Pitong Taong Magkarelasyon ang Magkasintahan Hanggang Sila ay Magpakasal; Doon Nila Natuklasan ang Tunay na Ugali ng Isa’t Isa
Pitong taon.
Pitong taon nang magkasintahan sina Vivian at Carlos. Halos masasabi nila na kilalang-kilala na nila ang isa’t isa. Kilala na rin sila ng kani-kanilang mga kamag-anak. Boto ang kani-kanilang mga partido para sa isa’t isa.
Kaya nang hingin ni Carlos ang kamay ng nobya, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Vivian. Wala namang dahilan para humindi. Kung tutuusin, pormalidad na lang ang kasal. Para sa isa’t isa, matagal na silang mag-asawa.
“Hindi na ako makapaghintay na sa wakas ay matatawag na rin kitang Mrs. De Castro, Mahal ko,” masayang sabi ni Carlos kay Vivian.
“Ako rin naman Mahal ko. Hindi na ako makapaghintay na magka-anak tayo at makabuo ng pamilya,” wika naman ni Vivian.
Matuling naisagawa ang kanilang mga paghahanda para sa kasal. Ang nais sana ni Vivian ay simple lamang, subalit iginiit ni Carlos na minsanan lamang naman dumating sa buhay-mag-asawa ang pagkakaroon ng isang enggrandeng kasalan, kaya sinabi niya na dapat ay magarbo ito.
Kaya sa araw ng kanilang kasal, inimbitahan nila ang lahat ng mga malalapit na kamag-anak, kaibigan, at kakilala. Naging magarbo rin ang kanilang reception na ginanap sa isang hotel.
“Bes! Bes! Napakasaya ko talaga na finally, heto na, kasal na kayo ni Carlos! Imagine, pitong taon ang naging relasyon ninyo, kasal na lang talaga ang kulang,” pagbati ni Daisy na matalik na kaibigan ni Vivian.
“Oo nga eh. Akala ko talaga wala na siyang balak pa na pakasalan ako. Akala ko nga magsasama na lamang kami sa iisang bubong para maging live in partners. Pero heto bes, natupad na ang pangarap ko na maging isang misis na,” masayang-masayang pahayag ni Vivian.
“Basta bes! Masayang-masaya ako para sa iyo. Pero huwag na huwag mo akong kakalimutang balitaan sa mga ganap ninyo ha? Saka kapag nagka-baby na kayo ni Carlos, alam mo na ha, ako ang ninang!”
“Oo naman, bes! Ikaw pa ba ang mawawala sa listahan ko?” natatawang sabi ni Vivian.
Nang matapos ang kanilang reception ay dumiretso na ang mag-asawa sa bahay ni Carlos.
Dahil pagod na pagod na sila, hindi na sila nags*ping pa dahil madalas naman nila itong ginagawa.
“Masaya ka ba, Mahal?” tanong ni Carlos sa kaniyang misis habang nakahiga sila sa kama.
“Masayang-masaya, Mahal ko. Alam mo naman na matagal ko na talagang gusto na makasal tayo sa simbahan, hindi ba?”
“Huwag kang mag-alala, Mahal. Gagawin kitang reyna. Pangako.”
At natulog na nga ang mag-asawa, na sa kauna-unahang pagkakataon ay mag-asawa na.
Dumaan ang mga araw na tipikal lamang kina Vivian at Carlos. Bukod sa mag-asawa na sila, wala namang bago sa kanilang pagsasama.
Ngunit mas nakikita na nila ngayon ang mga katangian nila na hindi nila nakita sa loob ng pitong taon.
Hindi naman kasi sila nagkakasama sa iisang bubong.
Natuklasan ni Vivian na mabilis palang mag-init ang ulo ni Carlos kapag ginigising ito sa umaga. Mas gusto nito na kusang nagigising. At kapag nasimulan na nitong uminit ang ulo, tuloy-tuloy na ito hanggang gabi.
Napapadalas tuloy ang kanilang mga pagtatalo at pag-aaway na nagmumula sa mga pinakamaliit lamang na dahilan.
Bagay na hindi nagaganap noong magkasintahan pa lang sila.
“Bakit ganoon ‘Nay? Kung kailan kinasal kami, doon lumitaw ang mga hindi namin pagkakaunawaan?” tanong ni Vivian sa kaniyang ina nang minsang magsumbong siya rito.
“Anak, ganoon talaga ang kasal. Tandaan mo ang ipinangako ninyo sa isa’t isa; na magsasama kayo sa hirap at ginhawa. Hindi lahat ng pagkakataon, magiging masaya kayo. Talagang dadaan sa matitinding pagsubok ang inyong relasyon. Kasama iyan sa mga pagdadaanan ninyo. Kumapit ka lang. Ganyan din kami ng Tatay mo noon. Mas nakilala namin ang isa’t isa nang magsama na kami sa iisang bubong,” paliwanag ng kaniyang Nanay.
“Saka anak, hindi sa lahat ng pagkakataon na mag-aaway kayo, kailangang makisabay ka. Pag-aralan mong magtimpi at timbangin kung kinakailangan mo bang sabayan ang galit niya. Ganoon ang sikreto ng isang matagumpay na relasyon. Subukin mong pag-aralan,” payo naman ng kaniyang Tatay.
Tinandaan ni Vivian ang mga payo ng kaniyang mga magulang.
Kaya naman, hindi na niya ginagawa ang mga bagay na alam niyang makapagpapakalabit sa sumpong ng mister.
Kapag mainit ang ulo nito, hindi na siya nakikipagtalakan pa.
Natuto siyang timplahin ang mood nito.
At napansin din naman ito ni Carlos. Napansin ni Vivian na natuto na rin ang mister na magtimpi-timpi.
Hanggang sa napagtagumpayan nila ito. Tumagal ang kanilang pagsasama at mas lalo pang tumibay ang kanilang pagmamahalan hanggang sa magkaroon ng mga anak.
Napagtanto ng mag-asawa na hindi lamang sapat na mahal ang isa’t isa—kailangan din ng iba’t ibang mga adjustment upang hindi manawa at mas mapagtibay pa ang relasyon.