, masaya ang mukha nito.
“Ariel, ito na ang basket ko. Baka huling kuha ko na ito sayo,” sabi ng matanda.
Hindi naman siya nakasagot agad at tumaas ang kilay, makalipas ang ilang sandali ay di niya napigilang magtanong.
“Saan kayo kukuha ng ikabubuhay? May apo kayong pinapakain diba?” tanong niya.
“Pinuntahan ako ni Marvin kanina, ay ang batang iyon! Team leader daw siya sa kumpanyang pinapasukan, binigyan ako ng puhunan para magsimula ng sari sari store sa amin para hindi na ako naglalako. Hindi nakakalimot!” proud na pagbabahagi nito, na para bang anak na rin ang ipinagmamalaki.
Napanganga naman si Ariel. Lingid sa kaalaman niya ay nag aaral pala si Marvin habang kumukuha ng paninda sa kanya noon. Pinagsasabay nito ang hanapbuhay sa umaga at pagpasok naman sa pampublikong kolehiyo sa gabi.
Sa tulong ng scholarship at sipag ng binatilyo ay nakapagtapos ito at nakakuha ng magandang trabaho. Mali si Ariel, hindi dahil lugmok ang isang tao sa kinalalagyan niya ngayon, ibig sabihin ay hindi na ito makakaahon.
Pagti-tiyaga, dasal at tiwala sa Diyos ang kailangan upang makamit ang anumang pangarap.
sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.