Masayang Naghihintay ang Lalaking Ikakasal Para sa Kaniyang Bride, Isang Mapait na Balita ang Kaniyang Natanggap nang Hindi ito Makarating
Dalawang araw na lamang at gaganapin na ang pinaka-aabangang kasal ni Raver at Hani, napakatagal na panahon nila itong pinagipunan at hinintay.
“Di na ako makapaghintay mahal, masaya ako na matutupad na ang pangarap nating kasal.” Ang padalang text ni Raver sa kasintahan.
“Ako din mahal, miss na nga kita eh, hindi pa daw kasi tayo puwedeng magkita bago ang kasal. Sigurado ako ang gwapo gwapo mo sa araw na iyon.” Sagot ni Hani.
Sa araw ng kasal ay naroroon ang kanilang mga pamilya, kamag-anak at mga kaibigan. Naunang dumating si Raver kagaya ng nakagawian at sabik na hinintay ang kaniyang bride. Habang naghihintay ay nakikipagkwentuhan muna siya sa mga bisita.
“Napaka gwapo naman ng anak ko, talagang bagay na bagay kayo ni Hani.” Wika ng kaniyang ina.
“Siyempre kanino pa ba magmamana ‘tong anak ko kundi sa akin.” Dugtong naman ng kaniyang ama. Sabay tawanan nilang tatlo.
Iniwan pansamantala ni Raver ang mga magulang upang kamustahin ang mga kaibigan at ibang kamag-anak. Kitang kita sa mga tao sa simbahan ang pananabik. Lahat ay masaya para sa nalalapit na pag-iisang dibdib ng dalawa.
“Pa, asan na ba sina ate? Malapit nang magsimula ang kasal, diba dapat ay nandito na sila?” Wika ni Angel, ang nakababatang kapatid ni Hani.
“Kanina ko pa nga rin siya tinatawagan pero hindi sumasagot. Pati ang mama mo ay hindi ko makontak.” Sagot naman nito.
30 minuto na ang nakalipas at hindi pa rin dumarating ang mag-ina, labis nang nag-aalala ang lahat lalo na si Raver.
“Ma, nag-aalala na ako, nasa’n na si Hani? Hindi natin alam kung nasaan na sila.” Wika ni Raver.
Maging ang mga tauhan ng simbahan ay nagtatanong na kung kailan maaring umpisahan ang kasal. Mayroon pa kasing susunod na misa matapos ang seremonya nila. Maya-maya’y nakatanggap ng tawag ang ama ni Hani.
“Hindeeeee! Hindi yan maari!” Hinagpis nito habang niyayakap ng bunsong anak na umiiyak.
“Pa, ano pong nangyari, bakit? Nasaan ang magiging asawa ko? Nasaan po si Hani?” Tanong ni Raver rito.
“Kuya naaksidente sina ate papunta rito, sabi ay nasa ospital sila ngayon malapit rito pero binawian na sila ng buhay ni mama, tanging ang drayber lang ang natirang buhay.” Sagot ni Angel habang umiiyak.
Kumakabog man ang dibdib ay agad na tumakbo palabas si Raver, tinakbo niya ang init ng araw suot ang magarang kasuotan upang hanapin ang mapapangasawa.
Sa kaniyang pagtakbo ay walang tigil ang pagtulo ng kaniyang luha. “Hani! Hani” paulit ulit niyang sambit. Hindi niya matanggap ang sinapit ng kabiyak.
Dumating siya sa ospital at agad napagtanto ng mga nurse na siya ang lalaking papakasalan dapat ng isinugod na bride. Dinala siya ng mga ito kung saan naroon si Hani. Nanghina ang tuhod ni Raver sa nakita, bagaman walang buhay ay napakaganda ng kaniyang kasintahan sa suot nitong damit pangkasal, mukha itong reyna sa ayos ng buhok nito at suot na mga alahas.
“Asawa ko. Asawa ko ‘to.” Hinagpis niya habang niyayakap ang babae.
Dumating na rin ang pamilya ni Hani at ang mga magulang niya. Labis ang paghihinagpis ng mga ito sa sinapit ng mag-ina. Hindi mapigilan ng ama ni Hani ang magwala, gayundin si Raver na ayaw bitawan ang bangkay nito. Walang humpay ang pagsigaw niya sa pangalan ng kabiyak. “Haniiiiiii!!!”
Inilibing nila ang mag-ina matapos ang isang linggo. Hindi naging madali ang lahat para kay Raver, napakarami nilang plano ni Hani, nakatakda silang lumipad sa New Zealand sa susunod na buwan para doon umpisahan ang pinapangarap na pamilya.
“Aalis pa rin ako Ma, Pa, kailangan kong umalis para kay Hani, para tuparin ang pangarap namin.” Paalam niya sa mga magulang.
“Alam mong anuman ang desisyon mo ay susuportahan ka namin, magiingat ka roon, at dumalaw ka pa rin dito ha.” Naiiyak na bilin ng kaniyang ina.
Bago siya umalis ay dinalaw muna niya ang puntod ni Hani at nagpaalam.
“Mahal, miss na miss na kita, aalis na muna ako ha. Ikaw na ang bahala sa akin. Napakasakit pa rin ng nangyari sa atin. Pero para sa ‘yo ay pipilitin kong mabuhay, mahal na mahal kita asawa ko. Hanggang sa muli nating pagkikita.”
Nag-iwan siya ng mga puting bulaklak sa puntod nito at nagtungo na sa airport. Sa kaniyang paglipad ay lumuluha pa rin si Raver,ngunit alam niyang babaunin niya ang masasayang alaala nila ng namayapang kabiyak.